Monday , November 30 2020
Breaking News
You are here: Home / News / P620-M to P15-B infra budget ng solons ipaliwanag — Sen. Lacson
P620-M to P15-B infra budget ng solons ipaliwanag — Sen. Lacson

P620-M to P15-B infra budget ng solons ipaliwanag — Sen. Lacson

PINAGPAPALIWANAG ni Senator Panfilo Lacson ang House Leadership sa inaprobahan nitong infrastructure projects sa congressional districts na nakapaloob sa P4.5 trilyong national budget na nasa P620 milyon hanggang P15 bilyon ang alokasyong nakita sa bawat kongresista.

Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang P659 bilyong budget para sa Department of Public Works and Highway (DPWH), sinabi ni Lacson na halos kabuuan ng pondo ay alokasyon sa mga distrito ng mga kongresista.

Pabirong sinabi na ang ‘pasingit’ ng mga Senador ay lumalabas na pang-barangay kagawad lamang kompara sa isiningit ng Kamara.

“Colleagues, all I can say is, pity yourselves, those of us who may have individual insertions, it will make you look like barangay kagawads compared to our House counterparts. You see, from a high of P15.351 billion to a low of P620 million,” pahayag ni Lacson.

Tumanggi si Lacson na tukuyin ang mga pangalan ng mga kongresista na nakakuha ng malaking infrastructure projects, aniya, “mainam na mai-focus ang usapin sa mga distrito kaysa personalidad.”

Malinaw umano na may kumpas ng House leadership ang paghahanda sa budget at kung sino-sino ang makakukuha ng malalaking pondo kaya mali na ibaling ang sisi sa DPWH dahil malinaw na ang mga kongressman ang gumawa ng listahan.

Matatandaan, una nang sinabi ni House Appropriations Committee Chairman Rep. Eric Yap, ang DPWH ang dapat magpaliwanag sa infrastructure projects na pinondohan sa ilalim ng 2021 budget.

Gayonpaman sinabi ni Lacson na suportado niya ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi corrupt si DPWH Secretary Mark Villar.

“I’m not blaming the department if it appears this way because practically, mga congressmen po ang may gawa ng mga listahan na ito,” paliwanag ng Senador.

Sinabi ni Lacson na hindi pa dapat magbunyi ang mga kongresista sa kanilang malaking 2021 budget, aniya, bagamat naisumite na sa plenary ang DPWH budget ay maaari pa itong amyendahan at baguhin bago ang second reading at sa bicameral conference meeting.

Ilan sa una nang tinukoy ni Lacson na may malaking infrastructure budget ay isang distrito sa Davao na may P15.351 bilyong budget; sa Albay ay P7.5 bilyon, sa Benguet ay P7.9 bilyon habang sa Abra ay P3.75 bilyon.

Hindi tinukoy ni Lacson ang mga partikular na distrito ngunit isa sa may hawak ng Distrito sa Davao ay si Presidential Son at Davao 1st District Rep. Paolo Duterte, sa 2nd District ng Albay ay si Joey Salceda, sa Abra ay si Lone District Rep. Joseph Bernos habang caretaker naman sa Benguet si ACT CIS Partylist Rep. Eric Yap.

Ang 2021 budget ay pinagtibay sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Lord Allan Velasco ngunit tumangging magkomento sa mga rebelasyon ni Lacson.

Matatandaan sa House Speakership row kamakailan ay ginawang isyu kay dating House Speaker at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ng mga kaalyado ni Velasco na sina Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves, 1 Pacman Partylist Rep. Mikee Romero, at Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon ang hindi pantay na infrastructure allocation sa budget na inakusahan si Cayetano na pinaboran ang ilang mga mambabatas ngunit sa pamumuno ni Velasco ay naipasa sa Kamara ang 2021 budget.

Bukod sa naglalakihang infrastructure budget ng mga kongresista, pinuna rin ni Lacson ang ‘disparity’ o ‘unfair’ na hatian ng budget mismo sa pagitan ng mga kongresista na ang iba ay bilyon-bilyong piso kompara sa iba na kakarampot.

Tinukoy din nito ang pagpopondo ng P68 bilyong sa tinawag nitong corrupt-ridden at skeleton multi-purpose building, sa kabila ng mga ibinunyag na iregularidad ay nanatili namang tahimik sa isyu si House Speaker Velasco.

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top