Sunday , May 9 2021
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Sama-sama tayo laban sa ASF
Sama-sama tayo laban sa ASF

Sama-sama tayo laban sa ASF

GOOD news ba ang kakulangan ng suplay ng karneng baboy sa Metro Manila o sa Luzon? Mayroon man mabiling karneng baboy ay napakamahal naman ng bawat isang kilo – P400 hanggang P450.

Ang tanong ay hindi ba masasabing good news ang isyu? Natanong lang natin ito dahil…hindi ba marami sa atin ang umiiwas sa pagkain ng baboy dahil sa masamang dulot nito. Hehehe…nakaka-high blood at marami nang bumagsak sa pagkain ng karne ng baboy.

Kaya ang kakulangan ng suplay o sa sobrang mahal nito, hindi ba maikokonsiderang good news ito? At least, mababawasan na rin ang magkaka-high blood.

Ang joke naman ng iba, hindi ka pa man nakakain ng karne baboy sa ngayon ay mahi-high blood ka na dahil sa sobrang mahal ng karne.

Pero sa kabila pa rin naman ng sinasabing masama ang masobrahan ng pagkain ng karneng baboy lalo ang taba nito (mataas sa cholesterol), marami pa rin sa atin ang bumibili o kumakain nito – masasabi rin kasi na pagkaing masa ang karne ng baboy.

Kidding aside, noong unang pumutok ang problema sa baboy – ang African Swine Fever (ASF) particular sa Luzon, ginagawa ng gobyerno ang lahat ng paraan para mapigilan ang pagkalat ng virus na pumapatay sa mga baboy.

Bawat local government units (LGUs) ay may programa laban sa pagkalat ng virus – malaking pondo ang inilaan para rito. Maganda ang mga ginawang kampanya ng LGUs, walang ipinagkaiba sa kampanya laban sa CoVid-19. May checkpoint sa bawat boundary sa iba’t ibang lalawigan o bayan para harangin ang mga tangkang pagpupuslit ng kontaminadong baboy – karne man o buhay ang hayop.

Sa estilong ito, nakontrol naman ang pagkalat ng ASF pero nang pumasok sa bansa ang CoVid-19, medyo nakalimot na ang leaders ng LGUs natin…naisantabi na ang kampanya laban sa ASF. Kaya muling umatake ang virus sa mga baboy hanggang ngayon kaya ang resulta ay shortage sa supply.

Hindi naman pala naisantabi ang kampanya laban sa ASF, sa halip ay naging prayoridad ng lahat ang kampanya laban sa pagkalat ng nakamamatay na virus – ang COVID 19. Siyempre, buhay ng tao muna kaysa baboy.

Kaya kumalat hanggang northern Luzon ang ASF o masasabing buong Luzon na ang inatake ng ASF dahilan para magkaroon ng shortage sa karne ng baboy. At least iwas high blood hindi ba? Hehehehe.

Ngunit nakababahala na ang nangyayari ngayon, ang karneng pangmasa ay halos wala nang mabili sa Luzon kaya, gumawa ng hakbangin ang pamahalaan. Dahil walang ASF sa Kamindanawan at maraming suplay dito – nakipag-ugnayan ang pamahalaan sa grupo ng hog raisers sa kamindanawan. Ang resulta ay good news, nag-umpisa nang magbenta sa palengke ng karne ng baboy mula sa Mindanao “Davao.” Bumaba nang kaunti ang presyo ng karneng baboy.

Sa Commonwealth Market sa Quezon City, ang dating P400 ay naging P380…inaasahan na bababa pa raw ito ayon sa Department of Agriculture (DA). Ang tanong, hanggang kailan ito? Paano kung dumating iyong araw na kulang na rin ang suplay ng baboy sa kamindanawan dahil sa pagsusuplay sa pangangailangan sa Luzon? Sana hindi dumating ang araw na ito dahil maganda naman ang kalalagayan sa Kamindanawan ngayon, walang ASF kaya patuloy ang pagpaparami ng baboy sa lugar.

Ngunit, dapat na maging alerto ang LGUs sa Kamindanawan – magbantay mabuti, kasing higpit ng pagbabantay kontra CoVid-19 para hindi makapasok ang ASF sa Mindanao.

Nakalulungkot ang ulat kamakailan na pumasok na ang ASF sa Visayas, naku po anong kasunod na nito – Mindanao?

Kinompirma ng DA na nakapasok na ang ASF sa apat na bayan sa Leyte – ang mga bayan ng Abuyog, Dulag, Javier, at La Paz. Kinunan ng samples ang mga namatay na baboy sa apat na bayan at positibo ang resulta na may ASF nga.

Para mapigilan ang pagkalat sa buong Visayas, kailangan nang kumilos ng DA katulong ang LGUs. Mahigpit para hindi makatawid o makapasok ang ASF sa iba pang bayan ng Visayas kung hindi…paktay, ubos ang baboy. Kawawa ang marami lalo ang maliliit na hog raisers – ang backyard hog raisers.

Upang maiwasan ang pagkalat, pairalin uli ang kampanya laban sa ASF, isabay sa mga checkpoint laban sa CoVid-19 para walang makapuslit na kontiminadong baboy, karne man o buhay.

Sa pamamagitan ng mahigpit na pagmomonitor – isama na rin sa kampanya ng LGUs na bisitahin ang mga backyard hog raisers. Para roon pa lang – kung sakali ay mapigilan na ang pagkalat ng ASF. Masyado kasing nakapokus ang kampanya sa malalaking hog raisers.

Huwag nang hintayin pang umabot sa Mindanao ang ASF kung hindi wala na tayong pagkukuhaan ng suplay…mayroon man ay sa labas ng bansa na. Frozen na walang kakuwenta-kuwenta. Hindi natin alam kung ilang buwan o linggo sa freezer.

Siyempre, para masolusyonan ang gera sa ASF, suportahan natin ang kampanya ng gobyerno – ipaalam kung mayroon kayong nalalaman na hog raisers – small time o bigtime, na nagtatanong sa tunay na kalalagayan ng kanilang baboy lalo ang may sakit. Walang ibang makasusugpo sa ASF kung hindi tayo rin… kasama ang pagdarasal.

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

About Almar Danguilan

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top