Tuesday , March 31 2020
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Mr. Pogi Oscar San Juan, mag-aala Jericho at Coco
Mr. Pogi Oscar San Juan, mag-aala Jericho at Coco

Mr. Pogi Oscar San Juan, mag-aala Jericho at Coco

MALAKI ang potensiyal na magkaroon ng career sa showbiz ang bagong itinaghal na Mr. Pogi ng Eat Bulaga, si Oscar San Juan ng San Pedro Laguna. Bukod kasi sa hitsura magaling ding kumanta at sumayaw ang 20 taong gulang kaya naging advantage niya ito sa naturang patimpalak.

Nakaaarte naman si Oscar pero aminadong kailangan pang pagbutihin. At para umangat ang galing sa pag-arte, nanonood siya ng mga pelikulang makadaragdag sa kanyang acting skills bukod pa sa pagsa-ilalim sa mga acting workshop.

Sa ngayon wala pang masyadong ginagawa si Oscar dahil hinihintay pa niya ang pagsabak sa bagong segment ng Eat Bulaga na lahat ng mga nanalo sa iba’t ibang segment ng noontime show ay maglalaban-laban. Ito ‘yung Tatak Eat Bulaga Grand Showdown na sisimulan anytime.

Bukod dito, kasama rin si Oscar sa Prizes All The Way ng Eat Bulaga na sila ang pumupunta sa mga bara-barangay.

Naikuwento ni Oscar na may mga pagbabago na sa kanyang buhay simula nang manalo bilang Mr. Pogi. Nariyan ang mga offer sa mga show na kumakanta-kanta siya sa mga probinsiya. “Mas naso-showcase ko na po ang pagkanta ko kasi ang dami na ring naghihintay na show lalo na ‘yung mga fiesta sa ibang lugar, iniimbitahan nila ako para kumanta o nanghaharana sa mga candidate,” ani Oscar.

Sa Tatak Eat Bulaga Grand Showdown, makakalaban ni Oscar ang iba pang mga nagwagi sa ibang segment ng noontime show. Ilan dito ay sina CJ Keith Longcanaya ng Little Miss Philippines, Buboy Villar ng Bebot, Riza Demate ng Maid in the Philippines, 80’s Kidz ng EB 80’s Dance Hits, Joshua Mapalad ng Feeling Pogi, Dwayne Nazarene Santos ng That’s My Boy, John Paul Serrano Gorens ng You’re My Foreignoy, D’ Parcon Duo ng Kiddie Ballroom, Jonas Marabe ng Macho Men, Regina Delos Santos ng Birit Queen, at d Arellano Chiefsquad ng EB 90’s Dance Contest.

Hindi naman itinanggi ni Oscar na gusto niyang mag-artista. “Kung mabibigyan po ng pagkakataon bakit hindi po. Kung ano ang plan ni God, ipu-pursue ko po.”

Nang tanungin namin kung sino ang gusto niyang makapareha sakaling mabigyang pagkakataon makapag-artista, sagot ng binata, “Sa ngayon po wala pa, pero ang gusto po makilala sa pagkanta. Kung magiging magaling din po sana sa acting din po.

“Gusto ko sana sa comedy if ever kasi palatawa ako at laging masaya,” sambit pa ni Oscar.

Si Liza Soberano naman ang showbiz crush niya dahil, “kakaiba ang ganda niya at saka maganda talaga siya,  ha ha ha.”

Abala ngayon si Oscar sa pagpapaganda ng katawan. “Madalas po ako ngayon sa gym. Inaayos ko po ang katawan ko para hindi masabi na porke’t Mr. Pogi lie-low na. Sa akin, ina-achive ko pa na mag-upgrade para mas tumaas pa ang confidence ko.

“Kapag healthy ka kasi, feeling mo maganda ang katawan, nagbu-boost ang self-confidence mo na gagawa ka pa ng magandang bagay.”

Iginiit naman ni Oscar na wala siyang insecurities sa kanyang hitsura kaya wala siyang planong ipabago ang anuman sa mukha niya.

Idolo niya sa mga naging Mr. Pogi si Jericho Rosales dahil, “Noong sumali po kasi ako sa Mr. Pogi, sinasabi kong ‘si Jericho Rosales ng San Pedro Laguna.’ Kasi po galing din siya sa kahirapan na biglang naging maganda ang buhay. Nag-push din siya ng mabuti para magkaroon ng magandang career at buhay.

“Hinangaan siya at talagang nag-work hard para marating ang anumang mayroon siya ngayon. Parang nagiging modelo ko siya sa mga naging laban niya noon na ang payat-payat din niya, tapos moreno. Parang nasabi ko po sa sarili ko, ‘kung si Jericho Rosales nga nakaya ako pa kaya?!’”

Okey din sa batang taga-Laguna na sumabak sa pagpapa-sexy kung iyon ang magiging daan niya para makilala. “Opo, puwede naman kung kailangan. Kung si Coco Martin nga po ‘di ba sa ganoon nag-umpisa. Kung ‘yun ang opportunity para makaangat okey lang po,” ani Carlo.

Hindi naman itinanggi ni Oscar na naisip na niyang posibleng pumasok siya sa pagpapa-sexy kaya pinagaganda rin niya ang kanyang katawan. Katunayan, may apat na pandesal na siya ngayon. Maganda rin talaga ang katawan ni Oscar dahil volleyball player siya sa kanilang unibersidad.

“Varsity player din po ako kaya batak din ang katawan ko. Lagi pong pinagpapawisan kaya ganito siguro ang katawan ko,” ani Oscar.

Natatawa namang umamin si Oscar na puwede niyang ipakita ang kanyang puwet kung kailangan. “Siguro naman kaya kong ipakita,” sambit pa ni Oscar.

SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio

About Maricris Valdez Nicasio

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top