Thursday , November 14 2019
Breaking News
You are here: Home / Bulabugin / Madam VP Leni DDB dapat tutukan bilang drug czar
Madam VP Leni DDB dapat tutukan bilang drug czar

Madam VP Leni DDB dapat tutukan bilang drug czar

SA wakas ay tinanggap na rin ni Madam Vice President Leni Robredo ang inialok na drug czar posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Madam Leni bilang Drug Czar ay may posisyong co-chair ng  Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Isa sa mga gustong tutukan ni Madam Leni ay baklasin sa ‘marahas na kampanya’ ang drug war ng gobyerno.

Kaya naman magtutuon siya sa mga pro­gramang magbibigay ng bagong pag-asa sa mga lulong sa droga habang ang mga mahuhuling tulak, supplier at courier ay mahigpit na baban­tayan upang maisulong ang prosekusyon sa korte.

Ang inyong lingkod, bilang isang anti-illegal drugs advocate ay nais magmungkahi sa bise presidente na isa sa dapat tutukan ang Dangerous Drug Board (DDB).

Ito po kasi ang ahensiya ng pamahalaan na nakatutok bilang policy maker sa mga pro­grama ng gobyerno na nakatuon kung paano maililigtas ang ating bansa sa salot na dulot ng ilegal na droga.

Kung tutuusin, nasa DDB ang bulto ng pondo kompara sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) pero ang nakapagtataka hindi sila maramdaman ng sambayanan.

Lalong hindi maramdaman ang suporta ng DDB sa isinusulong na anti-illegal drug war ni Pangulong Digong.

Ano ang ginagawa ng DDB sa isinusulong na programa ng gobyerno para labanan ang salot na ilegal na droga?!

Supposedly, isa sa mga trabaho ng DDB ay bumuo ng ‘matalinong formula’ kung paano paliliitin ang ‘demand’ kontra ‘supply’ ng ilegal na drogang pumapasok sa bansa.

Katunayan para maging ‘matalino’ sila sa paglikha ng ‘mahuhusay na programa’ laban sa ilegal na droga ay madalas silang nasa biyahe, junkets, at conferences sa iba’t ibang bansa para higit na patalasin ang kanilang isip at mga kaalaman…

Malaki po ang gastos ng DDB sa mga aktibi­dad na ‘yan. Biyahe, junkets, and conferences, all expenses paid by the agency.

Pero sad to say Madam Leni, hindi nararam­daman ng sambayanan at ng mga katuwang na ahensiya sa ICAD ang function ng DDB.

Ngayong kayo na ang kinikilalang drug czar, malamang ay hindi na masasabi ng DDB na ang anti-illegal drug war ng pamahalaan ay nakatutok sa pisikal na eliminasyon ng mga taong sangkot dito, user man o pusher, kundi nasa mas mataas na antas ng pakikipaglaban kung paano paliliitin ang ‘demand’ kontra ‘supply’ ng ilegal na drogang pumapasok sa bansa.

Umaasa tayo na ang programa ni Madam VP Leni ay hindi lang formula ng ‘tokhang’ at ‘double barrel reloaded.’

Padayon, Madam VP Leni!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected] Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://www.hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top