Tuesday , July 14 2020
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Osang, sanlaksa ang project kahit patuloy na lumolobo
Osang, sanlaksa ang project kahit patuloy na lumolobo

Osang, sanlaksa ang project kahit patuloy na lumolobo

KAARAWAN nitong Mayo 24 ni Rosanna Roces at ang birthday wish niya ay tulad din ng iwini-wish ng lahat, “Matapos na ang pandemic para bumalik na sa normal mga buhay natin at siyempre, ibalik na ang ABS-CBN sa ere.”

Naka-chat namin si Rosanna noon mismong araw ng kaarawan niya at ang dami-dami niyang handa tulad ng niluto niyang hipon na may kasamang alimango at ‘yung iba ay padala sa kanya pati cake.

Sa edad na 48, wala ng mahihiling pa sa Panginoong Diyos ang aktres kundi pawang pagpapasalamat dahil healthy ang buong pamilya niya, maayos ang buhay ng mga anak niya kasama ang mga apo at higit sa lahat, muli siyang nabigyan ng pagkakataon sa kanyang showbiz career.

Masayang kuwento ni Hazel (tawag namin kay Osang), “sana matapos na itong pandemic kasi ang dami kong naka-line up, sobrang daming blessings ni Lord sa akin kaya paano ka magrereklamo kahit may pandemic?

“Sa June may sisimulan ako, sana matuloy, lock-in kami kasi ito na ang rules and regulations ngayon walang uwian ang lahat para siguradong safe, kami-kami lang magkakasama. Kasi ‘pag may umuwi nga naman, hindi mo alam pagbalik, ‘di ba?

“Lagi akong nagpapasalamat Reggee sa lahat ng dumarating sa akin.”

Ayaw pa banggitin ni Rosanna kung anong movie project, kung sino ang direktor at movie outfit pero sinigurado niya sa amin na maganda dahil nag-background check siya sa direktor at magaganda at kumita ang lahat ng naging movie projects nito.

“At saka ko na sasabihin kung ano, wala pa akong go signal, eh, baka ma-award ako, ha, ha, ha,” sabi ng aktres.

Ipinadala sa amin ni Osang ang screen shot ng pagbati sa kanya ng unang apong si Gab Revilla, anak ng panganay niyang si Grace kay Cavite Vice Governor Jolo Revilla.

Ang mensahe ni Gab na may larawan ng cake, “birthday mo pala Lola, joke lang! Happy birthday lola, I love You!  Ingat ka po d’yan after nito, visit kita d’yan, promise.”

Ang sumunod na bumati ay ang ikalawang apo niyang si Leone, anak naman ng bunso niyang si Onyok“happy birthday lola (heart emoji), love you po. Papadalhan kita ng cake.”

At ang ikatlong apo na si Maha na anak din ni Grace sa bago nitong partner ay, “happy birthday to the best lola in the world, I love you po. (puro heart emoji).”

Sabi namin, ang sweet ng mga apo niya kaya lang bakit lola ang tawag kay Osang nakakatanda, hindi man lang mommy lola, mama lola, granny.

“Lola gusto ko, musika ‘yan sa tenga ko,” katwiran ng aktres.

At ang paglalarawan ni Osang sa tatlong apong sina Gab, Leone, at Maha, “Lahat sila malalambing, pero si Gab sobra, akala yata niya baby pa siya laging nakahalik at nakatabi sa akin. Laging nakasiksik, ang laki-laking bata,” kuwento ni Rosanna.

Oo nga, ini-imagine namin na almost 6 feet tall na si Gab tapos parang baby nga sa kanyang lola.

At ang ipinagmamalaki pa ng proud lola ay pawang matatalino ang mga apo niya na lahat ay sa private school pinag-aaral ng mga magulang nila maliban kay Maha na siya ang nagpapa-aral.

“Sobrang nagpapasalamat talaga ako sa Diyos, Reggee kasi si Gab sa magandang school pinag-aaral ng daddy niya, si Leone sa private school, tapos itong bunsong si Maha, ako nagpapa-aral kasi gusto ko kung ano ‘yung hindi ko natapos (pag-aaral), gusto ko makatapos siya,” kuwento pa ni Osang.

Maganda at kamukha niya noong bata si Maha kaya naman sa all girls niya ito ipapasok sa high school, naghahanap siya ng malapit lang sa kanila.

Wala ring mahihiling sa lovelife niya ang aktres dahil payapa ang buhay niya kay Blessy na nagsisilbing manager din niya.

Biro namin kay Hazel na tumino talaga siya dahil hindi na siya maingay ngayon tulad dati na kung ano-ano pinagsasabi.

“Wala tahimik na ako, basher din ako rati, ‘di ba? Iwas basher na ako dami na kasing nega, ayaw ko na makadagdag,” sabi pa.

At ang payo namin ay sana magpapayat siya para pagbalik niya sa screen ay payat na siya.

“Hayaan mo na, nag-e-enjoy akong kumain!” katwiran ng aktres.

At talagang hindi nga papayat si Rosanna dahil walang ginawa kundi magluto ng masasarap bukod pa sa mga padalang pagkain sa kanya.

 

FACT SHEET
ni Reggee Bonoan

About Reggee Bonoan

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top