Saturday , April 20 2024

N95 mask overpriced

PINAGPAPALIWANAG ng Bureau of Permits ng Manila City Hall ang ilang pharmacy at tindahan ng medical supplies kaugnay sa big­laang pagsipa ng presyo ng facemask partikular ang N95 mask.

Ilang mga reklamo ang natanggap ni Acting Manila City Mayor Honey Lacuna-Pangan kaugnay sa ilang negosyante na sinasamantala ang pagkakataon kaya itinaas ang presyo ng face masks.

Sa ilang mga resibong ipinadala sa MPIO viber group, nagkakahalaga ng P2550 ang isang box ng N95 masks mula sa Chocolate and Kisses medical supply sa Sta. Cruz, Maynila.

Habang ang MEC Medical Supply na matatagpuan din sa Sta. Cruz, Maynila ay pumapatak na P100 ang bawat piraso ng N95.

Kung tutuusin, doble o triple ito kompara sa orihinal nitong presyo kaya naman ilang mga mamimili ang napapa­mura dahil sa sobrang itinaas ng presyo ng kahit anong klase ng face mask.

Una nang nanawagan si Lacuna-Pangan sa mga negosyante na huwag samantalahin ang pag­bagsak ng titis dulot ng pagsabog ng bulkang Taal dahil kawawa aniya ang ilang mamamayan na hindi kayang bumili sa mataas na presyo.

P2.5 milyong financial assistance ang ipagka­kaloob ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa nasalanta ng bulkang Taal

Samantala, inatasan ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang lahat ng departamento ng lokal na pamahalaang lungsod na maging alerto at handa sa pagbibigay ng serbisyo sa mga nanga­ngailangang Manileño kaugnay ng pagsabog ng bulkang Taal na mata­tagpuan sa lalawigan ng Batangas makaraang umabot sa Maynila ang pagbagsak ng titis o abo na nagmula sa nabanggit na bulkan.

Nagsagawa ng special session ang Sang­guniang Panlungsod ng Maynila kahapon para maghain ng panukala na magbibigay ang pama­halaang lungsod ng P2.5 milyong financial assistance sa unang limang munisipalidad na lubhang nasalanta at naapektohan ng naganap na pagsabog ng bulkang Taal.

Ibig sabihin umano, sa bawat lungsod na naa­pek­tohan ay makata­tanggap ng P500,000 na tulong pinansiyal mula sa lungsod ng Maynila.

Bukod dito, inutusan ni Mayor Isko ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa pamu­muno ni Director Arnel Angeles na magtungo sa lugar na lubhang nasa­lanta ng pagsabog ng bulkang Taal upang maghatid ng tulong lalo sa mga nais lumikas.

Inatasan din ng alkalde si Manila Social Welfare and Development Director Re Fugoso na sagipin ang lahat ng homeless sa lungsod ng Maynila at dalhin sa kani­lang evacuation centers sa Delpan dahil sila ang mga unang maaapektohan ng pagbagsak ng titis ng bulkan.

Iniutos din ni Doma­goso na pakainin, pali­guan at bigyan ng tubig na maiinom.

Maging ang pamu­nuan ng Manila Health Department na pinamu­munuan ng Dr. Poks Pangan, inatasan din ni Mayor Isko na maglaan ng mga face mask at ipa­migay sa mga Manileño lalo sa mga bata at senior citizens upang maka­tulong sa kanila na hindi makalanghap ng abo na maaaring magdulot sa kanila ng “respiratory diseases.”

Kaugnay nito, idine­klara kahapon ni Isko, walang pasok sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong eskuwelahan sa Maynila gayondin ang mga empleyado ng lokal na pamahalaang lungsod ngunit ang mga depar­tamentong may ka­ugnayan sa kaayusan, kaligtasan at kalusugan ay nananatiling naka­alerto at tuloy ang ser­bisyo publiko lalo nga­yong panahon ng kalamidad.

Samantala, nagbabala si Vice Mayor Honey Lacu­na sa mga nego­syanteng nananamantala sa mga mamimili ng face masks makaraang maka­tanggap sila ng impor­masyon na nagsitaasan ang presyo ng N95 Masks sa iba’t ibang pamilihan sa Maynila mula P25 hanggang P30 ay pumalo na umano ito sa P200 kada piraso ng N95 Mask.

Inatasan ni Lacuna-Pangan ang Manila Bureau of Permits at Manila Licenses Office na magsagawa ng ins­pek­siyon sa mga negosyong nagbebenta ng N95 Mask.

HATAW News Team

Digong hindi tumuloy sa Leyte
NEGOSYANTENG
OVERPRICED SA N95
FACE MASK MANANAGOT
SA BATAS

IPINAGPALIBAN ni Pangulong Rodrigo Duter­te ang pagbisita sa Leyte ngayon dahil sa pagsabog ng Taal volcano sa Batangas.

