Tuesday , July 7 2020
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Ordinaryong manggagawa, empleyado at mamamayan na kailangan nang pumasok, kalbaryo ang inabot sa GCQ
Ordinaryong manggagawa, empleyado at mamamayan na kailangan nang pumasok, kalbaryo ang inabot sa GCQ

Ordinaryong manggagawa, empleyado at mamamayan na kailangan nang pumasok, kalbaryo ang inabot sa GCQ

SA UNANG araw ng general community quarantine  (GCQ) naging tampok ang mga hinaing ng mga manggagawa na naghintay nang matagal sa libreng sakay (pero walang dumating) o pampasaherong sasakyan, mahabang pila sa sakayan, mahabang lakaran, mahabang pila sa Light Rail Transit (LRT), Metro Rail Transit (MRT), at pagkatapos nang halos tatlong oras na hintay-lakad- pila-sakay, late pa rin sila pagdating sa trabaho.

Pero natuwa sila dahil maluwag ang loob ng LRT/MRT, dahil nga sa social & physical distancing na halos isang metro ang layo ng mga pasahero.

Pero hindi ganito ang kapalaran ng mas maraming manggagawa at empleyado na bumalik sa kanilang mga trabaho kahapon.

Mas marami sa kanila ang naglakad, patungo sa trabaho at pauwi sa kanilang bahay.

Mayroong ilang Good Samaritan ang nagpaangkas pero siyempre limitado dahil nga sa pagsunod  sa social/physical distancing.

Kung tutuusin, ang paglalakad ay isang magandang exercise pero magtatrabaho nga ‘yung mga tao, paano ‘yan pagdating sa opisina o pabrika, ubos na ang energy nila. Late na nga, hindi pa makapagtrabaho nang maayos dahil sa sobrang pagod.

Bakit nga kasi hindi payagan ang angkasan ng mag-asawa sa motorsiklo o magkapatid gayong galing naman sila sa iisang bahay?

Mayroon namang precautions kung paano poproteksiyonan ang kanilang mga sarili, ‘di ba?

Puwede raw mag-angkas kung may kabit.

Kabit na sidecar sa motorsiklo na parang tricycle. Papayagan ba ng mga awtoridad ang tricycle sa EDSA o sa mga highway?!

Talagang nag-uumpugan ang mga polisiya at patakaran ng mga awtoridad sa kanilang sinasabi sa publiko.

Ano ba talaga ang totoo?! 

Kunsabagay, kung noong wala ngang COVID-19, kawawa na ang public commuters dahil sa bulok na sistema ng public at mass transportation, ngayon pa kaya?

Sana naman ay makahanap ng maayos na solusyon ang IATF-EID, para hindi naman magkasakit at humina ang resistensiya ng mga empleyado at manggagawa na malaki ang kontribusyon sa pagpapaikot ng ating ekonomiya.

Pahalagahan natin sila lalo na ngayong may malaking pandemya ng kalusugan.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected] Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://www.hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

 

 

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top