Friday , September 18 2020
Breaking News
You are here: Home / News / US envoy Sung kim bitbit si Pemberton pag-uwi sa ‘Tate (Mission accomplished)

US envoy Sung kim bitbit si Pemberton pag-uwi sa ‘Tate (Mission accomplished)

WALANG dapat maiwan.

Dalawang makasaysayang pangyayari na nagbibigay katuwiran sa matibay na ugnayan ng Amerika at Filipinas ang magkasunod na paggawad  ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Order of Sikatuna na may ranggong Datu o Gold Cross kay outgoing US Ambassador to the Philippines Sung Kim, at absolute pardon kay convicted killer US serviceman Joseph Scott Pemberton, kamakalawa ng hapon.

Batay sa photo release mula sa Malacañang, nag-farewell courtesy call si Kim kay Pangulong Duterte kahapon o ilang minuto bago inianunsiyo ng Punong Ehekutibo ang absolute pardon kay Pemberton.

Mistulang isinalba ni Kim si Pemberton bilang pagtugon sa obligasyon ng US government sa isa nitong ‘namimighating’ sundalo alinsunod sa isa sa Code of Conduct ng US serviceman —  “To trust the U.S. government to care for your loved ones and work toward your release.”

Ginulantang ni Pangulong Duterte ang buong mundo nang biglang ianunsiyo kamakalawa ng gabi na ginawaran niya ng absolute pardon si Pemberton dahil naniniwala siyang hindi patas ang naging trato sa kanya ng gobyerno.

Si Pemberton ay hinatulang mabilanggo ng 1o taon bunsod ng pagpaslang kay Filipino transgender Jennifer Laude noong 2014.

Mahigit limang taon pa lamang nakapiit si Pemberton sa JUSMAG compound sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.

Kaugnay nito, sinabi ni retired UP Law dean Pacifico Agabin na maaaring maghain ng petisyon sa Korte Suprema laban kay Pangulong Duterte dahil sa umano’y  “grave abuse of discretion” sa paggawad ng absolute pardon sa US serviceman.

Inamin ng abogado ni Pemberton na si Rowena Flores, hindi siya nag-apply ng anomang pardon para sa kanyang kliyente.

“I didn’t really personally apply for any pardon from the President for Pemberton. I didn’t know that any was forthcoming or that anybody filed an application for pardon in his behalf,” aniya sa panayam ng ANC.

Para sa pamilya Laude, labis ang kanilang pagkadesmaya sa naging desisyon ng Pangulo dahil noong 2016 ay nangako siya sa kanila na ipaglalaban ang kaso ni Jennifer. (ROSE NOVENARIO)

KONGRESISTANG TRANSGENDER
UMANGAL SA PAGPAPALAYA
SA SUNDALONG SI PEMBERTON

NAGPAHAYAG ng sama ng loob ang isang kongresista sa pagpapalaya kay Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton na pumatay kay Jennifer Laude noong 2014.

Ayon kay Bataan Rep. Geraldine Roman nasaktan siya sa ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“As a human being with a trans experience, hindi ko maiwasang masaktan sa mga nagaganap sa kaso ng aking trans sister na si Jennifer Laude laban kay Joseph Scott Pemberton,” ani Roman.

Sa liham, sinabi ni Roman ang kanyang pagkadesmaya sa nangyari sa kaso ni Pemberton na nahatulan ng anim hangang 10 taon pagkakabilango.

Halos limang taon pa lamang nakakulong si Pemberton sa air-conditioned na kuwarto sa Camp Aguinaldo.

Pinalaya siya sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).

“Bilang isang Filipino, tinatanong ko ang aking sarili kung bakit kailangang mangyari ito at kung bakit binigyan ng special treatment ang isang banyaga. Marami sa ating mga kababayan ang nagkasala sa batas ngunit hindi naman nabigyan ng parehong pagkakataon. Hindi dapat ganito, do we deserve less?” ani Roman.

 

“Bilang bahagi ng pamahalaan at bilang isang politiko, nauunawaan ko na mayroong mga ganitong negosasyon sa pagitan ng mga bansa ngunit naniniwala ako na dapat panagutan ni Joseph Scott Pemberton ang kanyang krimen sa buong lawak ng batas ng Pilipinas,” dagdag ng transgender na kongresista. (GERRY BALDO)

PAGLAYA NI PEMBERTON
HUDYAT NG PAGPASA
NG ANTI-DESCRIMINATION BILL

NANAWAGAN si Senadora Imee Marcos kay Pangulong Duterte na agad sertipikahan ang pagpasa ng anti-discrimination bill na nakatengga pa sa Kongreso, kasunod ng pagbibigay ng absolute pardon kay US Marine at homicide convict na si Joseph Scott Pemberton.

“Hindi pa rin matatahimik ang mga panawagan kontra sa paglaya ni Pemberton bunsod ng pagpatay sa transgender na si Jennifer Laude hangga’t hind naipapasa ang SOGIE bill (sexual orientation, gender identity and expression) sa Kongreso at malagdaan bilang batas,” ani Marcos.

“Kailangan natin magarantiya na ang mga karahasan sa LGBT+ community at iba pang mga biktima ng diskriminasyon ay hindi na mauulit pa,” dagdag ni Marcos.

Ang bersiyon ni Marcos ng SOGIE bill ang isa sa mga unang panukalang batas na kanyang inihain noong Hulyo 2019 sa kabila ng pagtutol ng religious groups at miyembro ng simbahang Katolika.

“Ang parusa at ilang benepisyo na ipinataw kay Pemberton ay alinsunod sa ating Revised Penal Code na inamyendahan ang probisyon ng good conduct time allowance (GCTA) na nalagdaan bilang batas noong 2013 ni dating Pangulong Benigno Aquino III,” ani Marcos.

“Ang pagpapatupad ng batas ay hindi dapat paimbabawaan ng emosyon, o maging ang panawagan ng hustisya ay ‘wag panaigan ng paghihiganti,” dagdag ni Marcos.

“Matalino ang diskarte ni Pangulong Duterte kung paano babalansehin ang pagsunod sa batas ng Filipinas at maging sa politikal na interes sa mga karatig-bansa sa kabila ng krisis pangkalusugan at ekonomiya bunsod ng pandemyang CoVid-19,” ani Marcos. (CYNTHIA MARTIN)

About Rose Novenario

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top