Thursday , April 9 2020
Breaking News
You are here: Home / News / Gag order hirit sa SC ni Calida

Gag order hirit sa SC ni Calida

TILA napapaso ang Palasyo sa kaliwa’t kanang pagbatikos laban sa pagsikil ng administrasyong Duterte sa press freedom.

Ito ay matapos paboran ng Palasyo ang hirit na gag order ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema kaugnay sa quo warranto petition na inihain laban sa prankisa ng ABS-CBN.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, nagiging emo­syonal na kasi ang isyu at marami nang sinasabi ang magkabilang panig.

Naniniwala si Panelo na kaya humirit si Calida ng gag order dahil tung­kulin niya ito at hindi bilang buwelta laban sa mga kritiko.

Aniya, kapag nagla­bas ng gag order ang Korte Suprema, hindi na maaaring magsalita ang ABS-CBN o si Calida, o ang Department of Justice o kung sino pa mang sangkot sa quo warranto petition kung merito na ng kaso ang pag-uusapan dahil lalabag ito sa umiiral na batas o sub judice.

Bawal na rin mag­salita ang mga artista na hayagan ang panawagan sa social media kung merito ng quo warranto ang tatalakayin.

Maaari namang magsalita aniya ang mga artista o sinoman basta’t maging handa sa posi­bilidad na ma-contempt.

Puwede rin aniyang magsalita ang mga mam­babatas kung renewal ng prankisa ng ABS-CBN ang pag-uusapan.

Sa ngayon, nakabinbin sa Korte Suprema ang quo warranto na inihain ni Calida para ipawalang bisa ang prankisa ng ABS-CBN na nakatakdang mag-expire sa susunod na buwan.

Iginiit ni Panelo na walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duter­te sa usapin ng pran­kisa ng ABS-CB  at iginiit na ang Kongre­so ang may tanging ka­pangyarihan na mag­pasya kung palala­wigin pa ito o hindi na.

Matatandaan, maka­ilang beses nang bina­tikos ni Pangulong Duterte ang ABS-CBN dahil sa hindi pag-ere ng kanyang campaign material noong 2016 presidential elections kahit bayad na.

ni ROSE NOVENARIO

About Rose Novenario

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top