Friday , August 14 2020
Breaking News
You are here: Home / Bulabugin / COVID-19 testing facilities ‘wag gamiting ‘pampapogi’ at ‘salukan’ ng kuwarta (Sa panahon ng krisis at pandemya)
COVID-19 testing facilities ‘wag gamiting ‘pampapogi’ at ‘salukan’ ng kuwarta (Sa panahon ng krisis at pandemya)

COVID-19 testing facilities ‘wag gamiting ‘pampapogi’ at ‘salukan’ ng kuwarta (Sa panahon ng krisis at pandemya)

ISA sa mga business tycoon na nagpapakita ng tunay na suporta sa pamahalaan at malasakit sa mamamayan lalo sa kanyang mga empleyado ay si San Miguel Corp., (SMC) President and CEO Ramon S. Ang

Malaki ang pagsisikap na ipinakikita ni RSA sa panahon na sinasalanta ang buong mundo ng CVOID-19. Isa na riyan ang pagbubunyag na maraming nanloloko sa panahon ng pandemya.

Sa inagurasyon ng COVID testing facility ng San Miguel Foundation sa EDSA, pinuna ni RSA, ang mga taong nagpapagawa ng COVID-19 testing facilities pero kakaunti lang ang mga tine-test dahil sa kakulangan ng mga gamit.

Ibig sabihin, parang masabi lang na may COVID testing facility sila.

“Kailangan natin totoong tumulong, hindi ‘yung bola.”

“Sinasabi nila na ‘yung RITM (Research Institute for Tropical Medicine), ang rated capacity ay 10,000 per day ang nai-process kahapon ay 70 percent. Kahanga-hanga ‘yun. ‘Yung iba naman, rated capacity, kung 5,000 ang nai-process 2 percent lang,” sabi ni RSA.

“Lahat sila kumikita sa gobyerno, lahat sila kumikita sa bayan pero puro pakitang-tao… ‘Yung swab booth, P1,000 isa no’n. E kung bibili ka ng 250,000 na swab kits, P250 million (pesos) ‘yun. ‘Yung swab (booth), pakitang-tao lang ‘yun. Kailangan natin consumables. Kailangan natin swab kits. Kailangan natin totoong tumulong, hindi ‘yung bola,” diin ni Ang.

Ang pinakamalungkot sa sinabi ni RSA, ‘e ‘yung “marami ang kumikita dahil sa pandemya, habang ang iba naman ay ginagamit ang health crisis para pabanguhin ang kanilang mga pangalan.”

Huwag na po tayong lumayo, malamang diyan lang sa paligid-ligid ninyo ay marami niyan. Ginamit ang pandemya para kumita at magkamal. Walang patawad, bukod sa kuwarta, may “in-kind donations” pa.

Ginagamit ang pangalan ng mga taong kapos, lilikom ng malaking halaga at trak-trak na ayuda, pero barya-barya at pakilo-kilong bigas lang ang ipinamamahagi. At malaking porsiyento ay pinaghahati-hatian ng mga magkakasabwat.

Mga hidhid! Tamaan sana kayo ng kulugo sa mga singit ninyo! Hindi po biro ‘yan.

Kaya naman hinihikayat ni Mr. Ang, ang media na bigyan ng malaking coverage ang mga testing center upang lumutang ang mga ‘indibidwal’ na pera lamang ang habol.

Ito rin daw ang magiging daan upang maibunyag sa publiko kung bakit ayaw ng mga Filipino sa mga ganitong testing center dahil sa sobrang mahal ng singil.

“Kailangan imulat n’yo ‘yan sa taong-bayan. Who are the performers and who are not? Para mahiya silang lahat at mag-step up. So mga kababayan, sana po lahat tayo tumulong para matulungan ang mahihirap,” giit ni RSA.

Naniniwala si Mr. Ang, walang rason para pagdamutan ang mga Pinoy, mahirap man o mayaman para sa polymerase chain reaction (PCR) diagnostic test.

