Thursday , November 13 2025

Pananagutan, Ginoong Alkalde

MAGKAKAIBA ang reaksiyon ng mabu­buting mamamayan ng Baguio City sa nakalipas na mga pangyayari na nagbunsod sa pag­bibitiw sa puwesto ng kanilang alkalde bilang national contact tracing “czar.” Sa simula’t sapul ay ipinagmamalaki ng lungsod si Mayor Benjamin Magalong, lalo na dahil sa hindi matatawarang prinsipyo na nakakabit sa kanyang tsapa bilang retiradong pulis.

At dahil sa pagkakakilala sa kanyang ito — at sa kahihiyang mapabilang sa mga dumalo sa party ni Tim Yap, kung saan ipinagwalang-bahala ang minimum health protocols — inaasahan ko na, at alam kong seryoso siya, sa paghahain ng pinal nang pagbibitiw sa tungkulin.

Kahit papaano, nakatulong ito upang maitama ang maling inaakala (o marahil ay katotohanan) na naglalamyerda ang mayayaman kahit na may pandemya dahil walang hindi kayang gawin ang perang mayroon sila. Marami silang koneksiyon; mayroong bonggang health insurance policies; nariyan lang ang mga taong mauutusan nila para gumawa ng mga delikadong bagay para sa kanila; walang problema sa kanila ang gastusin sa maya’t mayang swab tests; gumagana ang kanilang pera kahit saan; at, ang konteksto ng lahat ng ito, malulusutan nila ang anumang pagkakamaling kanilang magagawa.

Sa pagpapahayag ng kanyang pagbibitiw sa tungkulin, ipinaliwanag ni Magalong ang kanyang desisyon: “Ang usapin dito ay ang pagkakaroon ng pananagutan.” Pagkatapos nito, siyempre pa, pinatawan ng pamahalaang lungsod ang lahat ng nasa party — kabilang ang nagdiwang ng kaarawan at ang mismong maybahay ni Magalong — ng multa sa hindi pagsusuot ng masks at paglabag sa patakaran sa physical distancing.

Gayon man, hindi naman mababago ng pagbibitiw niya sa tungkulin ang katotohanang nananatiling maayos ang sitwasyon ng mayayaman kahit ngayong may pandemya. Pero dapat na maipaalala nito sa atin ang kawalang hustisya ng mundong ito, kung saan karamihan ng mga pamilya ay nagkukulong pa rin sa kani-kanilang bahay, binibilang ang mga araw na wala silang pambili ng makakain, habang hilong-talilong naman ang gobyerno sa pag-iisip ng paraan kung paano mapapasiglang muli ang naghihingalong ekonomiya.

Tama lamang ang ginawa ng alkaldeng ito, na kung tutuusin, ay nakilala sa kanyang may paninindigang pagdidisiplina sa kanyang constituents na lumalabag sa parehong health protocols. May mga residenteng atat nang makita ang kanyang misis sa pagkakatayo sa Baguio Athletic Bowl habang pinangangaralan ng pulis — tulad ng parusa sa mga ordinaryong tagalungsod.

***

Dahil mga alkalde naman ang ating pinag-uusapan, nais kong tawagin ang atensiyon ni Mayor “Isko” Moreno. Sir, ano po ang nang­yari sa business tax assessment ng mga nego­syong tindahan at serbisyo d’yan sa inyo sa Maynila?

Hindi ko intensiyong pingutin kayo o anuman, pero hindi n’yo pa ba naririnig ang mga reklamo na ang pagtataya sa buwis noong 2020 ay halos parehong-pareho lang ng komputasyon noong 2019? Paano nangyari iyon gayong luging-lugi nga ang maraming negosyo sa pinakagapang na taon ng ating mga buhay?

Totoo po ba na ang mga tauhan ngayon sa City Treasurer’s Office ay mga ‘bagito,’ kaya inulit na lang nila ang naitayang buwis noong sinusundang taon?

Sa harap ng mga tanong na ito, narito ang isang prangkang sagot na ibibigay ko sa inyo, sir: Karamihan sa mga establisimiyentong ito na sinisingil ng hindi makatuwirang buwis ay permanente nang nagsitiklop ng kani-kanilang negosyo.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

 

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Ex-Cong. Co, paano makauuwi kung may banta sa buhay?

AKSYON AGADni Almar Danguilan SA ISYU ng kontrobersiyal na flood control ghost projects ng Department …

Sipat Mat Vicencio

Sen. Bong Go lang ang tinukoy sa ‘insertion’

SIPATni Mat Vicencio BAKIT sa tatlong DDS na senador, tanging si Sen. Bong Go lang …

Firing Line Robert Roque

Malabong policy ng MPD vs smokers

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. GETS ko naman — bawal manigarilyo o mag-vape sa …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Hall of Fame award, muling nasungkit ng QC LGU

AKSYON AGADni Almar Danguilan UNANG pinarangalan bilang Hall of Fame sa larangan ng pakikipagnegosyo ang …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Ang sabi sa akin…” vs. “Ako mismo…”

AKSYON AGADni Almar Danguilan SA GITNA ng mga imbestigasyon sa flood control anomalies, malinaw ang …