Monday , May 21 2018
Breaking News
You are here: Home / Bulabugin / PhilHealth employees biktima ng mga power tripper
PhilHealth employees biktima ng mga power tripper

PhilHealth employees biktima ng mga power tripper

NAKALULUNGKOT ang nangyayari ngayon sa Philippine Health Insu­rance Corporation (PhilHealth) lalo sa mga empleyadong ilang taon nang naglilingkuran sa nasabing ahensiya ng pamahalaan.

Sila rin ‘yung mga empleyadong sinanay ng ahensiya para maging mabilis at epektibo ang serbisyo ng ahensiya sa publiko.

Pero ngayon, sila ang mga empleyadong biktima ng mga power tripper sa PhilHealth.

Bago natin isalaysay ang kanilang grabeng stressed sa panggigipit  ng mga power tripper, binabati muna natin ang mga napaboran ng

temporary restraining order (TRO) na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) ng Pasig City laban sa pagsibak ni Interim/OIC President Dr. Celestina Ma. Jude P. De la Serna sa casual employees ng PhilHealth.

Ipinalabas ni Pasig RTC Executive Judge Danilo Cruz ang TRO laban sa pagsibak sa anim casual employees na 19 taon na sa serbisyo sa PhilHealth.

Nauna rito, ang anim mula sa 17 casual employees ng PhilHealth na inisyuhan ng notice of termination noong 18 Enero 2018, ay dumulog sa Pasig RTC laban sa pending termination sa kanilang casual employment mula sa PhilHealth sa 31 Enero 2018.

Kabilang sa kanila sina Rosario Rhea N. San Miguel, single mother na may anak na may sakit at empleyado ng Philhealth sa nakaraang 19 taon; Norman Capagngan at Ivy Mendiola, common-law partners na may tatlong anak, kapwa registered nurses at pitong taon empleyado ng Philhealth; Maricel Laforteza, family bread winner; Mary Joy Fernandez, single parent na may dalawang anak na babae at Blessie An de Guzman, may asawa at dalawang anak, na em­ple­yado ng Philhealth sa nakaraang siyam, anim at 13 taon.

Isinagawa ng mga empleyado ang hakbang makaraan ang kanilang apela sa PhilHealth Board para sa intercession and intervention, gayondin, nang ang kanilang dalawang beses na pakikipag-usap kay Secretary Francisco T. Duque, ay walang naging positibong resulta.

Ayon sa source, ang nasabing desisyon ng PhilHealth management ay dahil sa pilipit na posi­syon ni Interim/OIC President De la Serna.

Gusto raw kasi ni De la Serna na ‘disiplinahin’ sila  bunsod ng kanilang facebook posts laban sa kanya.

Mukhang na-rally naman ang ilang appointive Board members ng Interim/OIC President and CEO kaya noong 18 Enero 2018, ang 17 emple­yado ay nakatanggap ng letters of termination, nag-aabiso na ang kanilang casual employment ay hanggang 31 Enero 2018 na lamang.

Ang nasabing abiso ay nilagdaan ng Interim/OIC president ng PhilHealth.

Nagtataka tayo kung bakit ganoon na lamang ang panggagalaiti ni De La Serna sa mga post sa social media ng mga empleyado.

Mayroon bang nasaling sa kanyang pride na kanyang ikinagalit?!

Kung ang post sa social media ay tungkol sa civil service issues, ano ang dapat ikagalit si Ma­dam De la Serna?!

Sa susunod, ‘yan po ang tatalakayin natin.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected] Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit http://www.hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

COMMENTS

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)
Scroll To Top
 

Copyright © 2009 - 2017 hatawtabloid.com | All Rights Reserved