Friday , September 25 2020
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Bawas-agwat o dagdag PUVs (‘Condolencias’ en vez distancias)
Bawas-agwat o dagdag PUVs (‘Condolencias’ en vez distancias)

Bawas-agwat o dagdag PUVs (‘Condolencias’ en vez distancias)

NAKANENERBIYOS ang tirada ng mga paboritong Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Isa na rito ang hindi natin maintindihang bagong ideya ni Transportation Secretary Art Tugade na unti-unti na raw bawasan ang distansiya ng mga pasahero sa pampublikong sasakyan para marami na raw ang maisakay.

Mula sa isang metro, ang itinakdang physical distance sa pagitan ng mga pasahero ay unti-unting babawasaan ng .3 meters matapos ang apat na linggo.

Kinatigan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang panukala ng Economic Development Cluster (EDC) at Department of Transportation (DOTr) para madagdagan ang mga sumasakay sa pamamagitan ng pagbabawas ng distansiya sa mga mass transit

Hello Secretary Art Tugade! Tutal naman po’y sinasabi ninyong ‘commuter’ talaga kayo at hindi kayo madalas na gumagamit ng ‘auto’ aba’y mauna kayong magbawas ng distansiya sa mga public utility vehicles (PUVs) na sinasakyan ninyo?!

Sa totoo lang, kakatwa talagang mag-isip ang ibang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Digong.

Gaya nitong mungkahi ni Secretary Tugade, imbes magdadag ng PUVs para marami ang makasakay, ang ginawa, iklian daw ang distansiya ng mga pasahero sa PUVs.

Hay naku, Secretary Tugade, hindi ka kalbo, huwag kang magpatawa!

Parang gusto pa ninyong mamigay ng ‘metro’ para may pangsukat ang pasahero, ganoon ba ‘yun Secretary Tugade?

Talaga namang nakapanghihilakbot ang ‘susmaryosep’ ng medical frontliners dahil sa kagila-gilalas na ideya ni Secretary Tugade.

Sabi nga, baka condolencias ang maging katumbas ng mga distansiyang ‘yan? Maawa naman po kayo sa mga frontliners natin.

Mantakin ninyo, ‘yung mga jeepney na gumastos nang halos P3,000 para makasunod sa protocol at makita ng LTFRB na safe ang mga pasahero nila, e biglang puwede naman palang bawas distansiya?

Pero bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin pinapayagan pumasada ang jeepneys?!

At talagang iginigiit ni Secretary Tugade na bawas distansiya at hindi dagdag PUVs ha?!

E ‘di ba paulit-ulit na ipinaalala sa publiko ng health experts na ang social distancing, pagsusuot ng face mask/shield at paghuhugas ng kamay ay malaking tulong para hindi kumalat ang coronavirus.

Ang bawas distansiya o agwat sa commuters ay maliwanag na saliwa sa minimum safety standards na halos anim na buwan nang itinuturo sa publiko o sa lahat ng mamamayan.

Sabi nga ni Navotas Mayor Toby Tiangco, “Trains, air-conditioned buses, planes and other public transit are closed spaces. The risk of infection in these spaces is higher than outdoors. We have been urging our constituents to practice social distancing even at home and in their workplace. Why would we allow them to forego this safety measure when taking public transportation?”

Kung kailan sinasabi ng mga eksperto na nag-uumpisa nang ‘mapatag ang kurba’ ng pandemya, ‘e hayan at naghahanap na naman ng mga rason para tumaas ang bilang ng mga positibo?

Kung minahal na ninyo ang pandemya (dahil sa mga raket ninyo), kaming mga mamamayang labis na apektado, ay hindi!

Pakidagdagan naman ng sustansiya ang mga ideya ninyo… please!

300 KILOMETRONG
‘ILLEGAL WIRING’ NABISTO
NG BAGONG DU

Sa loob ng isang buwang tuloy-tuloy na operasyon laban sa illegal electric connection sa Iloilo City, umabot sa 300 kilometers na illegal wiring o jumper cables ang nadiskubre ng bagong Distribution Utility (DU) na More Electric and Power Corp (More Power).

Ayon sa More Power, kung ilalatag ang kanilang nakompiskang illegal wiring ay nasa 300 kilometers na ito at kung titimbangin ay aabot ng 10 tonelada.

Sa datos, nasa 156 barangays sa kabuuang 180 barangays ang kanilang nagalugad sa isinasagawang Operation Valeria anti-jumper raid, sa loob ng isang buwan at may 5,000 illegal connections na nakakabit sa secondary line ang kanilang natanggal.

At upang masiguro na hindi na muling makapagkakabit ng jumper sa mga lugar na mataas ang rate ng illegal connections, nagtalaga ang More Power ng 500 guwardiya sa iba’t ibang lugar para regular na magbantay.

“We’ve already placed almost 500 guards in areas where power pilferage has been observed to be prevalent,” ayon sa More Power.

Samantala nasa 17 katao na ang sinampahan ng kaso matapos mahuli sa aktong nagkakabit ng jumper cables. Sila ay nahaharap sa mabigat na kaso bukod pa sa itinakda ng korte na P130,000 piyansa.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang ginagawang Oplan Valeria anti-jumper raid ng More Power sa 24 natitirang barangay.

Tiniyak ng More Power na wawakasan ng bagong DU ang illegal power connections sa Iloilo City.

Ayon sa isinagawang pag-aaral, ang halos 30,000 talamak na paggamit ng jumper ang dahilan kung bakit mataas ang insidente ng sunog sa power lines at kung bakit mataas din ang system loss.

Ang nakompiskang jumper cables ay nakatakdang gamitin ng More Power bilang ebidensiya laban sa dating distribution utility na Panay Electric Company (PECO).

“All of these wirings are measured and then labelled to be used as evidence in the investigation and eventual case that would be filed against PECO to prove how prevalent power pilferage has been in the city of Iloilo during their incumbency as its power distribution firm,” dagdag ng More Power.

Bilang resulta ng ginawang crackdown sa illegal power connections, tumaas ang bilang ng mga residenteng nag-apply para sa pagpapakabit ng kanilang sariling electric meter.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected] Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://www.hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top