Friday , February 26 2021
Breaking News
You are here: Home / Showbiz / Paolo, Christian at Martin, mas naging close at lumalim ang friendship
Paolo, Christian at Martin, mas naging close at lumalim ang friendship

Paolo, Christian at Martin, mas naging close at lumalim ang friendship

LUMALIM ang friendship at naging mas close sa isa’t isa sina Paolo Ballesteros, Christian Bables, at Martin del Rosario sa pagsasama nila sa The Panti Sisters na idinirehe ni Jun Robles Lana at ipinrodyus ng The IdeaFirst Company at Black Sheep.

Ang pelikulang ito ay kabilang sa official entries ng PPP 2019 organized by the Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa pamumuno ni Chairperson Liza Dino Seguerra.

Nagkasama sina Paolo at Christian sa Die Beautiful, habang sa sequel nitong Born Beautiful ay sina Martin at Paolo na ang nagkasama. Nagkaisyu pa nga noon at nagkaintriga dahil matapos magpaalam ni Christian bilang original Barbs sa Born Beautiful ay pinalitan siya ni Martin kaya nagkaroon ng comparison sa dalawa.

Pero hindi naman nagpaapekto rito sina Christian at Martin. Kaya kahit first time nilang magsama sa The Panti Sisters ay nag-click naman sila, siyempre lalo pa’t reunited sila kay Paolo.

Ayon nga kay Martin, “Mas close na kami sa isa’t isa. Sobrang ikling panahon nga lang pero ang maganda sa amin very open kami sa isa’t isa. Nagdya-jive kami, walang awkward moment, walang arte.”

“Kay Paolo na-establish ko na ‘yung friendship sa ‘Die Beautiful’ pa lang. So, reunited kami rito. Ngayon na-continue lang. With Martin, hindi ko ine-expect na magiging ganito kami ka-close kasi ‘yun nga dahil sa nangyari sa ‘Born Beautiful’ before. Nakatutuwa na hindi kami naapektuhan ng mga bagay-bagay, ako personally ng mga nabasa at narinig ko. Pagdating dito sa ‘Panti Sisters’ lahat iyon burado eh, wala. ‘Yun ang gusto ko sa amin, hindi namin pinansin ‘yung mga intriga. So, nabigyan kami ng chance na maging close rito. ‘Yung tipong nakakapagkuwentuhan kami ng kami lang, ‘yung sincere, about life, mga ganoon,” sabi naman ni Christian.

“Ewan ko ba sa dalawang iyan, ang daming sinasabi!” biro ni Paolo. “Eh siyempre mga sisterette ko na iyang mga iyan eh. So, masaya kami lagi sa set.”

Hindi ba naramdaman ni Paolo na naipit siya noon sa isyu kina Christian at Martin lalo na’t dumaan sa kanya ang dalawa dahil pareho niya itong nakatrabaho?

“Wow, dumaan sa akin talaga! I love it! Hindi ako nagpapaipit, charet! Sila nga hindi nila pinansin ‘yung isyu, so bakit ako maaapektuhan,” say pa ni Paolo.

Bukod sa magandang nasasabi nila tungkol sa kanilang friendship, puno rin sila ng papuri sa isa’t isa. Ayon nga kay Paolo, “Si Christian magaling siyang mag-emote, magaling siyang magdrama-drama. Magaling siyang ma-involve sa kanyang character. Si Martin naman ang luha yata niyan parang di-on-off, kasi parang makikita mo na lang siya umiiyak na, ganoon. At saka tignan mo naman very pretty (‘pag nakadamit babae)!”

Papuri naman ni Christian sa dalawa, “Ever since naman si Pao ang okay sa kanya hindi siya namimili ng tao, mapa-nobody ka, mapa-big star ka, pantay ang tingin niya sa iyo. Kaya nga siguro sobra kaming nag-click sa ‘Die Beautiful’ kasi muta lang ako noon pero wala siyang inhibitions pagdating sa akin. As an actor…”

“Actress!” biglang singit ni Paolo at pabirong pagkokorek kay Christian.

Sabay tawa ni Christian at pagpapatuloy niya, “Okay, as an actress… napakabilis mag-connect sa kanya. Very generous siya as an actress. ‘Yung mga kailangan mong maramdaman, ibibigay niya sa iyo, hindi siya madamot. ‘Yung tipong hindi na namin hihintaying magbigay siya dahil ibinibigay na niya kung kailangan niyang ibigay. Kahit ‘yung sa simpleng pag-aayos ng buhok. ‘Pag tingin niya pangit ka, aayusin ka niya. Very thoughtful. Si Martin ganoon din, generous. Every time mayroon kaming eksena na kailangan kong humugot, eto kahit nakahiga lang siya may naibibigay siya. I’m very lucky to be working with these generous actors… ay, actress and actor pala.”

Say naman ni Martin, “Si Paolo, effortless lahat lalo na ‘yung pagiging impromptu at pagiging spontaneous niya, parang lahat ng sabihin niya pasok sa banga, sobrang nakatatawa talaga siya. As a person naman napaka-thoughtful. ‘Yung parang walang pakialam pero may pakialam pala. Ang gusto ko naman kay Christian sobra siyang intense, ang galing niyang pumasok sa character. First time ko siyang makatrabaho, so minsan hindi ko siya maiwasang panoorin kasi ang dami niyang naibibigay sa character niya. Iba ‘yung style niya, iba siyang mag-internalize.”

Kasama rin nila sa cast sina John Arcilla, Carmi Martin, Rosanna Roces, Joross Gamboa, Cedrick Juan, Addy Raj, Mark McMahon, Ali Forbes, Roxanne Barcelo, at Via Antonio. Mapapanood ang The Panti Sisters bilang bahagi ng 2019 Pista ng Pelikulang Pilipino na tatakbo mula Setyembre 13 hanggang Setyembre 19 sa mga sinehan nationwide.

PABONGGAHAN
ni Glen P. Sibonga

About Glen Sibonga

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top