Tuesday , January 19 2021
Breaking News
You are here: Home / News / House probe malamya, duwag — KMP (Sa sanhi ng malawakang pagbaha)
House probe malamya, duwag — KMP (Sa sanhi ng malawakang pagbaha)

House probe malamya, duwag — KMP (Sa sanhi ng malawakang pagbaha)

MALAMYA, walang tapang, at tiyak na walang mapananagot kung pagbabasehan ang takbo ng ginagawang imbestigasyon ng House of Representatives kaugnay sa naging pinsala ng bagyong Ulysses sa Cagayan at Isabela dahil nakatuon lamang sa ginawang pagpapakawala ng tubig ng mga dam at walang imbestigasyon sa ilegal na pagmimina at ilegal na pagtotroso, ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Ang pahayag ay ginawa ng grupo bilang reaksiyon sa sinabi ni House Speaker Lord Allan Velasco na climate change at ang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam ang sanhi ng massive flood sa Cagayan at Isabela kaya naman ang rerebyuhin ng Kamara ay dam protocols upang hindi na maulit ang mapansilang baha gaya ng idinulot ng bagyong Ulysses.

Ayon kay KMP President Danilo Ramos, ang mahalagang dapat imbestigahan ng Kamara ay ilegal na pagtotroso sa mga bundok ng Cagayan at Isabela at ang mapanirang pagmimina na nagiging sanhi ng pagbaha.

Aniya, welcome development sa kanila ang House inquiry na ginagawa ng mga kongresista ngunit nakalulungkot na hindi naman nito kayang banggain ang malalaking contractor at malalaking tao na nasa likod ng ilegal na minahan at pagtotroso.

“Tingin po namin mahalagang matukoy kung sino ang  responsable upang ‘di matulad sa iba na after ng insidente ay basta nawala na lang sa limot. Kailangan magkaron ng hustisya sa mamamayang naapektohan. Ito ang pinakamagandang pagkakataon para tingnan ng mga mambabatas ang pagkakalbo ng mga bundok at pagkasira ng kalikasan dulot ng pagmimina,” pahayag ni Ramos.

“Mahalaga ang imbestigasyon ng Kamara pero sa takbo ng ginagawang hearing ay mapupunta na ito at magagaya lang sa nakaraan na wala rin nangyari, ang aming apela ay huwag lang mag-focus sa dam,” dagdag ng KMP chairman.

Sa joint investigation ng House Committee on Agriculture and Food at Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle, sinabi ni Velasco, ang pagpapawala ng tubig ang nagpalala ng sitwasyon sa Cagayan at Isabela sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ulysses.

Sinang-ayonan ito ni House Deputy Majority Leader Bernadette Herrera na nagsabing 2006 pa ang dam protocol na sinusunod na hindi na akma sa panahon.

Ngunit pinabulaanan ito ni National Irrigation Administration (NIA) head Ricardo Visaya, aniya, hindi ang pagbubukas ng gates ng Magat dam ang ugat ng matinding pagbaha sa Cagayan at Isabela kundi ang malawakang ilegal na pagtotroso, pagmimina at pagtitibag sa lugar.

Batay sa isang matrix na ipinakita ni Visaya, mula 9-14 Nobyembre noong kasagsagan ng bagyo, ang peak water inflow ng Magat Dam ay 7,128 cubic meters per second pero naglalabas lamang ang dam ng 6,706 cubic meters per second, pagpapatunay na hindi ang pagbubukas ng water gate ng dam ang ugat ng matinding pagbaha.

Sinabi ng KMP, maituturing na moro-moro lamang ang imbestigasyon ng Kamara kung hindi nito sasakupin sa kanilang House inquiry ang tunay na problema sa pagmimina kabilang ang black sand mining na talamak sa Cagayan at ang talamak na legal at ilegal na pagtotroso na may permiso pa mismo ng lokal na pamahalaan.

Minaliit din ng KMP ang naging pahayag ni Isabela Governor Rodito Albano at Vice Governor Faustino Dy III na wala nang operasyon ng pagmimina at ilegal na pagtotroso sa lalawigan.

Anila, mismong mga residente ang makapagpapatunay na talamak pa rin ang ganitong ilegal na aktibidad  at hindi pa rin ito nagbago.

Kahapon ay ipinag utos ni Interior Secretary Eduard Año ang crackdown sa ilegal na pagtotroso at ilegal na pagtitibag kasunod ng naranasang malawakang pagbaha sa bagyong Ulysses.

Partikular na pinakikilos ni Año ang LGUs at Philippine National Police (PNP) na bantayan ang mga ilegal na aktibidad kasabay ng pagbabanta sa mga tiwaling local government officials na sangkot sa ilegal na pagtotroso at ilegal na pagtitibag sa kanilang lugar na tutukuyin at sasampahan ng kaso.

 

 

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top