Monday , January 25 2021
Breaking News
You are here: Home / News / Full-disclosure ng 40 CoViD-19 cases sa Kamara ‘giit’ ng QC-CESU (Posibleng outbreak inaalam)

Full-disclosure ng 40 CoViD-19 cases sa Kamara ‘giit’ ng QC-CESU (Posibleng outbreak inaalam)

INIIMBESTIGAHAN ngayon ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (QC-CESU) ang House of Representatives kasunod ng naitalang mahigit 40 kaso ng kompirmadong CoVid-19 cases na pawang nakuha ng mga pasyente sa kanilang trabaho.

Kinalampag din ng QC-CESU ang Kamara na isumite sa kanila ang kompletong listahan ng mga CoVid-19 cases, at iginiit na hindi ito dapat naaantala dahil malinaw sa batas na walang exempted at dapat agaran ang pagsusumite ng report.

Ayon kay QC-CESU director, Dr. Rolly Cruz ang mahigit 40 kaso na kanilang naitala ay pawang naninirahan sa Batasan at kalapit na barangay at ang workplace na kanilang inilagay ay sa Kamara.

“Sa mga cases na hawak namin sinasabi nila na nakuha nila ang virus sa loob ng Kamara, sa mismong pinag­tatrabahuan nila, kaya ito ngayon ang aming iniimbestigahan kung paanong nagkaha­wa­han,” pahayag ni Cruz.

Inamin ni Cruz, dahil pending ang report ng Kamara kaya nahihirapan silang i-trace kung ilan ang tunay na kaso ng CoVid-19.

Aniya, kahit nag­sasagawa na sila ng contact tracing ay nagiging limitado dahil walang full disclosure mula sa Kamara.

Sa tanong kung masasabing outbreak na ang CoVid-19 cases sa Kamara at maaaring ipasara ang tanggapan, sinabi ni Cruz na kanila itong isailalim sa ebalwasyon sa oras na makuha nila ang nasabing report.

Lumalabas na may batayan ang naging tahasang pagtuligsa ng mga kawani ng Kamara kina House Speaker Lord Allan Velasco, Deputy Speaker at 1Pacman Partylist Rep Mikee Romero, Diwa Partylist Rep. Mike Aglipay, at House Secretary-General Dong Mendoza na lumabag sa quarantine protocol dahil mataas ang CoVid cases sa Mababang Kapulungan.

Ang House leaders ay may direktang exposure kay TESDA Director Isidro Lapeña na nagpositibo sa virus dahil magkakasama silang dumalo sa isang dinner meeting na nakita sa larawan na wala silang suot na face masks.

Ikinatuwiran ni Romero na negatibo sila sa isinagawang CoVid-19 test pero malinaw sa health guidelines ng Department of Health (DOH) na kahit negative sa test ay dapat sumailalim sa 14-day quarantine.

Ipinaliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan ang quarantine sa mga may direct exposure sa isang CoVid-19 patient kahit nagnegatibo sa test dahil ang virus ay maaaring magdevelop sa pagitan ng dalawa hanggang 14 araw pagkatapos ng exposure.

Ayon sa report, kasama ng House leaders sa isang dinner sa Shangri-La The Fort si Lapeña at iba pang Philippine Military Academy (PMA) Alumni noong 19 Nobyembre.

Makalipas ang dalawang araw ay nagpositibo sa virus si Lapeña ngunit hindi nag-quarantine ang House leaders at noong 24 Nobyembre 24 pinangunahan pa nina Velasco at Romero ang hearing ng Kamara sa epekto ng bagyong Ulysses at noong 25 Nobyembre ay makikita sa website ng Kamara na tumanggap sila ng courtesy call mula kina Labor Secretary Silvestre Bello at PNP Chief Debold Sinas.

Bukod sa quarantine, nilabag din ng mga House leaders ang guidelines ng DOH-IATF na nagtatakda na hanggang 10 katao lamang ang gathering, bukod sa limang House leaders at kay Lapeña, kasama rin sa dinner meeting sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Information Secretary Gregorio Honasan, Environment Secretary Roy Cimatu, National Security Adviser Hermogenes Esperon, National Task Force Against CoVid-19 chief Carlito Galvez, at Social Welfare and Development Secretary (DSWD) Rolando Bautista.

Hindi naman maikubli ng mga staff ng Kamara ang galit kina Romero at Velasco na naglalagay sa panganib ng kalusugan ng lahat.

“Alam nila na exposed sila, kung gusto nilang umattend sa hearing ay puwede naman through zoom, naka­lulungkot dahil relax na relax ang pag-obserba sa health protocols mismo ng mga lider ng Kamara,” ayon sa isang kawani.

Aminado ang mga kawani na bulag sila sa mga kaso ng CoVid cases sa Kamara dahil walang regular reporting na nangyayari at walang transparency.

Hindi maitago ng mga kawani na maikom­para ang full transparency sa paghawak ng CoVid cases sa panahon noon ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano na laging may update ng CoVid cases si dating House Secretary-General  Jose Luis Montales kaya ang resulta ay aware ang mga kawani kung mayroong exposure sa nagpositibo sa virus ay sila na mismo ang nagse-self quarantine.

“Informed ang lahat noon, ang media, mga employees, nasusunod ang protocols para sa proteksiyon ng lahat. Ngayon bulag kami kaya lomobo ang cases ngayon, mismong mga lider na exposed sa virus baka sila pa ang nakapanghawa,” ngitngit ng isang kawani.

Samantala, kinompir­ma ni Sorsogon Rep. Evelina Sorsogon na nagpositibo siya sa CoVid-19 noong naka­raang buwan at ipinag­bigay alam niya ito kay Speaker Velasco ngunit ang impormasyon ay hindi nai-report sa media.

Ipinaliwanag ni Escudero na asymptomatic at maaaring nagkaroon ng false-negative sa kanyang test ngunit para makiguro ay nag-self quarantine rin siya.

Si ACT-CIS Rep. Nina Taduran ay napabalita rin na positibo sa CoVid ngunit hindi pa nag­bibigay ng opisyal na pahayag.

HATAW News Team

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top