Tuesday , July 27 2021
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Kahit pa si Sara o si Bong Go
Kahit pa si Sara o si Bong Go

Kahit pa si Sara o si Bong Go

KAHIT pa si Davao City Mayor Inday Sara Duterte o si Sen. Bong Go ang tumakbo bilang presidente sa darating na 2022 elections, matitiyak nating mahihirapang manalo ang dalawang ito dahil na rin sa kabi-kabilang kapalpakan ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.

Ang usapin sa paglaganap ng pandemya dulot ng CoVid-19 ang tatapos sa presidential bid ng mamanukin ni Digong at ito ang magtatakda kung nararapat bang ihalal ang isa sa dalawang nag-aambisyong politiko na maging pangulo ng bansa.

Sa ngayon, baliw lang ang magsasabing matagumpay ang gobyerno ni Digong sa pagharap sa malalang problema ng CoVid-19. Kung ang mga kalapit na bansa ay patuloy sa pagbaba ng bilang ng kaso ng CoVid-19, ang sitwasyon sa Filipinas ay kabaligtaran naman.

Patunay sa kapalpakan ng pamahalaan ay ang muling pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) status sa National Capital Region at mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.

Ang pagpapairal ng ECQ ay malinaw na pag-amin na bigo ang pamahalaan ni Digong sa pagtugon nito sa problema ng pandemya.

Walang naging maayos at sistematikong pagtugon ang pamahalaan sa CoVid-19 maliban na lamang sa magulo at kanya-kanyang mga pagkilos at pahayag ng mga kampon ng Malacañang habang ang bayan ay patuloy na sinasalanta ng pandemya.

At hindi rin maikakaila ni Digong na dahil sa pandemya, ang problema sa kahirapan ay lalong lumala at nagpatuloy lamang. Walang solusyon sa malaganap na kawalang trabaho, nagtataasang presyo ng mga bilihin, mataas na singil sa koryente at tubig.

Nasaan na rin ang pangako ni Digong na kanyang tatapusin ang korupsiyon, krimen, at droga sa sandaling maupo bilang pangulo? Matatapos na ang termino ni Digong pero wala ni isa man ang natupad sa mga pangako sa mamamayan.

Kaya nga, kung nag-iilusyon man si Sara at si Go na ipagpapatuloy nila ang maiiwang legacy ni Digong ay kalimutan na lamang nila ito dahil sa galit ng taongbayan, malamang, sa pusalian sila damputin sa araw ng eleksiyon.  At isa pa, anong legacy ba ang ipagpapatuloy nila? Ang kapalpakan ni Digong?!

Mas makabubuti kung maging senatorial candidate na lamang si Sara at mag-concentrate naman si Go sa paggawa ng batas. Huwag nang mangarap pang maging pangulo ang dalawang ito dahil isusuka lamang sila ng taongbayan kahit sabihin pang nasa kanila ang makinarya ng administrasyon.

Sa ngayon, tanging sina Manila Mayor Isko Moreno, Senador Panfilo Lacson, dating Senador Bongbong Marcos, Vice President Leni Robredo, at Senador Grace Poe ang lumalabas na may laban sa darating na halalan at nasa taongbayan kung sino ang kanilang ihahalal para mamuno sa bayan.

SIPAT
ni Mat Vicencio

About Mat Vicencio

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top