Wednesday , June 16 2021
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Willie tutulungan ang mga pamilya nina Le Chazz at Kim
Willie tutulungan ang mga pamilya nina Le Chazz at Kim

Willie tutulungan ang mga pamilya nina Le Chazz at Kim

LALONG nabe-bless si Wowowin host Willie Revillame dahil nadagdagan na naman ang mabibigyan niya ng tulong.

Inanunsiyo ng TV host nitong Lunes ng gabi na hinding-hindi niya malilimutan ang dalawang stand-up comedian na naging parte ng programa niya, sina Le Chazz na sumakabilang buhay na kamakailan at si Kim Idol naman noong nakaraang taon.

“Alam ko naman na napangiti at napasaya kayo ng mga taong ito. Nakalulungkot, eh. Nami-miss ko itong mga ‘to.

“Naging parte ho sila ng programang ito at ng entabladong ito. Noong marami pang tao na nanonood, wala pang COVID, nandito sila.

“Kapag kumakain ako, kasama ko sila, sobrang saya, katatawanan,”  pagbabalik-tanaw ni Willie sa maliligayang araw kasama niya sina Le Chazz at Kim.

“Ako talaga, nalungkot ako nang malaman ko. ‘Yan po si Le Chazz, isang napakagaling na stand-up comedian.

“Nasa ABS-CBN pa lang ako, TV5, at hanggang dito (sa GMA) nakasama ko ho ‘yan, on and off the camera. Iniimbita ko siya, gusto ko masaya, kasi magaling itong batang ito, mabait, walang negative.

“Si Kim Idol, nakasama rin namin. Si Kim Idol din po, namaalam na. Pero during the time na siya po’y namaalam, ang ganda ng ginagawa niya, isa siyang frontliner. Tumutulong ho siya sa mga maysakit.

”Sa Friday (Mayo 7), I’ll give tribute sa kanilang dalawa dahil ho nakapagpasaya sila sa atin,” mahabang kuwento ni Willie.

May iniwang sulat pala si Le Chazz kay Willie bago siya binawian ng buhay na inabot ng kapatid nito.

Say ni Willie, ”Sumulat sa akin si Le Chazz, mayroon ho siya sa aking sulat. Ipakikita ko sa Friday, personal niyang sulat. ‘Para sa ‘yo, Kuya Wil.’

“Napakaganda, ipinadala po sa akin ng kapatid niya. Hindi ko nga alam kung bakit parang alam niya na may mangyayari sa kanya.

“Sinulatan niya ‘yung best friend niya (AJ Tamiza), tapos sinulatan niya ako. Talagang sulat-kamay niya. Nakaaantig ng puso.”

Dagdag pa, ”Nami-miss ko itong dalawang ito. Napamahal sa akin ang dalawang ‘to.

“Kapag nag-a-out of town ako, kasama ko sila. Isang tawag lang nandiyan sila kasi gusto ko sumasaya sila.

“Naging parte ho sila ng programang ‘Wowowin.’ Siyempre, gusto ko rin makausap ‘yung kanilang mga mahal sa buhay.

“Sa harap ng entablado, sa harap ng kamera, nakangiti sila, nagpapasaya. Pero ‘yung likuran ng entablado, puro kalungkutan ang kuwento ng mga buhay ng mga ‘yan.

“Mahirap, pero ang iniisip nila puro sa kanilang pamilya. Salamat sa inyo at marami kayong napasaya sa ating mga kababayan.

“Salamat, Kim, thank you. Nami-miss ka namin. Of course, si Le Chazz, huli naming kita noong February 13. Masaya siya, wala akong nakitang symptoms na mayroon siyang sakit kasi ayaw niyang ipakita na malungkot siya.

“Palakpakan po natin si Kim Idol at si Le Chazz. Salamat sa pagbibigay ninyo ng saya sa amin. Salamat sa inyo, alam ko na kailangan niyo pa rin ng tulong.

“At tutulungan natin ‘yung mga pamilyang naiwan niyo dahil naging parte kayo ng programang ‘Wowowin’ at hanggang ngayon, maaaring wala na kayo, pero nandito pa rin ang espiritu ninyo.

“Kim, Le Chazz, mahal namin kayo. We will miss you and maraming salamat.”

FACT SHEET
ni Reggee Bonoan

 

 

About Reggee Bonoan

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top