Saturday , May 8 2021
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Pop Star Royalty ni Sarah, binabawi na ng ABS-CBN? Vice Ganda, offended sa paglayas ni Bobet Vidanes
Pop Star Royalty ni Sarah, binabawi na ng ABS-CBN? Vice Ganda, offended sa paglayas ni Bobet Vidanes

Pop Star Royalty ni Sarah, binabawi na ng ABS-CBN? Vice Ganda, offended sa paglayas ni Bobet Vidanes

UMAATIKABO sa balita ang Pinoy showbiz nitong weekend. Ang isa roon ay ang pagtatapat ni Vice Ganda sa bagong You Tube vlog n’ya na offended siya sa biglang pag-alis ni Bobet Vidanes sa ABS-CBN bilang direktor ng It’s Showtime na bale sina Vice at Vhong Navarro ang main hosts.

“Ang plastik ‘pag sinabing hindi ako na-offend!” bulalas ng binansagang Unkabogable Star.

Pare-pareho naman silang walang kaalam-alam na bigla na lang silang lalayasan ni Bobet na 11 taon nilang naging direktor.

Pagtatapat pa ni Vice: “‘Tapos, inaya ko siyang mag-ano. Tinext ko siya para usap kami. Para lang maintindihan ko, ‘di ba?

Hindi niya ako sinagot. Hindi niya ako sinagot. Para kung… ‘di ba?”

Napakahabang vlog niyon na magsisimula sa pagsu-swimming nina Vice, Ion Pérez, at Ryan Bang sa isang glass indoor pool sa bagong bahay siguro ng napakayaman ng bading na bituin.

May puntong tatanggalin nina Vice at Ion ang swimming trunks ni Ryan at makikita talagang nagsu-swimming ng hubo’t hubad ang Koreano. Tapos ay aalis siya sa pool na wala pa ring saplot. Pero sorry sa mga gustong makita ang kwan ng pagkaputi-puting Koreano. Walang frontal. Back view lang.

May sauna sa tabi ng pool. Nag-sauna ang tatlo. At doon naganap ang dapat maganap: nag-threesome interview sila, with the Vice as host, siyempre pa.

Sa pagkahaba-habang tsikahan nilang ‘yon ay mababanggit ni Ryan na ang alam n’ya ay umalis si Bobet dahil kailangan n’ya ng maraming pera dahil may mga anak siya.

Matagal nang hiwalay si Direk Bobet at ang misis n’yang big shot production executive ng ABS-CBN na si Cory Valenzuela Vidanes. So, malamang na ‘yung binabanggit ni Ryan na mga anak ni Direk Bobet ay iba ang ina.

Actually, pagkaalis ni Direk Bobet sa ABS-CBN, may bulong-bulungan na gusto umaming bawasan uli ang suweldo nito dahil nga sa bumaba ang kita ng network na resulta ng pagkatanggal ng franchise nila at dahil na rin sa pandemya.

Si Bobet ang direktor ngayon ng Born To Be a Star, isang star search show ng Viva sa TV5, na ang mga host ay sina Matteo Guidecelli at Kim Molina na parehong Viva contract stars.

Posibleng ang Viva ang kumuha kay Direk Bobet at hindi ang TV5 na ang pinakamalaking negosyo ngayon ay ibenta ang airtime nila sa blocktimers.

Wala naman sigurong kinalaman ang ilang linggo nang ‘di pagsipot ni Sarah Geronimo sa ASAP Natin ‘To sa pagkuha ng Viva kay Bobet para idirehe ang Born to be a Star na ipinalalabas na sa TV5 tuwing Sabado ng gabi, sa dating oras ng Masked Singers na ang Viva rin ang producers.

Misteryoso ang mga balita at ganap sa Pinoy Showbiz nitong nagdaang weekend. Walang gustong magpaliwanag kung bakit ilang Linggo nang ‘di nagpapakita si Sarah sa ASAP. Ayaw magpaliwanag ni Sarah. Parang contract star pa rin naman ng Viva si Sarah, pero walang kibo ang kompanya tungkol sa ‘di pagsipot ni Sarah ng ilang linggo na nga.

Wala rin namang paliwanag ang ABS-CBN at misteryosong tinanggal na si Sarah sa latest plugs ng show. ;Yan ay ayon mismo sa fans ni Sarah.

Dagdag na kababalaghan din na biglang ipina-plug si Geneva Cruz bilang Pop Star Royalty na contestant sa Your Face Sounds Familiar na ibinabalik ng ABS-CBN.

Bago siya magula-gulanit sa bashing ng fans ni Sarah, agad nagpaliwanag si Geneva na wala siyang kinalaman sa plugging na ‘yon ng show. Hiniling na nga n’ya sa ABS-CBN na huwag gamitin sa kanya ang titulo na ‘yon na identified kay Sarah.

Parang ang ABS-CBN din ang nagbigay kay Sarah ng titulong ‘yon. Binabawi na ba ng network ang titulo?

O ayan, nilinaw na ng Viva na babalik si Sarah sa ABS-CBN, ayon sa report ni Mario Dumaual na taga-ABS-CBN.

Pero sana, i-confirm ng top executives ng ABS-CBN na kasali pa rin si Sarah sa ASAP at kung sino ang nag-approve ng plugging ng Your Face Sounds Familiar NA tinawag si Geneva na Pop Star Loyalty. Ang tunog kasi niyon ay parang ayaw na ng Kapamilya Network kay Sarah kaya ipinamimigay na nila sa iba pati ang titulo ni Sarah.

Sa mga susunod na kolum na lang namin itatambad sa inyo ang iba pang  kababalagghang pangyayari sa Pinoy Showbiz na kalibang-libang pa rin naman.

KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas

About Danny Vibas

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top