Tuesday , January 19 2021
Breaking News
You are here: Home / News / Speaker Velasco, grupo sinisi (Watak-watak sa Kamara)
Speaker Velasco, grupo sinisi (Watak-watak sa Kamara)

Speaker Velasco, grupo sinisi (Watak-watak sa Kamara)

UNIFYING leader ang isa sa ipinagmalaki ni House Speaker Lord Allan Velasco nang maupo sa puwesto kasunud ng naging speakership row sa kanila ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ngunit taliwas ang sinasabi nito sa kanyang ginagawa nang tanggalin ang ilang Deputy Speakers at ang nakatakdang pagbalasa pa sa chairmanship ng mga House committee.

Maugong din na inilulutong palitan si House Majority Leader Martin Romualdez, bukod kasi sa malapit kay Cayetano ay puntirya rin ni 1-Pacman Partylist Rep. Mikee Romero ang nasabing puwesto.

Bago pa nabuo noon ang term sharing agreement sa pagitan nila Cayetano at Velasco ay si Romero na ang napipisil na maging House Majority Leader kung magiging Speaker si Velasco.

Sa nabuong term-sharing agreement ay napagkasunduan na tanging sina Cayetano at Velasco ang magpapalit ng puwesto habang mananatili at hindi gagalawin ang Deputy Speakers at Chairman ng mga committee, mata­tan­daan na dahil sa kasunduang ito kaya nagkaroon sa kauna-unahang pagkakataon ng 22 Deputy Speakers ang Kamara, para i-accomodate ang mga kaalyado nina Velasco at Cayetano at magkaroon ng “unified House” kahit dalawa ang maging Speaker sa 18th Congress.

Sa pag-uusap nina Cayetano at Velasco kay Pangulong Rodrigo Duterte, anangako ang huli na walang magiging pagbabago sa mga opisyal ng Kamara.

Nang maupo si Velasco ay kabaligtaran ang nangyari dahil sinimulan nitong tanggalin sa puwesto ang mambabatas na malapit kay Cayetano, pangunahin na si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na naging malaki ang kontribusyon para sa pagsasabatas ng Bayanihan 1 at Bayanihan 2 na sinabing pakiki­nabangan umano ng 18 million recipients sa ilalim ng Social Amelioration Funds (SAP).

Sa patuloy na ‘purging’ na ginagawa ni Velasco, inalis bilang deputy speakers sina Laguna Rep. Dan Fernandez, Batangas Rep. Raneo Abu, at Capiz Rep. Fredenil Castro na nagsulong ng Bayanihan Act at nagpasa ng mga legislative agenda ng administrasyon.

Samantala inalis bilang hepe ng House Contingent to the House of Representatives Electoral Tribunal si Kabayan Rep. Ron Salo.

Ang mga sumusu­porta sa ABS-CBN franchise na sina Buhay Partylist Rep. Lito at Atienza at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang ipinalit sa puwesto. Naitalaga rin bilang Deputy Speaker si Las Piñas Rep. Camille Villar ngunit tinanggihan ang posisyon at wala pang naging pahayag si Velasco ukol dito.

Aminado umano ang ilang insider sa Kamara na para makuha ang suporta ng mga kapwa mambabatas na tagasuporta ni Cayetano ay pinangakuan ni Velasco na makakukuha ng puwesto sa kanyang liderato.

Ito umano ngayon ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng “silent war” sa mismong mga kaalyado nito.

Una nang nabunyag ang hindi pagkakasundo sa pagitan ng Velasco allies nang pasaringan ni AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin, sa isang get-together dinner sa kaarawan ni Velasco si Davao Rep. Paolo Duterte at sabihang “hindi ka naman bomoto kay Velasco pero nagkaroon ka ng puwesto.”

Hindi nagustuhan ni Duterte ang biro hanggang  nagkaroon ng komosyon at humantong sa awatan, si Maguinda­nao Rep. Toto Mangu­dadatu ang sinasabing isa sa umawat kina Garin at Duterte.

Matapos ang insiden­te, isang viber message ang ipinadala ni Duterte sa Viber group ng mga kongresista na nakasaad ang paghingi nito ng paumahin sa nangyari kasabay ng pagsasabi na dahil nakukuwestiyon ang kanyang loyalty ay didistansya na siya sa House Majority.

Ilang mambabatas na kasama sa pagtitipon ang nagsabing hindi biro kundi “half meant” ang sinabi ni Garin.

Nabatid, si Garin ay pumoporma na maging Chairman ng House Committee on Ways and Means ngunit hindi niya mabangga si Albay Rep. Joey Salceda na inalok maging Deputy Speaker pero hindi pumayag.

Si Duterte ang humahawak ngayon ng makapangyarigang House Committee on Accounts habang naitalang Vice Chairman din ng komite si House Appropriations Committee Chairman at Benguet caretaker ACT CIS Partylist Rep. Eric Yap na malapit na kaibigan ni Duterte.

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top