Thursday , December 14 2017
Breaking News
You are here: Home / Bulabugin / Party ‘loyalty’ for power, money and fame
Party ‘loyalty’ for power, money and fame

Party ‘loyalty’ for power, money and fame

KAYA bihirang-bihira tayong makatagpo ng mga tapat, makabayan at maka-Diyos na politikong pumapasok sa serbisyo publiko kasi sila mismo hindi nila kayang maging tapat sa kanilang sarili.

Mas tapat sila sa interes na papabor sa kanilang pananatili sa kapangyarihan, sa ‘pagpapalago’ ng kanilang bulsa, at paghamig pa nang mas malalaking interes na magsisilbi sa kanila.

In short, fame, power and money… ‘yan ang interes nila.

Kaya huwag na kayong mabigla kung maya’t maya ay mayroon kayong nakikita ngayon na nanunumpa sa katapatan (o ‘isinusumpa’ ang kanilang katapatan) sa PDP LABAN.

Pero hindi po sila mga bagong rekrut o mga batang politiko na magsisimula ng kanilang karera sa ilalim ng PDP Laban.

Sila ay mga politikong galing na sa ibang partido — karamihan ay dating ‘dilaw’ na Liberal Party pero dahil ang punong ehekutibo ay mula sa PDP Laban, sila ngayon ay nagbabaliktaran kaya lumalangoy patungo sa kabilang bangka.

Kaya ‘yan ang ibig nating sabihin na maging sa sarili nila ay hindi nila kayang maging tapat, e ‘di lalo na sa taongbayan.

Sila ay tapat sa interes na magpapanatili sa kanila sa kapangyarihan, magpapalago ng kanilang bulsa at interes na laging ‘malapit sa kusina.’

Marami sila. Mas marami.

Sa Parañaque city, mayroon tayong kilalang politiko riyan na halos ihalik ang kanyang mukha sa puwet ng mga Binay noong nakaraang eleksiyon, pero ngayon ay higop-sipsip kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.

Kaya, tama ang sinabi ni kasalukuyang PDP Laban President Aquilino “Nene” Pimentel Jr., suriing mabuti ang mga gustong ‘lumundag’ ‘este sumanib sa kanilang partido.

Siguro, nahahalata ni ex-Senator Nene, na pawang political opportunists ang naglulundagan sa kanilang partido.

Gaya nang nangyayari ngayon sa Kamara na PDP Laban ang Speaker pero ang majority floor leader ay galing sa Liberal Party…

Kaya lumalabas na ‘yung Speaker ay hawak sa ilong ng isang majority floor leader na tila ang ipinangba-bargain ay mga kasama niya sa LP na kanyang napabaliktad.

Ibig sabihin, kung magkakaroon ng isang krusyal na pagdedesisyon sa Kamara, kailangan pang ligawan ng Speaker ang kanyang majority floor leader para manaig laban sa oposisyon.

Alam natin na maraming nakapilang priority bills na inendoso ang Pangulo, very urgent bills, kaya kailangan niya ang suporta ng Kongreso (Senado at Kamara).

Kaya magtataka pa ba kayo kung bakit hindi nasasala masyado ang mga politikong tinatanggap ngayon ng PDP Laban para palakasin ang kanilang puwersa?!

Ingat-ingat, baka lumaki ang kantidad ng PDP Laban pero ang kalidad ay hungkag.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected] Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit http://www.hatawtabloid.com

 

BULABUGIN
ni Jerry Yap
COMMENTS

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D’yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Scroll To Top

Copyright © 2009 - 2017 hatawtabloid.com