Saturday , July 20 2019
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Vendors sa Maynila humahagulgol na
Vendors sa Maynila humahagulgol na

Vendors sa Maynila humahagulgol na

ANG mga vendor sa buong lungsod ng Maynila na alam nating lahat na de rimerang mga iyakin ngayo’y humahagulgol na matapos mawala ang mga puwesto sa clearing operation na pinamunuan mismo ni Mayor Isko Moreno.

Halos magdadalawang linggo na ngayon mula 1 Hulyo 2019 ay hindi na sila nakapagtitinda ng kanilang mga kalakal kung kaya’t matinding gutom na ang kanilang nararamdaman dahil sa pagtitinda lang sa bangketa ang kanilang ikinabubuhay.

Ang mga vendor, partikular ang mga nakapuwesto sa Divisoria, Blumentritt at Quiapo ang matinding naaapektohan ng clearing operation na isinagawa mismo ni Mayor at iba pang opisyal ng lungsod ng Maynila.

Marami ang natuwa at nasiyahan sa hakbang ni Mayor Isko dahil lumuwag, naging malinis at higit sa lahat ay nadaraanan na ng mga sasakyan lalo sa C.M. Recto Avenue.

Dating barado ang mga nasabing lugar ng mga vendor, tao at sasakyan ngunit ngayo’y maluwag na, malinis at muling nadaraanan ng mga sasakyan, puwede rin maglaro ng patintero dahil sa luwang at lapad.

Kung may mga natuwa ay mayron din nagdadalumhati sa pangyayari at sila ay walang iba kundi ang mga vendor na kumukuha lang ng kanilang ikinabubuhay sa pagtitinda.

Paano naman daw ang kanilang kapakanan kung mananatili pa rin ang ganitong kalakaran at sistema? Ngayon daw ay talagang nararamdaman nila ang hirap at malapit na rin daw maubos ang kanilang puhunan dahil sa pang araw-araw nilang gastos.

Nangyari rin daw ba sa kanila ang ganitong karanasan nang umupo si dating Mayor Erap Estrada anim na taon na ang nakalilipas? Ganitong, ganito rin daw ang kanilang dinanas.

Ibinoto raw nila si Erap dahil sa paniniwalang siya ay para sa mahirap ngunit kabaligtaran anila dahil si Erap pala ay nagpapahirap.

Sana naman daw ay maintindihan din sila ni Mayor Isko na kanila naman daw binoto dahil dati rin naman daw isang anak-mahirap, lehitimong lumaki sa Tondo at totoong batang Maynila.

Huwag kayong mag-alala at nauunawaan naman daw kayo ni Mayor pero hinay-hinay lang daw, slowly but surely ‘ika nga nila.

Sa kasalukuyan ay pinag-aaralan pa raw niya at ng kanyang administrasyon ang pinaka­mabuting gawin. Nais rin daw nilang mangyari ang malagay sa lugar ang lahat, magkaroon ng limitasyon at disiplina sa mga nasabing lugar. Hindi nga naman puwedeng nakabalagbag na lang diyan habang panahon.

Matitiis ba naman kayo ni Mayor Isko at saka hindi rin naman siya lumaki sa andador at kolong-kolong, hindi po ba Mayor Isko? Wait wait lang kayo, he he he…

MTPB MUKHANG DISENTE AT MARANGAL

Sa ating nakikita sa kasalukuyan, disente at marangal ang mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa buong lungsod ng Maynila.

Iba ang kanilang mga tindig at sa ating pananaw, sila ay disiplinado. Halos lahat ng kalye ngayon sa Maynila ay may makikita tayong tauhan ng MTPB na nakatalaga.

Siyempre pa siguradong respetado, marespeto at may itinanim na respeto ang kanilang hepe na si Director Dennis Viaje kung kaya’t siya ay pinakikinggan ng kanyang mga tao. Teach by example ang mama.

Wala rin naman tayong masasabi sa kanilang papel na ginagampanan dahil maluwag at sistemado ang trapiko sa buong lungsod, tuloy-tuloy. Malayong-malayo ito kung ikokompara sa palakad ng nakaraang adminis­trasyon.

Sana’y panatilihin ninyo ang inyong mabuting imahen sa publiko at mamamayan ng lungsod ng Maynila. Mukhang hindi nagkamali si Mayor Isko sa pagpili ng inyong hepe.

More power at mabuhay ka MTPB Director Dennis Viaje.

YANIG
ni Bong Ramos

About Bong Ramos

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top