Sunday , March 7 2021
Breaking News
You are here: Home / News / Duterte pabor sa kanselasyon ng 1989 UP-DND Accord

Duterte pabor sa kanselasyon ng 1989 UP-DND Accord

ni ROSE NOVENARIO

PABOR si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkansela ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa 1989 UPD-DND Accord o ang kasunduang nagbabawal sa mga pulis at militar na pumasok at kumilos sa loob ng mga pamantasan ng University of the Philippines (UP) System.

“Si Secretary Loren­zana is an alter ego of the President. Of couse, the President supports the decision of Secretary Lorenzana,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa virtual Palace press briefing kahapon.

Sa kanyang liham sa liderato ng UP kama­kailan, ikinatuwiran ni Lorenzana sa pagtuldok sa kasunudan na ito’y upang bigyan proteksiyon ang mga kabataan mula sa recruitment activities ng Communist Party of the Philippines (CPP) at armadong grupo nitong New People’s Army (NPA).

Bilang alumnus ng UP, sinabi ni Roque na dapat pakinggan ang panig ni UP President Danilo Concepcion sa usapin.

“Pero pagdating sa kontrobersiyang ito, kinakailangan pong pakinggan natin ang UP President, si President Danilo Concepcion. So lahat po iyong mga damdamin ng mga alumni gaya ko, I think it will be expressed by President Danilo Concepcion,” ani Roque.

“Nasa mga taga-UP rin po iyan, ang tingin ko naman po dahil napa­katagal kong nagtagal diyan sa UP, labinlimang taon, hindi po nila papa­yagan na mabalewala at malabag ang kanilang karapatan sa academic freedom,” dagdag niya.

Pinangunahan kaha­pon ni Concepcion ang kilos-protesta ng mga kawani, guro at mga estudyante ng UP laban sa naging desisyon ni Lorenzana.

Nanawagan siya kay Lorenzana na bawiin ang naging pasya.

Giit ni Concepcion, hindi kailangan putulin ang kasunduan at maaari itong maging mitsa para lumala ang relasyon ng unibersidad at ng militar.

“We want to maintain UP as a safe haven for all beliefs and forms of democratic expression. We do not condone sedition, armed insurrection, or the use of violence for political ends,” aniya.

“Kung ang UP ay tatanggalan ng academic freedom sa anumang pamamaraan ang UP ay mawawalan ng saysay at kabuluhan kaya tayo ngayon ay magbubuklod at magkakapit-bisig upang patuloy nating ipaglaban ang academic freedom,” ani Concep­cion.

Umalma ang mara­ming sektor, personalidad at mga organisasyon sa naging pasya ni Loren­zana, gaya ng National Union of Students of the Philippines (NUSP).

Naniniwala ang NUSP na hakbang ito upang sagarin ang presensiya ng militar sa mga paman­tasan at paaralan at parte rin ito ng sistematikong atake laban sa demo­kratikong karapatan at aka­demi­kong kalayaan ng mga estudyante.

Anang NUSP, ang pasinayaan ang milita­risasyon sa mga paman­tasan ay gawain ng tunay na terorista at sina­sabotahe ang bulne­rableng kalagayan ng bansa sa gitna ng pandemya.

“Ngayon, lalo’t higit sa panahon ng matinding ligalig at terorismo laban sa sambayanang Pilipino, nangangailangan mag­pakita ng mas palabang diwa ang mga lider-estudyante upang labanan ang pasismo ng estado.”

Para kay Terry Ridon, dating pinuno ng League of Filipino Students (LFS) at dating Kabataan party-list representative, kung may mga rebolusyonaryo na naging produkto ang UP, may nagtapos din sa pamantasan na ang isang dikatdor, mga defense minister, mga AFP chief of staff, coup plotters at mga mandarambong na politiko.

“Inasmuch as UP produces revolutionaries, it has also produced a dictator, defense ministers, AFP chiefs, coup plotters, and plundering politicians. Maybe best to look outside your part of the woods before going out guns blazing on hard-won historic victories,” ani Ridon sa isang Facebook post.

Sa pagbasura
ng UP-DND accord
PROTESTANG
ANTI-TERROR
IKINASA
SA DILIMAN

NAGTIPON nitong Martes, 19 Enero, sa University of the Philippines (UP) Diliman campus, sa lungsod ng Quezon ang mga miyembro ng iba’t ibang sektor upang magsagawa ng kilos-protesta laban sa pagsasawalang-bisa ng Department of National Defense (DND) sa UP-DND Accord na nagba­bawal sa presensiya ng militar at pulisya sa mga campus ng UP nang walang pahintulot mula sa mga opisyal ng pamantasan.

Kabilang sa mga lumahok sa indignation rally na ginanap sa Quezon Hall ng UP Diliman ang mga gru­pong League of Filipino Students (LFS) at Anakbayan.

Dumalo rin sa protes­ta sina UP President Danilo Concepcion, UP Student Regent Renee Co, at UP-Diliman Chancellor Fidel Nemenzo.

“Nagkamali sila sa pagwawalang-bisa ng accord dahil ang epekto nila ay pinalalakas la­mang ang ating pagka­kaisa. Hindi tayo aatras sa pagtatanggol sa UP at sa academic freedom,” pahayag ni Nemenzo sa rally.

Matatandan nitong Lunes, 18 Enero, ipinawalang-bisa ng DND ang kasunduan sa UP na nilagdaan noong 1989, na kailangang magbigay ng abiso sa pamunuan ng paman­tasan bago maka­pasok sa mga campus ang mga militar at pulis.

Samantala, dinepen­sahan ni DND Secretary Delfin Lorenzana ang kanilang desisyon at sinabing nagiging “safe haven” para sa mga kaaway ng estado ang uniberidad.

Nagbabala si UP President Concepcion na ang pagbabasura sa kasunduang may ilang dekada nang kinikilala at iginagalang ay maaaring magkaroon ng masa­mang epekto imbes mapabuti ang relasyon sa pagitan ng mga insti­tusyon sa bansa.

About Rose Novenario

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top