Nabatid natin na sa COVID-19 facility ng San Miguel Foundation, nagkakahalaga ang testing ng P2,500 at makikita agad ang resulta sa loob ng 24 oras.

Matatandaan na noong nakaraang buwan ng Mayo, sinabi ni Mr. Ang na nagpapagawa ang SMC ng sariling COVID-19 testing laboratory para sa kanilang 70,000 employees at iba pang ‘extended workers.’

Target nilang makapagproseso ng 4,000 tests kada araw. Pero kung kinakailangan umano ay puwede nilang palawakin ito sa 12,000 tests araw-araw.

Pero hindi lang ang sariling kompanya ang iniisip ni Mr. Ang. Kamakailan ay nagbigay ng donasyon ang SMC sa public and private health facilities ng reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) machines ganoon din ng “sets of high-flow machines” para sa COVID-19 patients na nasa malalang kondisyon.

Bukod diyan, nagkaloob din ang SMC ng testing booths at test kits sa 17 local governments sa Metro Manila.

Hindi lang ‘yan, muling binigyang-diin ni Mr. Ang ang commitment ng SMC na ipagpapatuloy ang tulong sa gobyerno, sa medical frontliners, local government units, at sa mahihirap na komunidad sa buong panahon ng krisis.

At kamakailan nga ay nagkaloob sila ng karagdagang tatlong set ng RT-PCR testing machines at RNA machines sa malalaking government hospitals. Hindi pa kasama riyan ang 5 sets ng katulad na machines na ipinagkaloob sa Department of Health (DOH) with testing kits para sa 20,000 tests.

Nais din isulong ni Mr. Ang adbokasiya para sa accessible testing, partikular, ang free testing para sa lower-income families, at affordable testing para sa lahat, kabilang ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) na kailangan mag-test ng kanilang mga empleyado.

Alam ba ninyong dahil sa walang kapagurang pag-aksiyon ni RSA — ang namumuno sa SMC na kinabibilangan ng San Miguel Food and Beverage Inc. (San Miguel Foods Inc., San Miguel Brewery Inc., at Ginebra San Miguel Inc., Petron Corp., SMC Global Power Holdings Inc., at SMC Infrastructure) ay umabot na sa P13.08 bilyon (hanggang noong Mayo) ang iniulat na group-wide COVID-19 response ng kanilang kompanya?!

Kabilang sa response package na ito ang P500-milyong budget para sa medical equipment and supplies; P487 milyon ginastos para sa food donations kasama ang kanilang mga produkto at bigas; P91.8-milyong libreng disinfecting alcohol; P15.37-milyong disinfecting powder, P11-milyong free toll fee para sa medical frontliners sa kanilang expressways; at P5.8-milyong libreng gasoline sa programang “Libreng Sakay” ng medical workers, at iba pa.

Nagbayad din ang SMC conglomerate ng P8.77-bilyong buwis at concession fees para tiyakin na may pondo ang gobyerno, bukod pa sa P3.09 bilyong buong suweldo ng kanilang mga empleyado, at bayad sa third-party providers, kasabay ng P100 milyong personal donation ng Ang family para sa COVID-19 initiatives.

        Nakaka-wow talaga!

        Kung lahat ng negosyanteng gaya ni Mr. Ang ay gagawa ng ganyan kalaking tulong sa ating bansa, aba palagay natin ay kayang-kaya nating lupigin ang COVID-19.

        At tama ang sinabi ni RSA, palutangin ang mga indibiduwal na walang ginawa kundi pagkitaan pandemya gamit ang pondo ng bansa para sa mga mamamayang taxpayer at sa mga kababayan nating higit na nangangailangan.

        Sisingilin din kayo ng panahon — mga walang pakundangan — pati kuwarta para sa pandemya ibinulsa!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected] Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://www.hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

       

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top