Friday , August 14 2020
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Mariel, nadiskubreng pinagtsitsismisan siya ng kanilang mga kasambahay
Mariel, nadiskubreng pinagtsitsismisan siya ng kanilang mga kasambahay

Mariel, nadiskubreng pinagtsitsismisan siya ng kanilang mga kasambahay

SA Best Actress Challenge ay ibinuking ni Mariel Rodriguez-Padilla ang ugali niya at kung paano siya makipag-usap sa mga kasama niya sa bahay base sa ipinost niyang video sa Instagram account niya.

 

Nagpalit sila ng papel ng kasama nila sa bahay na si Erns.

 

Ang caption ni Mariel, “Mariel is Erns and Erns is Mariel ha ha ha check out my latest vlog! Link is on my bio!.”

 

Si Erna ay siyam na taong kasama sa bahay at bilang tagaluto. Sa 16 minutes at 37 seconds na ipinost ni Mariel sa kanyang YouTube ay tinatanong niya ang una kung ano ang mga ginagawa niya sa bahay bilang siya si ‘Mam.’

 

Sagot ni Erna, “paggising ni ‘Mam (Mariel) sa umaga, ‘nasaan na ‘yung pagkain ko?’

 

Pagkaklaro ni Mariel, “excuse me Erna bago ‘yan, nagpapakain muna ako (ng anak), nagpa-pump muna ako.”

 

Tawa kami ng tawa habang pinanonood namin ang drama nina Mariel na naka-uniporme pang yaya at si Erna na naka-bathrobe at tumawag sa intercom habang nasa kusina ang una. Sobrang laki ng bahay ng pamilya Padilla kaya kailangan ng intercom.

 

Unang eksena ay tawang-tawa si Mariel sa sarili dahil sa sobrang lusog niya ay pumutok ang suot nitong pantalon at nang makita ng asawang si Robin Padilla ay tawa rin ng tawa.

 

Say ni Mariel, “pinagtatawanan ako ni mam (Erna).”

 

At dahil kakain na sina Erna (Mariel) kasama ang ibang kasama sa bahay ay dito nabuking ni Mariel na marami palang pagkain sa dirty kitchen nila na tila hindi niya nabibisita kaya pati ang sandok na para sa kanin na nasa sosyal na rice cooker ay nagulat siya.

 

“Ang galing ang init niyong kanin, pati sandok ang init! Hindi ko tatanggalin ito para ‘yung susunod na kukuha ng kanin, mapaso rin, ha, ha, ha,” tumawang kuwento ng wifey ni Robin.

 

At doon na rin umupo si Mariel malapit sa mga lutuan at nagsimulang kumain ng nakakamay at galungong ang ulam. In fairness, marunong magkamay ang anak-mayamang asawa ni Binoe, huh.

 

Dito rin napansin ni Mariel na may larawan pala sila ni Isabella (panganay nila ni Robin) na nakadikit sa tiles ng kusina nila.

 

Sabay tanong ni Erna (Mariel) sa isa pang yaya, “pag-usapan natin si Mam, ganito ba kayo kapag nandito kayo sa baba, pinagtsitsismisan ninyo si Mam?”

 

Umamin ang yaya, “kaunti.”

 

At nabuking na si Erna pala habang kumakain ay nakakatulog.

 

Habang naghuhugas ng pinagkainan si Erna (Mariel) ay nag-ring ang intercom at sabi niiya, ‘naku hayan na, si mam, si mam.”

 

Nalaman din na hindi pa tapos magsalita si Mariel ay binababaan na siya ng phone ni Erna.

 

Si Erna lang din pala ang pinagkakatiwalaang maglinis ng kuwarto ni Robin kaya tumatalak siya kapag may ibang naglilinis.

 

“Elsie, dapat ako lang ang naglilinis ng kuwarto ni Sir (Robin), kapag may nawala rito sa kuwarto hindi natin alam kung nasaan, kapag may nawala ako na naman tatanungin ni sir nakikialam ka na naman,” sabi ni Mariel sa isa pang yaya.

 

Sagot ng yaya, “Ate Erna kasama ko si sir, siya nagsabing linisin ko ang kuwarto niya.”

 

At nabuking din na mas inuunang lutuan ng ulam si Robin kaysa kay Mariel.

 

Ang mga plato pala kahit hugas na ay kailangang banlian sa mainit na tubig pa rin para iwas bacteria.

 

Tawang-tawa kami na ang mga kubyertos palang gamit ni Robin ay mas magaganda at parang bago, kay Mariel ang medyo luma na o may gasgas na.

 

Hindi na namin ikukuwento pa ang lahat dahil baka kulangin ang buong entertainment page ng Hataw kaya mas mabuting panoorin na lang ninyo sa Mariel Padilla YouTube channel na umabot na sa kulang 100k views at 654 comments na aliw na aliw sa nangyayari sa loob ng bahay ng mag-asawang Robin at Mariel.

FACT SHEET
ni Reggee Bonoan

About Reggee Bonoan

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top