Thursday , October 29 2020
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Erik, inaming na-insecure kay Christian

Erik, inaming na-insecure kay Christian

DERETSAHAN naming sasabihin na isa si Erik Santos sa gustong-gusto naming ma-interbyu, may isyu o wala dahil napaka-sincere niyang tao. Nagkukuwento kasi si Erik ng tungkol sa personal niyang buhay at saka sasabayan ng sabing, ‘off the record’ at saka sasabayan ng tawa dahil alam niyang isusulat pa rin namin, ganoon kami ka-open ng nag-iisang Prince of Pop na nagseselebra ng ika-10 taon niya sa music industry.

Kaya naman sa nakaraang presscon niya para sa InTENse: A Decade with the Prince of Pop concert niya sa November 9, 2013, 8:00 p.m. sa PICC Plenary Hall ay talagang tinanong namin siya kung totoong na-insecure siya sa mga kapwa niya male singers tulad nina Jed Madela, Christian Bautista, Mark Bautista at iba pang champions?

Akala namin ay itatanggi ni Erik ang tanong namin dahil mahirap para sa isang singer na umaming insecure siya o may kina-insecure-an siya lalo’t kaibigan niya kaya mas lalo kaming humanga sa binatang ito, ateng Maricris.

“Ako kasi, lumampas na ako sa stage na ‘yan,” pag-amin sa amin, ‘dati ba mayroon? ”Dati mayroon, pataasan kayo, eh, may ganoon, eh. ‘Di ko naman puwedeng sabihin na wala, ang plastic ko naman kung wala, siyempre ganoon, eh.

“Kailangan kapag may hit song ‘yung isa, dapat mayroong mas maghi-hit, ‘yung ganoon?

“At the end of the day, ‘yung sustainability is the name of the game. Kumbaga, kung paano mo i-maintain ‘yung career mo at kung sino ‘yung tatagal,” paliwanag ni Erik. Kanino pinaka-insecure si Erik dati?

“Ako, rati kay Christian Bautista,” diretsong sabi ng binatang singer at sinabi naming, ngayon hindi na kasi umalis na sa ABS-CBN, ”dati talaga, kasi siyempre, si Christian ‘yung ka-batch ko, tapos kapag may mga sikat siyang kanta, siya ‘yung nasa Indonesia, parang bakit ganoon, ako ‘yung champion (‘2003 Search for Star In A Million’) tapos siya ‘yung nasa Indonesia, ‘yung ganoon?

“May mga ganoon (iniisip) ako before and alam niya ‘yun, sinasabi ko ‘yun sa kanya at siya rin sa akin, sinasabi rin niya sa akin, this time wala. Siguro kung may competition man, healthy competition, more on nagsusuportahan kami, eh,” magandang paliwanag ni Erik.

Tinanong namin kung insecure siya kay Jed, ”hindi,” mabilis na sagot ng singer.

Natanong naman si Erik kung paano niya ginamit ang insecurities niya para gumaling siyang singer?

“Feeling ko, mas nag-mature ‘yung pananaw ko sa buhay at ‘yung performance ko, the way I sing, feeling ko mas nag-mature ako.

“Kasi ang hirap labanan niyon (insecurity), kasi ‘yung iba, lumilitaw sa attitude eh, ako, hindi ko kaya ‘yun, wala akong ganoon. Na-outgrow ko ‘yun,”pangangatwiran ni Erik.

Dagdag pa, ”siguro sa sarili ko na lang na kapag ‘yung kanta ko hindi naghi-hit, ‘yun na lang ang parang insecurity ko, hindi na ako tumitingin sa mga achievement ng mga kasabay ko. Mas nagpo-focus ako roon sa gagawin ko pa at mga kaya ko pang gawin.”

Naunang nagkagusto kay Rachel Ann

Samantala, ngayon lang inamin ni Erik na nauna pala siyang magka-gusto kayRachel Ann Go, pero sa hindi malamang dahilan ay hindi natuloy at si Christian ang nagtuloy at nagpaalam pa siya na liligawan niya ang dalaga.

“Nagpaalam naman sa akin si Christian before. Ang dami kasing may crush kay Rachelle Ann noon,” say ng binata.

Tinanong namin kung wala na ba siyang planong ituloy ang naudlot niyang panliligaw kay Rachel Ann since hindi naman naging successful sila ni Christian?

“Kasi ngayon, mas established na ‘yung friendship namin ng mas mature, parang (malabo).

“Alam niyo, every month kailangan nagkikita kaming lahat. Ganoon kami, mayroon kaming chatroom every day nag-uusap kami. Ganoon ‘yung level ng friendship namin, Christian, Mark, Rachel, ‘yung Champions kahit si Sarah.

“Like kahit noong nagda-‘The Voice’ si Sarah, talagang magkakausap kami.

“‘Guys suportahan niyo ‘ko, sino bang pipiliin ko?’ Yung ganoon. ‘Panoorin niyo naman ‘yung ‘The Voice’ kasi pareho silang magaling. Sino ba talagang isasampa ko for grand finals?’” pagkukuwento ni Erik tungkol sa magandang samahan nilang mga champion.

At natawa si Erik nang tanungin namin kung sino ang isina-suggest niya kay Sarah na isasampa niya, ”’wag na, wag na,” pakiusap nito sa amin.

Hmp, feeling namin si Klarisse de Guzman, kasi ito ang isinampa ni Sarah, eh, tama ba? Samantala, almost sold out na ang tickets sa InTENse concert ni Erik with guests AiAi delas Alas, Yeng Constantino, Angeline Quinto, Pops Fernandez, at Regine Velasquez.

Base rin sa kuwento ni Erik ay itong concert niyang ito ang pinaka-mahal dahil bukod sa mahal ang venue ay mahal pa ang sessionistas niya at Homer Floreslang naman ang musical director niya at si Mr. Johnny Manahan ang director ng buong show.

Katuwang ni Erik ang Cornerstone sa pagpo-produce ng show with major sponsors SM Accessories, Advance Aesthetics, Let’s Face it, Systema Tooth and Gum Care, Qualibet Testing Services Corporation, Carrington Inc and Progressive Laboratories, minor sponsors naman ang Calayan Surgi Center at Goki’s Gym at ang Bosom Buddies ang beneficiary ng nasabing concert.

Reggee Bonoan

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top