Wednesday , May 19 2021
Breaking News
You are here: Home / News / QC SK Federation President bago na, Ex-official pinatalsik ng Comelec sa pandaraya ng edad
QC SK Federation President bago na, Ex-official pinatalsik ng Comelec sa pandaraya ng edad

QC SK Federation President bago na, Ex-official pinatalsik ng Comelec sa pandaraya ng edad

MAY bago nang itinalagang Sangguniang Kabataan (SK) Federation President ang Quezon City, matapos patalsikin ng Commission on Elections (COMELEC) ang dating opisyal ng federation dahil sa pagsisinungaling nito sa kanyang edad noong tumakbo sa halalang 2018.

Nanumpa sa kanyang bagong tungkulin si John Paolo A. Taguba, SK Chairman ng Barangay Escopa IV, QC, sa harap ni Department of Interior and Local Goverment (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño nitong nakaraang Huwebes, 28 Enero 2021, bilang bagong SK Federation President ng lungsod.

Si Taguba ay uupo rin bilang Honorary Member ng Konseho ng QC bilang kinatawan ng mga kabataan.

Ang dating presidente ng SK Federation na si Noe Lorenzo B. Dela Fuente III, ay pinatalsik ng Comelec sa kanyang puwesto dahil sa kanyang pagsisinungaling sa kanyang edad nang tumakbo bilang SK Chairman ng Barangay Nayong Kanluran at kalaunan ay naihalal pang pangulo ng pederasyon.

Sa walong-pahinang resolusyong inilabas ng Comelec 2nd Division noon pang 14 Setyembre 2020, na ipinonente ni Commissioner Socorro B. Inting, ngunit nito lamang inilimbag sa media, sina­saad na nagsinungaling si Dela Fuente III sa paghahain ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) noong 19 Abril 2018, isang buwan bago ganapin ang halalang 14 Mayo 2018.

Sa paghahain ng COC ni Dela Fuente III bilang kandidato sa pagka-SK Chairman ng Barangay Nayong Kanluran ng taon na iyon, idineklara niyang siya ay edad 24 anyos, ipina­nganak noong 22 Enero 1994.

Ngunit noong 12 Mayo 2018, dalawang araw bago mag-elek­siyon, ang Commission sa pamamagitan ng Legal Division nito ay naghain ng petisyon na ikansela ang COC ni Dela Fuente III sa kadahilanang nagsinungaling sa kanyang edad.

Ito ay base sa ulat ng Election Officer ng QC District 1 na ang kanyang pangalan ay kabilang sa mga kandidato sa SK na lagpas na sa edad 24.

Matapos ang ilang pagdinig sa kanyang kaso, napatunayan ng Comelec na nagsinungaling nga si Dela Fuente III na nagresulta sa resolusyong inilabas ng sala ni Commissioner Inting.

Samantala, si Taguba na siyang Bise-Presidente ng pederasyon, ayon sa batas ng organisasyon ang siyang kapalit ni Dela Fuente III bilang SK Federation President ng QC.

Bukod dito si Taguba ay tunay na 24 anyos nang tumakbo noong halalang Mayo 2018, dahil ipinanganak siya noong 9 Nobyembre 1994.

Nakatakdang manumpa si Taguba bilang Konsehal o Honorary Member ng QC Council kay Mayor Joy Belmonte sa susunod na linggo upang ‘di mabalam ang paglilingkod ng opisina ng SK Federation.

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top