Monday , November 30 2020
Breaking News
You are here: Home / Hataw Lifestyle / Ika-90 Malasakit Center, inilunsad sa Caloocan City; Suporta sa medical frontliners, tiniyak ni Sen. Bong Go
Ika-90 Malasakit Center, inilunsad sa Caloocan City; Suporta sa medical frontliners, tiniyak ni Sen. Bong Go

Ika-90 Malasakit Center, inilunsad sa Caloocan City; Suporta sa medical frontliners, tiniyak ni Sen. Bong Go

SINAKSIHAN ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, ang paglulunsad ng ika-90 Malasakit Center sa bansa nitong Biyernes, sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium, Caloocan City.

Ito ang ika-17 Malasakit Center sa Metro Manila at ika-46 sa Luzon.

“Itong Malasakit Center po ay para sa lahat ng Filipino. Wala itong pinipili, walang politika ito. Para po ito sa lahat lalo ang poor and indigent patients. Handa pong tumulong ang Malasakit Center sa kanilang medical at financial needs,” ayon kay Go.

Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop kung saan matatagpuan ang mga ahensiya ng pamahalaan na may mga programang nagbibigay ng financial at medical assistance sa mga pasyenteng Pinoy, partikular sa mahihirap at nangangailangan, kabilang ang Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa pamamagitan ng Republic Act No. 11463, o mas kilala sa tawag na Malasakit Centers Act of 2019,  lahat ng pagamutan sa bansa na pinatatakbo ng DOH ay may mandatong magtayo ng sarili nilang Malasakit Centers, kasama ang Philippine General Hospital. Bilang karagdagan, ang mga pagamutan na pinatatakbo ng local government units at iba pang pampublikong pagamutan ay maaaring magtayo ng sarili nilang Malasakit Centers, ngunit kailangang maabot nito ang mga itinatakdang criteria para rito.

“Pera ninyo po ‘yan, bakit kayo pahihirapan pa? Ang pera ng gobyerno ay pera ng Filipino po. Kaya sabi ko, baka puwede natin (ilagay) sa isang kuwarto na lang,” anang senador. “At inumpisahan namin ito sa Cebu, sa Vicente Sotto Memorial Medical Center. Nasa iisang kuwarto na po ang apat na ahensiya ng gobyerno. At noong naging Senador po ako, ‘yun po ang inuna ko na maging batas, itong Malasakit Centers Act.”

Sa ilalim ng mahigpit na pagsunod sa mga kinakailangang health at safety protocols, nagbigay din ng tulong si Go sa 44 pasyente ng CoVid-19 na na-admit sa ospital. Bibigyan din sila ng tulong ng DSWD sa ilalim ng kanilang programa na nagbibigay ng tulong sa mga indibidwal sa mga sitwasyong may krisis.

Samantala, dahil sa limitado pa rin ang transportasyon dahil sa pandemic at pangangailangang mag-commute sa pagpasok sa trabaho, namahagi rin ang senador ng mga bisikleta sa ilang piling medical frontliners na nagtatrabaho para sa naturang ospital.

“Maraming salamat po sa inyong sakripisyo. Dahil kayo naman po ang nakaaalam sa giyerang ito, kayo ang inaasahan namin sa panahong ito. Kaya sakripisyo po muna tayo, gaya ng gera sa Marawi na sundalo naman po, eto ang gera naman natin laban sa COVID-19. Kayo naman po ang inaasahan kaya maraming salamat po sa inyong lahat,” ani Go.

Bilang vice chairperson ng Senate Committee on Finance, matatandaang nagsulong at lumaban para sa salary upgrade ang mga public nurses sa Nurse I at II positions.

“Kung ano po ang puwede naming maitulong sa inyo, ‘wag po kayong mag-atubiling lumapit sa akin dahil trabaho naman namin ni Pangulong Duterte na maglingkod sa inyo. Kung ano ang puwede kong itulong bilang Chair ng committee on health… po sa Senado, kung ano po ang puwede namin itulong sa inyo sa ospital para po sa kapakanan po ng nurses at frontliners, nandirito po kami,” pagtiyak ni Go.

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top