Thursday , September 19 2019
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Si Jinggoy ang mastermind sa P183.79-M PDAF scam

Si Jinggoy ang mastermind sa P183.79-M PDAF scam

‘YAN ang sabi sa ibina­bang resolusyon ng Sandiganbayan Fifth Division noong naka­raang linggo.

Ito ay bilang tugon ng graft court sa inihaing ‘urgent ex-parte motion’ ng kampo ni Janet Lim Napoles na naban­sagang pork barrel Queen at co-accused ni Jinggoy Estrada sa P183.79-M Priority Development As­sis­tance Fund (PDAF) scam.

Sa nasabing resolusyon (may petsang) Sept. 3, sabi ng Sandiganbayan:

“It is apparent that the information refers to Estrada as the mastermind of the PDAF scheme or the main plunderer. The main plunderer is a public officer.”

Maliwanag sa inihaing mosyon na idiniin ni Napoles bilang mastermind o utak sa pandaram­bong ng sariling pork barrel si Jinggoy, ang paboritong anak ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada.

Niliwanag din sa resolusyon ang pagkakaiba ng kaso na kinakaharap ni Jinggoy sa kaso noon ni dating Pang. Gloria Macapagal Arroyo na inabsuwelto ng Sandiganbayan, anila:

“In the present information, only two accused are public (officials), Estrada and (his chief of staff Pauline Therese Mary) Labayen. In the Arroyo case, it is hard to determine who the main plunderer is considering that there is an enumeration of the names of all the accused who are all public officials who occupy positions with authority, connections and influence, which is not the case in the present information.”

Kung gayon, ano pa ang hinihintay ng Sandiganbayan Fifth Division?

At para saan pa ang nilikhang batas sa PLUNDER na NO BAIL tapos nakalalaya ang akusado dahil pinapayagang makapagpiyansa, aber?

Aba’y, kanselahin agad ang piyansa ni Jinggoy at ibalik na siya selda kung saan mas nababagay ang tulad niya habang nililitis sa kaso.

Tama ba, former senator JV Ejercito?

 

GCTA MAS BAGAY SA BUCOR EXECS

SA lastiko maihahalintulad ang hindi magkakatugmang pahayag ni Pang. Rodrigo “Digs” Duterte kay dating Bureau of Corruption, este, Corrections director general Nicanor Faeldon.

Si Pres. Digs na lang yata ang nakauunawa sa kanyang mga inconsistent na pahayag.

Noong una, ang sabi ni Pres. Digs:

“Faeldon has to go because Faeldon disobeyed my order.”

Pagkatapos sibakin ay sinabi naman ni Pres. Digs na may tiwala pa raw siya kay Faeldon, aniya:

“I still believe in (Faeldon). It was (he) who informed me about some smuggled cigarettes. Because of that report, (the nation) earned P37 billion.”

Aba’y teka, Mr. President, ano po ang kinalaman ng smuggled cigarettes sa maano­malyang pagpapalaya ng heinous crime convicts na nagantimpalaan ng good conduct time allowance (GCTA) sa ilalim ng Republic Act 10592?

‘Buti ang smuggled cigarettes ay nagawang maipagbigay-alam ni Mang Kanor kay Pres. Digs, pero ang P6.4-B shabu na nasabat sa Valenzuela ay nakalusot noon sa Bureau of Customs (BoC).

Kunsabagay, umpisa pa lang ay duda ang publiko na mapaparusahan at mapananagot si Mang Kanor at ang mga nasa likod ng malaking eskandalo sa BuCor.

Minsan na kasing napatunayan ang tibay ng kapit ni Mang Kanor – sa kaso ng P6.4-B shabu na nasabat sa Valenzuela.

Inaabangan pa nga ng marami ay kung saang puwesto naman ililipat si Mang Kanor pagkatapos ng malaking bulilyaso na nangyari sa BuCor.

Pero ang hindi maintindihan ng publiko ay kung bakit sa kabila ng madugong giyera kontra droga ay una pang napalaya sa New Bilibid Prison (NBP) ang mga PDL sa maximum na heinous crime convicts kaysa mga nasa minimum at medium security.

At ang pinakamatindi ay nagantimpalaan ang mga convicted drug trafficker na Tsekwa at nakasama sa mga napalaya.

Hindi kaya mas bagay ang GCTA reward points sa mga opisyal at empleyado ng BuCor na mga preso naman ang kukuwenta?

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top