Friday , May 7 2021
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Robi Domingo, Ice Seguerra eeksena sa 4th EDDYS sa Easter Sunday
Robi Domingo, Ice Seguerra eeksena sa 4th EDDYS sa Easter Sunday

Robi Domingo, Ice Seguerra eeksena sa 4th EDDYS sa Easter Sunday

MAGKAKAALAMAN na sa April 4, Easter Sunday, kung sino-sino ang tatanghaling  pinakamagagaling sa mundo ng pelikula ngayong taon sa gaganaping 4th The EDDYS (Entertainment Editors’ Choice).

Tuloy na tuloy na ang pamimigay ng parangal ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) sa ikaapat na edisyon ng The EDDYS  sa Linggo ng Pagkabuhay, 8:00 p.m., sa FDCP Channel (fdcpchannel.ph), SPEEd Facebook page (Society of Philippine Entertainment Editors) at iba pang digital platforms.

Ang award-winning Kapamilya star na si Robi Domingo ang magsisilbing host ng maningning at pinakaaabangang Gabi ng Parangal.

Sa pakikipagtulungan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ni Chairperson/CEO Liza Diño-Seguerra, ang 4th EDDYS ay sa ilalim ng direksiyon ng OPM icon at singer-songwriter na si Ice Seguerra.

Samantala, may mahalagang partisipasyon din sa awards night sina Batangas 6th District Representative at Star for All Seasons Vilma Santos at AKTOR Chairman of the Board Dingdong Dantes.

Si Rep. Vi, na kauna-unahang EDDYS Best Actress para sa pelikulang  Everything About Her noong 2017, ang naatasang mag-present ng best actress award habang ang 3rd EDDYS Best Actor naman na si Dingdong (para sa pelikulang Sid & Aya) ang maghahayag ng mananalong best actor.

Labing-apat na kategorya ang paglalabanan ng mga de-kalidad na pelikulang ipinalabas noong nakaraang taon.

Sa best actress category maglalaban-laban sina Charlie Dizon (Fan Girl), Coleen Garcia (Mia), Bela Padilla (On Vodka, Beers and Regrets), Cristine Reyes (UnTrue), at Sylvia Sanchez (Coming Home).

Patalbugan naman sa pagiging best actor sina John Arcilla (Suarez: The Healing Priest), Paulo Avelino (Fan Girl), Elijah Canlas (He Who Is Without Sin), Adrian Lindayag (The Boy Foretold By The Stars), at JC Santos (Motel Acacia).

Limang de-kalibreng pelikula naman ang magpapagalingan para sa Best Picture ngayong taon, ito ay ang Fan Girl, Hayop Ka! The Nimfa Dimaano Story, He Who Is Without Sin, The Boy Foretold By The Stars, at UnTrue.

Sino naman kaya kina Sigrid Andrea P. Bernardo (UnTrue), Antoinette Jadaone (Fan Girl), Jason Paul Laxamana (He Who Is Without Sin), Avid Liongoren (Hayop Ka! The Nimfa Dimaano Story), at Irene Emma Villamor (On Vodka, Beers and Regrets) ang tatanghaling pinakamagaling na direktor?

Bukod dito, bibigyang-pagkilala rin ang mga natatanging artista at personalidad na nagmarka at walang sawang tumutulong sa industriya ng pelikula.

Ang 2021 ICON awardees ay sina Tommy Abuel, Pilar Pilapil, Boots Anson-Rodrigo, Gina Pareño, Dante Rivero, Ronaldo Valdez, Direk Joel Lamangan, Ricky Lee, at Caridad Sanchez.

Ilulunsad din ang Isah V. Red Award bilang pagkilala at pag-alala sa yumaong founding president ng SPEEd na si Isah V. Red.

Ang mga unang tatanggap ng IVR Award ay sina Ramon Ang, Senator Bong Revilla, Kim Chiu, Angel Locsin, Claire de Leon-Papa, at Rhea Anicoche-Tan.

Special awardees naman sina Lolit Solis (Joe Quirino Award); Mario Bautista (Manny Pichel Award); Blacksheep Productions (Rising Producers Circle Award); at The IdeaFirst Company (Producer of the Year Award).

Tulad ng mga nakaraang taon, si Juancho Robles, managing partner ng Chan Robles & Company, CPAs, ang tatayong auditor ng 4th EDDYS.

Major sponsors naman ang Toktok courier service/delivery app at Beautederm Corporation. Ang iba pang katuwang ng SPEEd sa pagdaraos ng 2021 Entertainment Editors’ Choice ay ang mga sumusunod: San Miguel Corp., House Speaker Lord Allan Velasco, Rep. Alfred Vargas, Rep. Niña Taduran (ng Patrylist na ACT-CIS), Willie Revillame, Raffy Tulfo, Tiger Crackers, Aficionado of Joel Cruz, Smart Shot at Maris Pure Corp.

Mapapanood ang 4th The EDDYS sa April 4, 8:00 p.m., sa FDCP Channel (sa ilalim ng EVENTS tab), SPEEd Facebook page at iba pang digital platforms.

Mag-register lang sa FDCP Channel para sa libreng access.

SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio

About Maricris Valdez Nicasio

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top