Tuesday , August 11 2020
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Andre Paras, nag-ala Bruce Willis
Andre Paras, nag-ala Bruce Willis

Andre Paras, nag-ala Bruce Willis

MUKHANG maa-achieve ni Andre Paras, anak ng aktor at basketbolistang si Benjie Paras, ang nagawa ng global movie idol na si Bruce Willis: pagsamahin ang dalawa niyang pamilya sa iisang bubong kahit sa mga espesyal na okasyon man lang.
Pero kung magagawa ‘yon ni Andre, 24, sa darating na panahon, maa-accomplish n’ya ‘yon bilang anak ni Benjie na siyang may dalawang pamilya. Anak ng dating basketbolista si Andre sa una n’yang asawang si Jackie Forster, dating aktres.
Ang nagawa ni Bruce ay pagsamahin sa iisang bahay ang dati n’yang misis na si Demi Moore (at tatlo nilang anak) at ang ilang taon na ring pangalawang misis at dalawa nilang anak. Ang pagsasamang ‘yon ay dahil sa kwarantinang dulot ng pandemic na Covid-19. Sa bahay mismo ng dati n’yang asawa sa Ohio, USA naganap ang pagsasama-sama. Wala pang ulat na bumalik na sa Los Angeles si Bruce kasama ang pangalawang pamilya.
Ilang linggo lang ang nakalipas ay nakipag-bonding si Andre at ang nakababatang kapatid na si Kobe Paras, sa kanilang ina at sa tatlo nitong anak sa pangalawang asawa na isang Amerikano.
Galak na galak si Jackie na for the first time ay napagsama n’ya ang lahat ng mga anak n’ya kaya’t kinunan pa n’ya ng litrato silang lahat para mai-post sa Instagram ang masayang pagsasama ng mga anak n’ya.
Pareho namang malapit na ang magkapatid na Paras sa ina nilang maraming taon ding nanirahan sa Amerika. Noong higit na mas bata pa, ang magkapatid ay naging mailap sila sa kanilang ina ‘pag bumibisita ito sa Pilipinas.
Kay Andre nakatuon ang atensiyon ng madla ngayon dahil sa parang biglang-biglang pagpapahayag n’ya sa publiko ng pagmamahal sa stepmother nila ni Kobe na si Lyxen Diomampo. Ginawa n’ya ang pagpapahayag sa Instagram n’ya bilang pagbati sa stepmom n’ya na nagdiriwang ng kaarawan. Kahapon (Moyerkoles) lang ng 3:00 a.m. lumabas ang Instagram post ni Andre.
May mahabang caption ang ipinaskil na litrato ni Andre na yakap n’ya nang mahigpit  ang stepmother n’ya.
Punumpuno ng paghanga at pagmamahal sa stepmother n’ya ang mensahe ni Andre.
Proklama ni Andre: “I want to thank you for being there for me and taking care of me all these years. I’m thankful that we were able to live a private and simple life.”
Ayon kay Andre, may mga tao na ‘di mabuti ang turing sa stepmom nila ni Kobe kahit na wala naman silang basehan.
“I hate how people think they know you and say hurtful and mean things. It makes you wonder how in the world people come up with these negative things yet we live a private life.” 
Pangangatwiran n’ya pa para sa kanilang madrasta: “If you were a bad person who raised me shouldn’t I also have a bad reputation and a bad life?” 
Tahasan n’yang pagtanggi sa paratang na iyon: “No, that’s because you and dad raised me the way a child should be raised.”
Ipinagtapat din ng Descendants of The Sun actor na sa sobrang pagmamahal niya kina Lyxen at Benjie ay ayaw pa niyang umalis sa poder ng mga ito kahit na pinapayagan naman nila siya na gawin ito.
I’m 24 and you and dad support me in moving out but I still choose to live under your roof because I don’t want to miss waking up to an amazing family.”
May tatlong kapatid sa ama si Andre. Mukhang ang nakababata n’yang kapatid na si Kobe ang hiwalay na ng tirahan. Sanay na ito siguro sa pagiging independent dahil halos may ilang taon itong nanatili sa Amerika noong sinusubukan n’yang mapabilang sa isang university varsity team doon.
Dahil si Kobe ang namumuhay nang solo, siya ang madalas makasama ni Jackie rito sa Pilipinas mula pa noong 2018, nang magsimulang manirahan dito ang dating aktres at ang pangalawa n’yang pamilya.
Si Kobe ang unang nagbukas ng komunikasyon sa kanilang ina noong nasa US pa siya. Maaaring si Kobe ang kumumbinse kay Andre na makipagkita na sila sa kanilang biological mother.
Dagdag na mensahe ni Andre para kay Lyxen, “No matter what people say against you, I’m still here to back you up and protect you.
 
“I love you and thank you for being my mom.”
Mula noong Abril 2018 nagsimulang makipag-usap ang magkapatid sa ina nilang si Jackie, wala namang napabalitang pagtutol ng mag-asawang Benjie at Lyxen sa ginagawang pakikipagkasundo ng magkapatid sa biological mother nila.
Wala ring napapabalitang angal ng pangalawang mister ni Jackie (na si Michael Franken) sa pakikipagkita nito sa mga una nitong anak.
Kung walang mapapabalitang pagdaramdam si Jackie sa pagbabando ni Andre sa pagmamahal n’ya sa stepmother n’ya, ‘di malayo ang posibilidad na magsama-sama ang dalawang pamilya sa ilalim ng  iisang bubong isang araw sa isang espesyal na okasyon.
Halos lahat ng tao ay dumanas ng pagkakahiwalay sa ilang mga mahal nila sa buhay dahil sa pandemya. Alam na nating lahat ngayon na kailangang samantalahin ang mga okasyon o ‘di-sinasadyang pagkakataon na nakapagsama-sama nang malapitan lalo na sa panahong ‘di na tayo kailangang magtakip ng mga bibig at ilong ‘pag magkikita ng harapan.
Sana ay magawa ‘yon ni Andre sa dalawa n’yang pamilya.
KITANG-KITA KO!
ni Danny Vibas

About Danny Vibas

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top