Nakatakdang pangu­nahan ng Pangulo ang pamamahagi ng mga benepisyo para sa rebel returnees sa San Isidro, Leyte ngayong hapon.

Nagsagawa ng aerial inspection kahapon ng umaga si Pangulong Duterte upang malaman ang lawak ng pinsala nang pagsabog ng bulkan.

Ang eroplanong sinak­yan nina Pangulong Duterte at Sen. Chris­topher “Bong” Go mula sa Davao City ang unang lumapag sa NAIA mula nang kanselahin ang lahat ng domestic at inter­national flights noong Linggo ng hapon bunsod nang pagputok ng bul­kang Taal na nagdulot ng pagbagsak ng titis sa Batangas, Laguna, Cavi­te, Quezon, Rizal, Metro Manila, at Bulacan.

Nagbabala ang Pala­syo sa mga negosyanteng magsasamantala sa sitwasyon na paruru­sahan at

inaatasan ang Depart­­­ment of Health na mamahagi ng face masks sa mga residenteng apek­tado ng ash fall.

(ROSE NOVENARIO)

MMDA NAGSUGO
NG CONTINGENT PARA
SA BATANGAS

NAGPADALA  ng 30-kataong contingent ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang tugon sa panawagan ng pama­halaang panlalawigan ng Batangas na magbigay ng agarang responde at tulong sa mga residenteng apektado ng pagputok ng bulkang Taal.

“Kasunod ng direk­tiba ni MMDA chairman Danilo Lim at general manager Jojo Garcia, nagpadala tayo ng team na binubuo ng 30 rescue and relief personnel para tumulong sa mala­wakang paglikas ng mga apektadong residente,” pahayag ni Michael Salalima, pinuno ng MMDA Public Safety Office at focal person ng Disaster Risk Reduction and Management.

Nagpadala rin ang MMDA ng tatlong military trucks,  tatlong ambulansiya, dalawang fire trucks, 10 portable water purifiers, self-contained breathing apparatus, compressors at refiller.

Simula noong Linggo ay nakikipag-ugnayan na ang MMDA sa Batangas at Cavite PDRRMO para sa mga kinakailangan kaugnay sa pag-alboroto ng Bulkang Taal.

Inaasahang darating ng Talisay sa Batangas ang team ng MMDA dakong 10:00 am.

(JAJA GARCIA)

 

SPD FULL ALERT

NASA full alert status ang Southern Police District (SPD) kaugnay pa rin sa pagputok at pag-aalboroto ng bulkang Taal sa lala­wigan ng Batangas, ito ang inihayag ni SDP district director, P/BGen, Nolasco Bathan.

Sa pahayag ni B/Gen. Bathan, kaugnay ng IMPLAN “SAKLOLO 2014” (policing during disaster), ipinag-utos niya ang activation ng Reactionary Standby Support Force (RSSF) at ng Disaster Incident Management Task Group (DITMG) sa lahat ng tauhan ng SPD para sa mga posibleng deploy­ment dahil ang SPD ang pinakamalapit na distrito mula sa mga apektadong lugar ng pagputok ng nasabing bulkan.

Pinaalalahanan din ng SPD director ang lahat ng nasasakupang pulis na gawin ang lahat ng safety measures o ibayong pag-iingat sa pagkakalantad mula sa mga titis na ibinubuga ng bulkang Taal. (JAJA GARCIA)

About hataw tabloid

Check Also

Bong Revilla, Jr

Revilla tuloy ang serbisyo-publiko sa kabila ng aksidente

“SALAMAT sa mga nag-aalala kung ano ang nangyari sa akin, pero nasa mabuti na akong …

Lobo Batangas

Sa Batangas 
PAGLAGANAP NG ILEGAL NA SUGAL SA LOBO IKINABAHALA NG BUSINESSMEN

LUBOS na nababahala ang grupo ng mga negosyanteng kinabibilangan ni Efren Ramirez sa isyu ng …

Bong Revilla Jr Maynilad sinkhole

Maynilad panagutin sa sinkhole — Revilla

“DAPAT managot ang Maynilad at kanilang mga kontraktor.”                Ito ang ipinahayag ni Sen. Ramon …

BUCAA Bulacan Daniel Fernando

Sa Liga ng Palarong Basketball ng BUCAA  
MAGLARO NANG MAY PUSO — GOV. DANIEL FERNANDO

“MAGLARO kayo nang may puso. Ipakita ninyo ang pagmamahal ninyo sa sports. Tandaan ninyo, ang …

shabu drug arrest

Sa Caloocan
PINTOR HULI SA P.1-M SHABU

IMBES pagpipinta ng bahay, pumasok sa ‘drug trade’ ang isang house painter pero ‘minalas’ na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *