Friday , August 14 2020
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Jay Altarejos, pang-aktibista na ang mga proyekto
Jay Altarejos, pang-aktibista na ang mga proyekto

Jay Altarejos, pang-aktibista na ang mga proyekto

SUMIKAT siya sa paggawa ng gay-themed movies na gaya ng Ang Lihim ni Antonio, Ang Lalake sa Parola, Ang Lihim ni Juan, at Kasal. 

 

Pero ayaw na ni Direk Jay Altarejos sa mga pelikulang simple lang ang istorya na may kinalaman sa mga bading. Ayaw n’ya ‘yung romantiko lang. Naglalampungan lang. O nangingisay lang sa pagtatalik. Kasi naman alam n’yang sa tunay na buhay ay ‘di naman simple lang ang buhay ng mga bading. ‘Di lang tungkol sa romansa at sex.

 

Sa latest project n’yang  Balangaw 2076 na isang serialized movie online, iba’t ibang klaseng bading ang mga tauhan: may nakadamit babae na make-up artist, may ‘di-halatang bading, may folk singer, may aktibista, may filmmaker, at may mga ang ambisyon talaga na maging artista.

 

May nakahalo pa ngang isang lesbian na nagpasyang magpakababae muna at pumatol sa isang lalaki. Isang araw, malalaman n’yang buntis pala siya.

 

Kasali si Direk Jay mismo sa serye bilang filmmaker na character. Walo lahat ang tauhan sa serye, at nabubuhay sila sa kasalukuyang panahon: ang panahon ng kwarantina ng pandemya at panahon ng nakaninerbiyos na administrasyon ni Pangulong Duterte. 

 

Very realistic ang serye. Magsisimula ‘yon sa announcement na ‘di na makakapag-broadcast ang ABS-CBN dahil nag-expire na ang franchise nito. ‘Yung character na lesbian na buntis ay nagtatrabaho sa ABS-CBN pero ‘di siya regular na empleado. Dahil ‘di siya regular at per project lang ang trabaho, malamang na isa siya sa mga unang masasabihang huwag na munang pumasok.

 

May mga problema sila sa love life nila pero mas malaki ang problema  nila sa kawalan ng reliable na hanapbuhay at sa klase ng pamumuhay sa Duterte administration na nagpasa ng Anti-Terror Law na may probisyon na pwedeng maaresto ang isang tao kahit na walang warrant of arrest. At may curfew sa panahon ng kwarantina at bagong Anti-Terror law. Ilang oras lang pwedeng magtrabaho ang lahat, pwera na lang kung locked in sila sa isang lugar na may matutulugan, makakainan, mapagpapaliguan araw-araw.

 

“Sa ‘Balangaw,’ ‘di lang ang mag-entertain ang hangad namin kundi ilahad din sa madla ang tunay na buhay para mas makapag-isip ang viewers tungkol sa sarili nilang buhay,” pahayag ni Direk Jay sa Ingles sa isang Zoom media conference.

 

Para ipadama sa manonood na tunay na buhay ang ipinakikita sa kanila, ang mga first name sa tunay na buhay ng mga artistang nagsisiganap sa serye ang gamit nila bilang tauhan.

 

Ang mga artista sa Balangaw ay sina Karen Toyoshima, Jal Galang, Tadsky Obach, Rap Robes, CJ Barinaga, Mela Habijan and Mac Mendoza. Pangwalo si Direk Jay. 

 

Actually, noong June 27 pa nagsimula ang serye sa isang website channel na ang pangalan ay 2076Balangaw na nasa www.2076balangaw.com. Si Direk Jay din ang founder ng channel bagama’t may co-producers siya.

 

May iba pang palabas sa 2076Balangaw. Ang mga artista rin ng serye ang sangkot sa mga programa.

 

Ang mga ito ay ang PapaMac ni Mac Mendoza na isang practical advise show na tumatanggap ng tawag sa telepono mula sa mga gustong humingi ng payo. Tuwing Lunes, 9:00 p.m. ang programa.

 

Ang Siklo ay isang psychological thriller series na nagtatampok kina Oliver Aquino at Elora Españo. Mag-sweetheart sila na mahilig sa musika pero parehong may violent tendencies. Tuwing Martes ito ipalalabas, 9:00 p.m..

 

Tuwing Miyerkoles naman, 9:00 p.m., ang itatanghal ay regional films sa programang Bandillo! Pasine! show. Tampok sa programa ang It film critic and educator na si Tito Valiente bilang hosts ng Talkback, kasama ang isang featured filmmaker.

 

Tuwing Huwebes, 9:00 p.m., si Tadsky Obach ay tatalakay ng mga isyu sa nakatatawang paraan pero maaari ring nakalalatay. Satireday ang titulo ng programa.

 

Si CJ Barinaga ay may dance show na #SayawCJ tuwing Biyernes, 9:00 p.m. din. The show features a fusion of modern and traditional beats and dances.

 

Ang Sabado, simula 9:00 a.m. ay para sa mga bata. Ang programa ay  Kwentong MayI. Tampok dito ang basic animation tungkol sa isang pusa na ang pangalan ay MayI. Ikukuwento ni Mayl ang buhay ng mga Pinoy bilang masa.

 

Pagsapit naman ng 9:30 a.m., sina Rap Robes at Karen Toyoshima ay magpapakita ng fitness exerci­ses na magagawa sa loob ng bahay o ng bakuran. Magbabahagi rin sila ngpractical and helpful tips on health and wellness.  Move ang titulo ng show.

 

Si Direk Jay naman ay tuwing Linggo sumasalang mag-isa sa programang 420P: talks.trips.issues. Ang showtime n’ya ay 4:20 p.m..

 

Ang mga co-producer ni Direk Jay sa 2076Balangaw ay sina Edith Fider (Artcore Productions) at Pete Mariano (CreativeTech Productions).

 

Ang Balangaw, ayon kay Direk Jay, ay salitang Bisaya na ang ibig sabihin ay “bahaghari” o “Rainbow” na sagisag ng LGBTQ+ sa buong mundo.

 

Nawa’y sumikat ang 2076Balangaw para malaman ng madlang Pinoy na mga aktibista at militante rin ang mga kasapi sa LGBTQ+.

KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas

 

About Danny Vibas

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top