Monday , March 25 2019
Breaking News
You are here: Home / News / ‘Krisis’ sa supply ng Manila Water artipisyal — Palasyo

‘Krisis’ sa supply ng Manila Water artipisyal — Palasyo

NAGHIHINALA ang Palasyo na artipisyal ang nararanasang kakapu­san ng supply ng tubig ng mga kliyente ng Manila Water sa ilang bahagi ng Metro Manila, Rizal at Cavite.

Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni  Pre­sidential Spokesman Salvador Panelo dapat imbestigahan ang pang­ya­yaring ito.

Nakapagtataka aniya na may supply ng tubig ang Maynilad habang  ang Manila Water  ay walang maisuplay ga­yong parehong sa Angat Dam ang kanilang source.

Ayon kay Panelo, sa chat group ng cabinet members ay sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana  na sinasabing puno naman ng tubig ang Angat Dam.

“Iyon nga ang sinasabi ni — parang iyon ang gist noong sinasabi ni Secretary Lorenzana e doon sa kaniyang chat na the water comes from Angat Dam and there is no shortage doon; as far as that particular dam is concerned – puno, walang kulang, so bakit nagka­kakulang iyong dis­tribution. So gaya ng sinabi ninyo kanina, kulang iyong ibinigay na allocation dito sa parte ng Maynila. E iyon siguro ang alamin natin bakit nag­kaganoon,” aniya.

Nangangahulugan aniya na posibleng may mismanagement at pro­blema sa distribusyon ng tubig ang Manila Water.

“E kung totoo na ang Angat Dam is punong-puno at lahat naman nanggagaling doon, o ‘di hindi nga totoo. So something is wrong with the efficiency in distri­buting as well as the quotas or the shares,” dagdag ni Panelo.

Kaliwa dam project mabubulilyaso kapag maraming tumutol

MAAARING hindi matuloy ang kontro­bersiyal na China-funded Kaliwa Dam project kung may mga pagtutol ang mga residente, environ­mental groups at simba­hang Katolika.

Ang pahayag ay gina­wa ni Presidential Spokes­man Salvador Panelo isang araw matapos ilako ni Finance Secretary Carlos Dominguez na ang Kaliwa Dam project ang tugon sa nararanasang krisis sa tubig ng mga kliyente ng Manila Water sa ilang bahagi ng Metro Manila, Rizal at Cavite.

“Well, if it affects the entire community, I don’t think itutuloy iyon,” ani Panelo hinggil Kaliwa Dam project.

Napaulat na ang pag­tutol ng iba’t ibang grupo sa konstruksyon ng Kaliwa Dam project ay dahil labag ito sa batas; mapanganib dahil itatayo sa sona ng Philippine Fault Zone at Valley Fault System, isa itong “debt trap,” puwedeng magi­ging sanhi nang pagbaha sa watershed mula Infan­ta hanggang Tanay,Rizal; at binabalewala ang epekto ng climate change.

Kabilang sa mga grupong matindi ang pag­kontra sa proyekto ay Catholic Bishops Con­ference of the Philippines (CBCP), Alyansa Laban sa Kaliwa Dam, Save Sierra Madre Network Alliance, Purisima, Task Force Sierra Madre at Tribal Center for Develop­ment.

Naniniwala si Panelo na mas mabuting magta­yo ng reservoir ang bawat siyudad at lalawigan para pagkuhaan ng supply ng tubig.

(ROSE NOVENARIO)

Sagot sa water crisis
Tubig sa swimming pool ng mga hotel tipirin car wash limitahan

HINDI biro ang dinaranas na water crisis ngayon ng ilang  lugar sa Metro Mani­la kaya’t kumilos na rin  si Manila Mayor Joseph Estrada upang  makatulong.

Kahapon ay inatasan ni Estrada ang mga emple­yado ng city hall na magtipid sa tubig at tiyaking nasa maayos na kondisyon ang mga gripo sa lahat ng pasilidad ng  lokal na pamahalaan.

Partikular na pina­kilos ni Estrada si City Administrator Atty. Ericson Alcovendaz upang magtalaga ng  mga inspector sa mga banyo ng city hall at parke na nasa pamamahala ng lungsod para sigura­du­hing walang nasasayang  na tubig.

Maging ang mga hotel at car wash business ay pinakiusapan ni Estrada na maging masinop sa tubig dahil chain reaction ang  nangyayari ngayon sa kakulangan  sa supply ng  tubig.

Paliwanag ni  Estrada maaaring magtakda ng  quota ang mga car wash business upang hindi masyadong maraming  tubig ang nasasayang.

Gayondin ang mga hotel na huwag munang magpalit ng tubig sa swimming poolkung hindi kinakailangan.

Pinaghahanda rin ng alkalde ang mga bombero sa  posibleng pagrarasyon ng tubig sa mga komu­nidad na mahigpit ang pangangailangan.

“Hatiran natin ng tubig lalo na ang mga komunidad na maraming sanggol at mga senior citizens dahil kailangan talaga ang  tubig,” dag­dag ni Estrada.

Pinatitiyak din ni  Estrada na sapat ang supply ng tubig sa mga ospital sa lungsod upang hindi masakripisyo ang  pangangailangan ng mga pasyente.

About Rose Novenario

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top