Saturday , December 5 2020
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Coco, na-pressure kay Kim (Dahil magaling nang aktres…)

Coco, na-pressure kay Kim (Dahil magaling nang aktres…)

ni Maricris Valdez Nicasio

HINDI pala ito ang first time na magkakasama sina Coco Martin at Kim Chiu sa isang teleserye. Nagkasama na sila noon sa Tayong Dalawa at Kung Tayo’y Magkakalayo. Pero rito sa Ikaw Lamang sila nagkaroon ng time para makapag-bonding.

“Sa ‘Tayong Dalawa’, asungot lang ako roon, sa ;Kung Tayo’y Magkakalayo’, magkapatid naman kami. Rito sa ‘Ikaw Lamang’ siyempre matagal-tagal ang pagsasama namin dahil marami kaming magka-eksena lagi. Kaya nakita ko ang pag-grow ni Kim bilang artista. Noong makita ko nga ‘yung trailer, nagalingan talaga ako sa kanya at binati ko siya.

“Kaya naman masasabi ko na mas may pressure na ngayon ang pagsasama namin, kasi nga magaling na siyang aktres,” ani Coco sa isinagawang presscon para sa kanilang dalawa ni Kim.

Sinabi pa ni Coco na sobra siyang excited sa muling pagsasama nila ni Kim.

Magkahalong saya at kaba naman ang naramdaman ni Kim sa pagsisimula ng kanilang serye at bagong tambalan nila ni Coco. Huling napanood sa primetime TV si Kim sa hit family series na Ina Kapatid Anak, samantalang si Coco ay bumida sa most watched superhero-serye na Juan dela Cruz.

“Siyempre sa lahat naman po ng project kinakabahan ako, lalo na po rito sa ‘Ikaw Lamang.’ Ang huhusay ng lahat ng mga artistang kasama namin. Masasabi kong ito ang pinaka-challenging na role at project na ibinigay sa akin,” giit pa ni Kim.

Ibabahagi ng Ikaw Lamang sa mga manonood ang kuwento ng pag-iibigan ng magkababatang sina Samuel (Coco) at Isabelle (Kim) na susubukin sa paglipas ng panahon at ng malaking sigalot sa kani-kanilang pamilya.

Makakasama rin nina Coco at Kim sa teleserye ang dalawa sa pinakamahuhusay na aktor ng kanilang henerasyon na sina Jake Cuenca at Julia Montes at ididirehe nina Direk Malu Sevilla at Avel Sunpongco.

Kukompleto sa award-winning powerhouse cast ng Ikaw Lamang sina Ronaldo Valdez, Tirso Cruz III, Cherry Pie Picache, Cherie Gil, John Estrada, Daria Ramirez, Meryl Soriano, Spanky Manikan, at Lester Llansang. Kasama rin ang Kapamilya child stars na sina Zaijian Jaranilla, Louise Abuel, Alyanna Angeles, at Xyriel Manabat para sa kanilang natatanging pagganap.

Ayon naman kay Biboy Arboleda, Ad and Promo manager ng ABS-CBN na kaiga-igaya ang kuwento ng Ikaw Lamang dahil kuwento ito ng pag-ibig sa haba ng panahon. Kaya naman talagang pinag-isipan nilang mabuti kung sino-sinong artista ang isasama rito gayundin ang iba mga bagay-bagay tulad ng production design na gawa ng napakagaling na Manny Morfe. “Detalyado po lahat ‘yung mga ginamit na props, ultimo ‘yung bote ng softdrinks, kutsara, plato, at kung ano-ano iyon noong dekada, 70, 80, 90 and up to the present. Mga ginamit na kagamitan.

“Pati po ‘yung mga buhok at make-up nila na gawa pa ni Ruben Nazareth (na US based na) at ang mga fashion na mala-vintage dress na mula naman kay Eric Pineda (batikang costume designer).”

Tinatayang ito ang pinakamalaking proyekto ng Dreamscape Entertainment Television, ang grupong lumikha rin ng Juan dela Cruz, Ina Kapatid Anak, ang phenomenal drama series Walang Hanggan.

Kaya huwag palampasin ang pagbubukas ng kuwento ng Ikaw Lamang sa Marso 10 (Lunes) na sa Primetime Bida ng ABS-CBN.

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top