Sunday , March 24 2019
Breaking News
You are here: Home / News / Bigtime foreign drug cartel nasakote sa Global City (P100-M droga nakompiska )

Bigtime foreign drug cartel nasakote sa Global City (P100-M droga nakompiska )

Milyon-milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng National Bureau of Investigation (NBI) sa magkakahiwalay na drug raid sa ilang condominiums sa Taguig at Makati City.

Miyerkoles ng madaling araw, ikinasa ng NBI-Anti-Illegal Drugs Task Force ang operasyon sa limang condo units target ang umano’y miyembro ng Mexican drug cartel.

Pinakamalaking nadiskubre ng awtoridad ang pagawaan (laboratory) ng ilegal na droga sa The Luxe Residences sa 28th Street cor. 4th Avenue, Bonifacio Global City, Taguig.

Nakarekober doon ng mga shabu, cocaine at ecstasy na ayon kay Atty. Augusto Eric Isidoro ng NBI, ay nagkakahalaga ng mahigit P100 milyon.

Isang office space ang laboratoryo at hinihinalang nirerentahan ng Canadian-Mexican-Iranian drug cartel.  Dalawang Pinoy-Canadian ang na-aresto at may mga apparatus na nakita na may logo ng bansang Mexico.

Bukod sa The Luxe, sinalakay ng NBI ang tigdalawang condominium units sa Serendra sa BGC, Taguig; at sa Makati Avenue. Isang Canadian-Iranian at isang Pinoy ang naaresto roon.

Kinilala ang mga Canadian na sina James Riach at Barry Espadilla, at ang Filipino naman ay kinilalang si Tristan Olazo.

Sina Riach at Espadilla ay miyembro ng crime gang sa Canada na kapwa nahatulan na sa iba’t ibang mga krimen.

“Independent Soldier” ang pangalan ng Mexican-Canadian group na nasakote sa  Taguig at nakulong  sa kanilang bansa, pero nakalaya at nag-extend ng operasyon sa Greece, US, Australia at Asya, kabilang ang Filipinas.

Inaalam na ang koneksyon ng Mexican drug cartel sa Taguig at Makati sa hinihinalang Mexican drug group sa ni-raid na drug laboratory sa isang rancho na pag-aari ng mga Leviste sa  Lipa, Batangas.

(LEONARD BASILIO/JAJA GARCIA)

P.3-M SHABU SA KARTON NG ARINA AT KAPE NADISKOBRE SA ZAMBO

ZAMBOANGA CITY- Hindi nakalusot sa mga awtoridad ng Zamboanga International Airport (ZIA) ang hinihinalang shabu na tinatayang umaabot sa halos P.3 milyon nang idaan sa X-ray scan machine.

Ang mga nasamsam na shabu ay isinilid sa walong karton ng kape at arina at ipinadala sa isang kilalang forwarder.

Nabatid na nanggaling pa sa Maynila at ipa           dadala sa Jolo, Sulu kahapon.

Ayon kay Insp. Rey Arl Bassig, hepe ng Aviation Security Group sa nasabing Airport, pasado 8 am nang mapansin sa X-ray scan machine ang maitim na bahagi sa loob ng kahon ng forwarder.

Kasunod nito, sinabi ni Bassig na nagsagawa sila ng manual inspection para alamin kung ano ang nilalaman ng nasabing kahon kaya nadiskobre na may itinagong shabu sa loob nito.

Makikita sa labas ng kahon ng forwarder ang pangalan ng isang Abdusahar Albi ng Gatchalian Subdiviosn, Las Piñas City, Metro Manila na nanggaling ang naturang kargamento.

Habang ang pangalan ni Nadzmer Muradjam ng Jolo, Sulu ang tatanggap nito.

2 PULIS, 4 SIBILYAN ARESTADO SA DRUG RAID

ANIM katao, kabilang ang dalawang pulis na hinihinalang protector ng gun for hire at illegal drug syndicate, ang inaresto sa operasyon sa Calaca, Batangas, kahapon.

Batay sa ulat, sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng National Bureau of Investigation at Philippine Air Force personnel ang dalawang bahay sa Brgy. Bambang sa naturang bayan.

Nagkaroon ng ilang minutong palitan ng putok bago tuluyang nasakote ang anim katao kasama ang dalawang pulis na hindi muna inilabas ang pagkakakilanlan.

(D. GARCIA)

Estapador ng droga siningil ng bala

ISA sa anggulong sinisilip ng Pasay City police ang onsehan sa droga sa pagpatay sa 40-anyos lalaki, matapos pagbabarilin habang nakatayo sa tapat ng isang tindahan, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Kinilala ni Senior Insp. Wilson Villaruel, hepe ng Police Community Precinct (PCP-5),  ang biktimang si Herman Ortega, alyas “Tata,” miyembro ng “Sputnik Gang,” ng 629 Rodriguez St.

Malapitang binaril sa ulo at ilang bahagi ng katawan ng suspek si Ortega dakong 9:40 ng gabi.

Sa imbestigasyon nina SPO1 Cris Gabutin at PO3 Giovanni Arcinue, ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS),  nakatayo sa harap ng isang tindahan si Ortega at kabibili lamang ng mais nang lapitan ng armadong lalaki na nakasuot ng crash helmet, puting t-shirt, may taas na 5’3” at agad  siyang pinagbabaril saka tumakas patungong Tolentino Street.

(JAJA GARCIA)

Supplier ng droga sa drivers

EX-BUS DRIVER TIMBOG SA POT SESSION SA BUS

NAAKTOHANG gumagamit ng shabu ang isang dating bus driver at ilang kasamang driver, nang magsagawa ng sorpresang inspeksyon ang mga tauhan ng Parañaque City Police at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa isang provincial bus terminal sa lungsod kahapon ng umaga.

Nabulaga ng mga awtoridad si Marlon Mejos, nasa hustong gulang, habang gumagamit ng shabu sa nakaparadang bus sa loob ng Southwest Integrated Provincial Terminal sa Coastal Mall , Parañaque City, dakong 10:00 ng umaga.

Ani MMDA Chairman Tolentino, napansin nila ang pampasaherong bus na nakaparada at nakababa ang mga kurtina ng bintana na kanilang mahigit na ipinagbabawal sa mga terminal kaya’t agad nilang inakyat ang bus at tumambad sa kanila ang pot session kaya agad inaresto si Mejos pero  nagtakbuhan ang kanyang mga kasama.                (J.GARCIA)

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top