Friday , August 14 2020
Breaking News
You are here: Home / News / Emotional, mental health ng pangulo apektado ng ‘rubout
Emotional, mental health ng pangulo apektado ng ‘rubout

Emotional, mental health ng pangulo apektado ng ‘rubout

AMINADO ang Palasyo na labis na ikinalungkot ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “rubout” sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu kaya matamlay at tila apektado ang kanyang mental health nang humarap sa mga military sa Zamboanga City noong nakaraang Biyernes.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, hindi isyu ng pisikal na kalusugan ang sanhi ng panlulumo ng Pangulo at panginginig ng boses nang magtalumpati sa Zamboanga City bagkus ito’y “emotional issue.”

Paliwanag ni Roque, parang ama na namatayan ng mga anak dahil nag-away-away ang pakiramdam ng Pangulo sa insidente ng pagpaslang ng siyam na pulis sa apat na sundalo na nagsasagawa ng operasyon laban sa dalawang bombers.

“Matamlay po talaga siya dahil talagang malungkot. Doon ko lang po nakita na talagang napakalungkot ng ating Presidente. Para siyang ama na namatayan ng mga anak dahil nag-away-away. Talagang emotional po siya. At some point, nagka-crack po iyong kaniyang voice at doon ko lang po nakita na talagang he took it very personal, itong nangyari po sa Jolo, at kaya nga po nangako rin siya na bibigyan po ng katarungan,” ani Roque.

Hiniling ng Pangulo sa mga sundalo na magpakahinahon habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa naganap na rubout sa apat na sundalo.

“Iyan po ang kaniyang hiling sa lahat po ng involved, sa ating (ka)sundalo(han), sa ating mga (ka)pulis(an), hayaan muna nating mag-imbestiga ang NBI dahil siya ho mismo ang naging parang pinakaapektado bukod pa po sa mga pamilyang namatayan. So that’s not health-related; it’s more of an emotional issue,” dagdag ni Roque.

Batay sa inisyal na resulta ng awtopsy sa mga labi ng mga biktimang sina Maj. Arvin Indamog, Capt. Irwin Managuelod, at Sgt. Eric Velasco, tatlo hanggang walong bala ang tumama sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Ang isa pang biktima na si Cpl. Abdal Asula ay nailibing na alinsunod sa tradisyong Islam.

Batay sa mga larawang hinango sa CCTV footages sa ‘rubout’ na inilathala sa Inside Military Forum Facebook page, walang naganap na shootout o misencounter bagkus ay pinagbabaril ang mga biktima ng  mga pulis na lulan ng patrol vehicle na bumuntot sa sasakyan nila.

Matapos tadtarin ng bala ang mga biktima ay tumakas ang mga pulis at iniwanan ang mga nakahandusay na bangkay ng apat na sundalo. (ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top