Tuesday , March 2 2021
Breaking News
You are here: Home / News / Tserman itinumba ng tandem (Tinambangan sa loob ng manukan)
Tserman itinumba ng tandem (Tinambangan sa loob ng manukan)

Tserman itinumba ng tandem (Tinambangan sa loob ng manukan)

PATAY ang isang barangay chairman matapos pagbabarilin ng dalawa sa apat na hindi kilalang suspek sa kanyang manukan sa likod ng kanyang bahay sa Malabon City, kama­kalawa ng hapon.

Dead on arrival sa Manila Central University (MCU) hospital ang biktimang kinilalang si Anthony Velasquez, 41 anyos, barangay chairman ng Brgy. Hulong Duhat at residente sa Florante St., ng nasabing lugar sanhi ng mga tama ng bala ng kalibre.45 at M-16 Armalite sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mariing kinondena ng mga samahan ng Liga ng mga Barangay Chairman sa Malabon ang pagpatay kay Velasquez kasabay ng panawagan sa pulisya na ipatupad ang buong puwersa ng batas para sa agarang pagkakaaresto sa mga suspek.

Kasabay nito, nanawagan si Cong. Jaye Lacson-Noel ng nasabing siyudad at mariing kinondena ang karumal-dumal na krimen sabay panawagan sa pulisya ng mabilisang imbestigasyon at agarang aksiyon kaugnay sa nangyari at “nang maibigay ang hustisya sa pagkamatay ni Kap. Anthony Velas­quez o Kap Tune ng Barangay Hulong Duhat.”

Batay sa pinagsa­mang ulat nina P/SSgt. Jose Romeo Germinal at P/Cpl. Michael Oben, dakong 3:50 pm nang maganap ang insidente sa likod ng bahay ng biktima habang nag-aasikaso ng kanyang mga manok.

Sa imbestigasyon, abala umano sa paglilinis ang biktima sa likod ng kanyang bahay nang pumasok ang dalawang hindi kilalang gunman sa likurang gate at walang sabi-sabing pinagbabaril sa katawan si Velasquez.

Matapos ang insidente, naglakad patu­ngo sa kanilang kasama na nagmamaneho ng kanilang gateway motocycle bago mabilis na nagsitakas sa hindi matukoy na direksiyon habang isinugod ang biktima ng kanyang pamilya sa naturang pagamutan ngunit hindi na umabot nang buhay.

Kaagad nagsagawa ng dragnet operation ang mga tauhan ng SS7 sa pangunguna ni P/Lt. Edgardo Magnaye ngunit nabigo silang mahuli ang mga suspek habang narekober sa crime scene ng 11 basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na uri ng baril.

Ipinag-utos ni Malabon Police chief, Col. Angela Rejano sa kanyang mga tauhan ang masu­sing imbestigasyon sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto ng mga suspek.

Napag-alaman ng pulisya na dati umanong nadawit ang pangalan ng biktima sa narco-list ngunit nilinis niya ito sa PDEA st sinabing paninira sa kanya ng kalaban sa politika.

Naging aktibo rin ang biktima sa paglaban sa ilegal na droga at maraming naipahuli sa kanyang barangay na may kinalaman sa droga hanggang makatanggap ng pagbabanta sa kanyang buhay na isa sa mga tinitingnan ngayon ng pulisya na posibleng motibo sa insidente.

(ROMMEL SALES)

About Rommel Sales

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top