Friday , October 30 2020
Breaking News
You are here: Home / News / Pakikialam ng China sa 2022 elections pinangangambahan
Pakikialam ng China sa 2022 elections pinangangambahan

Pakikialam ng China sa 2022 elections pinangangambahan

MALAKI ang posibilidad na manghimasok ang China sa 2022 presidential election upang mapanatili nito ang impluwensiya sa Filipinas at hindi sila habulin sa kanilang ilegal na pag-okupa sa West Philippine Sea (WPS), ayon sa mga progresibong mambabatas sa Kamara.

Sinabi nina ACT Partylist Rep. France Castro at Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate, maraming senyales na makikialam ang China sa susunod na presidential election tulad ng Facebook account na nakabase sa Fujian, China na sumusuporta umano sa presidential bid ng anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Rep. Sara Duterte.

Ang naturang account ay kabilang sa mahigit 100 accounts na inalis ng pamunuan ng Facebook kamakailan. Kasama rin dito ang mga pekeng account umano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

“Pinatunayan na sa ibinulgar ng Facebook na sangkot ang China mismo. May mga account, may network na nagmula sa China na ire-raise up ang kandidatura ng anak ng Presidente sa susunod na eleksiyon,” pahayag ni Castro sa isang virtual press conference.

“Talagang  may nakikita tayong indication e na maaaring makialam ang China sa election. Makikita natin sa mga tineykdown na account. Malaki ang posibilidad na makikialam ang China sa susunod na eleksiyon,” dagdag niya.

Sa kanyang panig ay sinabi ni Zarate na hindi na siya magtataka kung manghihimasok ang China sa 2020 presidential election dahil malaki ang interes nito sa Filipinas, lalo sa inaangkin nitong WPS.

Kaugnay nito ay hinamon niya ang social media regulators sa bansa at maging sa Facebook na maging pro-active sa laban sa mga ganitong account at network upang hindi maimpluwensiyahan ng sinuman, lalo na ng China,  ang susunod na halalan sa bansa.

“Kasi this will undermine the democratic processes na mayroon ang isang kandidato na halal ng bayan na na-elect pala dahil hindi ito ang kagustuhan ng bayan kundi dahil ang mamamayan ay na-mislead. Naloko sila dahil sa kanilang nabasa sa social media platforms,” paliwanag ni Zarate.

Samantala, iginiit ni Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite, ang National Bureau of Investigation (NBI) o Office of the Ombudsman ang dapat mag-imbestiga sa fake accounts ng AFP at PNP.

Naniniwala si Gaite na walang mangyayari kung ipauubaya sa AFP at PNP ang pag-iimbestiga sa mga pekeng Facebook account sa kanilang hanay.

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top