MAYROONG tsansa ang 48 aplikante ngayon upang patunayan ang kanilang kahandaan na makapasok sa Philippine Basketball Association (PBA) dahil sasailalim sila sa dalawang araw na pagsubok.
Sasalang sila sa mahirap na PBA Draft Combine simula ngayon hanggang bukas na susubukan ang lahat ng kanilang kakayahan bago malaman kung pasado ba silang makasali sa PBA Annual Rookie Draft na gaganapin sa Robinson’s Place sa Ermita, Maynila sa Linggo, 16 ng Disyembre.
Ilan sa mga krusyal na pagsubok ang dribbling at shooting test, standing at maximum vertical jump, court sprint, lane agility at iba pang modified event tests.
Aalamin din ang kanilang taas at timbang gayondin ang reach, wingspan, hand-length at hand-width.
Matapos iyon ay hahatiin sa iba’t ibang grupo ang 44 aplikante para sa gaganaping mini-basketball tournament hanggang bukas.
Kinakailangang magpabilib ng mga aplikante dahil ito ang magiging basehan kung makasasabit sila sa pinal na listahang ilalabas ng PBA sa 16 Disyembre.
Pagkakataon din ito upang makuha nila ang atensiyon ng PBA scouts at head coaches na inaasahang pupunta sa Combine upang mag-asinta ng kanilang posibleng prospects.
Inaasahang mangunguna sa mga naturang athletic tests ang projected top three picks na sina CJ Perez, Rayray Parks at Robert Bolick gayondin ang iba pang matunog na first round prospects na sina Abu Tratter, Paul Desiderio, Bong Quinto, Javee Mocon, Michael Calisaan, Trevis Jackson, JP Calvo, Vince Tolentino at Matt Salem. (JOHN BRYAN ULANDAY)