Thursday , October 29 2020
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Batang Ina
Batang Ina

Batang Ina

KUMUSTA?

Nitong Enero, nagpasabog ng bomba ang World Health Organization (WHO).

Parang babala sa pagdating ng Pebrero.

Pero, hindi dahil lampas na ang Araw ng mga Puso, lipas na.

Ngayon, higit kailan pa man, mas lalo natin itong dapat alamin.

Ngayong Taon ng Daga na, para sa mga Tsino, ay simbolo ng reproduksiyon.

Ngayon pang inaasahang umarangkada ang ating populasyon ng 1.38% o nasa 1,483,838 bago matapos ang 2020.

Una, nasa 12 milyong batang babae – sa pagitan ng 15-19 anyos at humigit-kumulang 700,000 dalagitang 15 anyos pababa ang nanganganak na sa mga bansang papaunlad pa lamang.

Ikalawa, nasa 10 milyon ang panganganak na di-sadya ang nagaganap sa bawat taon sa mga dalagitang nasa 15-19 anyos sa mga nasabing bansa.

Ikatlo, komplikasyon sa pagbubuntis at panganganak ang pangunahing sanhi ng kamatayan sa mga dalagitang 15-19 anyos sa buong mundo.

Ikaapat, nasa 5.6 milyon ang pagpapalaglag na dalagitang 15-19 anyos at 3.9 ay peligroso, umaambag sa pagkamatay, pagkakasakit, at karamdaman ng mga nanay.

Ikalima, ang taas-taas ng panganib ng mga batang inang 10-19 anyos na nagkakaroon ng eclampsia, puerperal endometritis, at impeksiyon, kaysa kababaihang 20-24 anyos, kaya ang mga sanggol ng mga batang ina ay magaan ang timbang paglabas nang mas maaga sa oras at may matinding kondisyong neonatal.

Isa na rito ang Filipinas.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), lumobo ang paglobo ng tiyan ng mga Very Young Adolescent (VYA) – o mga batang 10-14 anyos – mulang 1.958 noong 2017 patungong  2,250 noong 2018.

Ang grupong iyon din, dagdag ng Civil Registration and Vital Statistics ng PSA, ang pagbaba ng bilang ng panganganak mulang 182,906 noong 2017 patungong 181,717 noong 2018.

Anyare?

Laglagan na ba ito?

O bunga ito ng mga proyekto ng gobyerno?

Ano’t ano man, nakababahala pa rin ang naitalang 1,381 pagsilang ng mga VYA noong 2011 hanggang 2,250 noong 2018.

Tumaas ng 63% o 504 panganganak araw-araw!

Ang Filipinas ang may pinakamaraming nabubuntis na kabataan sa anim na pangunahing ekonomiya sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Tayo rin ang bukod-tanging bansa na papataas nang papataas ang dami, sabi ng United Nations Population Fund (UNPF).

Ito ang paliwanag ng University of the Philippines Population Institute (UPPI).

Limitado raw kasi ang kaalaman sa edukasyon sa sex at serbisyo sa kalusugang seksuwal at reproduktibo, sa mga kabataan.

Itinuturo ring puno’t dulo nito ang mga sumusunod: (a) di-binalak na pakikipagniig at pangungulit ng barkada; (b) kawalang-malay sa maingat na pakikipagtalik; (c) pagkawasak ng mag-anak at kawalan din ng babaeng huwaran o role model sa pamilya; (d) kakulangan ng institusyong malalapitan o mapagsusumbungan ng kabataan.

Sa kasamaang-palad, hindi lamang apektado ang batang kababaihan kundi ang kanila ring mga anak.

Lalo na ang kanilang kinabibilangang pamayanan.

Dahil sa panganganak, mapipilitang tumigil ang mga batang ina sa pag-aaral o sa pagsasanay para matutong magbanat ng buto.

Dahil dito, mananatili sila sa kahirapa’t kawalan ng pagkakapantay-pantay kasi wala nga silang pagkakakitaan na nagbabaon sa kanila sa pagdurusa.

At, dahil nga rito, ipinapahamak nito ang batang ina sa di-sapat na nutrisyon habang buntis dahil sumasala sila sa pagkain na nagpapahamak ito sa kanila dahil hindi pa sila handa sa panganganak kaya ito rin ang dahilan kung bakit dumadagsa ang mga namamatay na ina.

Alam naman nating binabasag ng maagang pagbubuntis ang lahat ng trip o panaginip ng kabataan.

Kung tutuusin, nawawalan din ang bansa ng nasa P33 bilyon taon-taon!

Sa Konstitusyon, nakasaad sa Seksiyon 13 ng Artikulo II na kinikilala ng Estado ang mahalagang papel ng kabataan sa pagbuo ng bansa.

Tungkulin nito ang promosyon at proteksiyon ng kanilang pisikal, moral, espirituwal, intelektuwal, at panlipunang kagalingan.

Kabilang na rito ang kanilang patriyotismo at nasyonalismo.

Paano na kung sa halip na nagdudulot ng pag-asa ay nagdadalantao ang mga kabataan?

Naniniwala ni Sec. Ernesto Pernia ng Socioeconomic Planning, at tagapangulo ng PopCom o Commission on Population and Development, na ito ay isang “national social emergency.”

Kaya, kailangang-kailangan ang isang pambansang patakaran para pigilan o tigilan ang pagbubuntis ng kabataan.

Ito ang nagsilang sa panukalang-batas na mas kilalang Prevention of Adolescent Pregnancy Act of 2019 na isinulong ni Sen. Risa Hontiveros bilang “Providing for a National Policy in Preventing Teenage Pregnancies, Institutionalizing Social Protection for Teenage Parents, and Providing Funds Therefor.”

“Kung ito ay magiging batas,” pahayag ni Undersecretary Juan Antonio Perez III ng PopCom sa isang pagdinig sa Senado: “Ito ay magbibigay ng pagkakataon sa mga batang ina na bumalik sa kanilang pamayanan upang maipagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral at makapaghanapbuhay para sa kinabukasan ng kanilang mag-anak.”

Noong 2016, naglabas ng ulat ang United Nations Population Fund ng State of World Population na nagbigay ng liwanag at pali­wanag.

Ipinapakita nito na kung mabibigyan ng kapangyarihan ang mga batang ina, lalo ang mga 10 anyos pataas, malaki ang maitutulong nila sa demograpiya at ekonomiya.

Kung ang kababaihan ay tatandang malusog at may sapat na edukasyon, maaaring maging triple pa ang kanilang kita sa buong buhay.

Sila ang magsisilbing panggatong sa pagsulong para sa susunod na henerasyon para sa buong bansa.

Kung sakaling matitiyak ang pagtatapos ng mga batang ina, kabilang ang lahat na kaniyang dapat malaman para sa kaniyang edad tungkol sa bagay na may kinalaman sa seksuwalidad at kalusugang reproduktibo, maisasaayos ng bansa ang mga buhay ng nakararami.

Sa pag-ani ng mga pakinabang na pang­matagalan, ito ay makatutulong sa tagumpay ng 2030 Agenda for Sustainable Development.

Patunay itong hindi nga nagkamali si Gat Jose Rizal sa kaniyang pag-asa sa mga pag-asa ng bayan.

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top