Monday , December 9 2019
Breaking News
You are here: Home / Bulabugin / House Speaker Alan Cayetano hinarap si Sen. Franklin Drilon sa plenary session ng Senado (Una sa kasaysayan ng Kongreso)
House Speaker Alan Cayetano hinarap si Sen. Franklin Drilon sa plenary session ng Senado (Una sa kasaysayan ng Kongreso)

House Speaker Alan Cayetano hinarap si Sen. Franklin Drilon sa plenary session ng Senado (Una sa kasaysayan ng Kongreso)

IBA ang tapang na ipinakita ni House Speaker Alan Peter Cayetano nitong Lunes, nang humarap mismo at nagsalita sa plenary session ng Senado. Maituturing ito na kauna-unahang naganap sa kasaysayan ng Kongreso. 

Isinantabi ni Speaker Alan Peter Cayetano ang lahat ng klaseng protocol at inter-parliamentary courtesy para siya na mismo ang magpaliwanag sa mga isyung inungkat ni Senate Minority Leader Franklin Drilon  laban sa mga paghahandang ginawa ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) para sa pagho-host ng Filipinas ng 30th SEA Games simula 30 Nobyembre. Si Cayetano ang tinalaga ni Pangulong Duterte bilang chairman ng PHISGOC. 

Puwede namang gawing excuse ni Cayetano ang legislative protocol at inter-parliamentary courtesy para hindi humarap sa Senado. Pero minabuti niyang pumunta sa plenary session ng Senado dahil ‘ika nga niya, ayaw niyang magkaroon ng agam-agam at ma-demoralize ang ating mga atleta at ang mga tumulong para sa paghahanda sa SEA Games.

Kailangang maituwid ang lahat ng isyu na inungkat ni Drilon at maipakita sa publiko na walang dapat ikabahala sa ginawang paggastos ng pondo para sa SEA Games. Lahat ng tanong na ibinato ni Drilon sa kanya ay nasagot nang malinaw at maayos ni Cayetano.

‘Yung tungkol naman sa sinasabi ni Drilon na mamahaling ‘kaldero’ raw para sa SEA Games ay hindi na niya halos inungkat sa kanyang pagtatanong, 

Kung gastos rin lang ang pag-uusapan, hindi naman itinatanggi ni Cayetano na magastos talaga ang magsagawa ng SEA Games. Unang-una, ang gagawing SEA Games sa ating bansa ang pinaka­malaki sa kasaysayan ng palarong ito. Marami ang kailangang lugar na pagdadausan ng sports competitions.

Pero kahit mas maliit pa sa badyet ng Singapore na P15 bilyon noong 2015 ang badyet ng Filipinas para SEA Games ngayong taon, nakapaghanda tayo ng maayos at world-class na facilities tulad ng mga naka-ready nang facilities sa New Clark City. 

Kung matatandaan, P7.5 bilyon ang badyet na hiniling para sa SEA Games, pero tinapyasan ito ng P2.5 bilyon ng Senado dahil sa udyok ni Drilon. Nadagdagan lang ito ng P1 bilyon pa dahil sumaklolo ang Office of the President at bukod diyan ay nangalap ng mga sponsor ang PHISGOC para masalo ang iba pang gastusin. 

‘Yung kaldero namang sinasabi ni Drilon na nagkakahalaga raw ng P50 milyon ay P45 milyon ang tunay na halaga, at gawa ng ating National Artist for Architecture na si Bobby Mañosa.

Simbolo ito ng SEA Games at hindi lamang basta ‘kaldero.’ Itinuturing itong work of art ng isa sa ating mga national artist kaya’t mahalagang bahagi ito ng ating kultura at kasaysayan. Kung tutuusin ay priceless o hind mapapantayan ang halaga nito.

Ang Singapore nga ay gumastos ng P63 milyon para sa kanilang SEA Games cauldron na hindi naman nila maipagmamalaking gawa ng isang national artist. 

Kung ‘yung mga ipinatayong first-class sports facilities sa New Clark City ang pag-uusapan, aba’y ‘di ba matagal nang nag-iingay ang mga poltiko natin na kesyo pinababayaan daw ng pamahalaan ang ating mga atleta kaya’t kailangan pang pumunta sa ibang bansa para makapag-training nang maayos?

Ngayong mayroon nang world-class na sports complex sa New Clark City at pati na rin mga tirahan ng mga atletang magte-training roon, may reklamo pa rin?

Ba’t naman ganon, Senador Drilon, ano ba talaga ang gusto mo? 

Nang maipaliwanag nang maayos at mailinaw ni Cayetano ang lahat ng puntong inungkat ng Senador, nag-iba na ang ihip ng hangin. Binigyang diin ni Drilon na wala siyang sinasabing ‘overpricing’ at sinabi pang kilala niya ang matatag na posisyon ni Cayetano laban sa korupsiyon kaya’t tiyak siyang walang anomalya sa paggastos ng pondo sa SEA Games. 

Iyan naman din talaga ang dahilan kung bakit si Cayetano ang inilagay ng Pangulong Duterte sa PHISGOC. Alam niyang magiging malinis at walang kahit ihip man lang ng korupsiyon ang pamamahala ng pondo para sa SEA Games kung si Cayetano ang magiging chairman ng Committee. 

Kung wala naman palang pangamba si Drilon na may anomalya o ‘overpricing’ sa mga ginastos para sa SEA Games, bakit pa siya nag-ungkat ng kung ano-anong isyu na nakade-demoralize lang sa ating mga atleta at nakasisira sa imahen ng bansa?

Walang lugar ang grandstanding kung national pride at karangalan ng ating bansa ang pinag-uusapan.                Grandstanding pa more? Pamomolitika pa more?

Bakit hindi na lang manahimik kung ayaw tumulong?

Uulitin lang natin, isara ang malaking bunganga kung walang mabuti o magandang sasabihin.

Ay sus!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected] Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://www.hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top