Thursday , September 19 2019
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Paglakas ng aktibismo, isisi kay Digong
Paglakas ng aktibismo, isisi kay Digong

Paglakas ng aktibismo, isisi kay Digong

KUNG mayroon mang dapat na sisihin sa paglakas ng aktibismo sa mga unibersidad o kole­hiyo, walang iba kundi mismong si Pangulong Ro­drigo “Digong” Duterte at kanyang mga pangkat sa administrasyon.

Kung titingnan mabuti, parang kabuting nagsusulputan ngayon ang mga aktibista sa mga paaralan.  Sabi nga, parang balon ng isda ang recruitment na ginagawa ng mga leftist organizer sa rami ng mga estudyanteng kanilang ‘nalalambat.’

Buhay na buhay nang muli ang aktibismo sa mga paaralan!  At napakadaling makapag-mobilize ng mga pagkilos tulad ng mga rali at demonstrasyon laban sa administrasyon ni Digong.

Kung sa mga nakalipas na taon ay mabibilang sa daliri ang mga sumasama sa rali, ngayon, isang kumpas lang ng mga organizer, dagsa na kaagad ang mga sumasamang aktibista sa mga lansangan.

At sa mga “teach-in,” hindi na kailangan pa ng tatlong “ismo” para mamulat ang mga estudyante dahil damang-dama nila ang mga kalabisan at maling pinagagagawa ni Digong at mga taong nakapalibot sa kanya.

Sapat na ang mga nangyayari sa kasalu­kuyang gobyerno tulad ng usapin sa  EJK, West Philippine Sea at kabastusan ni Digong para tuluyang sumapi sila sa mga legal fronts organization ng mga makakaliwang grupo.

Sabi pa ng isang organizer, hindi na kailangan ng “SKP” kung naririyan naman si Digong.

At sa natitirang tatlong taong pananungkulan ni Digong, asahang ang mga pagkilos ng mga aktibista sa Kamaynilaan ay maihahalintulad sa rami ng mobilisasyon noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Sa bawat araw ng panunugkulan ni Digong, patuloy lamang na lumalakas ang aktibismo sa mga unibersidad. Sa halip na ‘laruin’ kasi ang mga kabataang estudyante, panggigipit ang tanging alam ng kasaluluyang administrasyon.

Parang mga ibong loro ang mga nakapalibot kay Digong. Kahit na mali na ang hakbang ng pangulo ginagatungan pa nila at higit na malupit kung gipitin ang mga kabataang estudyanteng naghahayag ng kanilang mga karapatan at saloobin.

At ang gawin pang “garrison” ang mga unibersidad ay kalabisan nang hakbang ng administrasyon ni Digong.  Lalo lamang maghihi­magsik ang mga mag-aaral kung papayagan ang mga pulis at militar na bantayan ang kanilang mga aktibidad sa mga paaralan.

Kung inaakala ng administrasyon ni Digong na matatakot ang mga estudyante kung papayagan ang mga pulis at military na pumasok sa loob ng mga unibersidad ay nagkakamali sila.

Lalo lamang lalakas ang mga samahan sa loob ng paaralan at malamang na karamihan sa mga estudyante ay tuluyang mamundok na lamang.

SIPAT
ni Mat Vicencio

About Mat Vicencio

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top