Saturday , July 20 2019
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Sentido komun ang 24/7 na pagbubukas ng Lacson underpass sa Quiapo
Sentido komun ang 24/7 na pagbubukas ng Lacson underpass sa Quiapo

Sentido komun ang 24/7 na pagbubukas ng Lacson underpass sa Quiapo

MAGANDANG balita na 24/7 na muling magaga­mit ng publiko ang Lac­son underpass sa Quiapo na pinayagang maisapribado ni outgoing ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada noong 2014.

Yan ang sabi ni in­coming Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kamakailan kasunod umano ng natatanggap niyang reklamo mula sa mga senior citizen na nahihirapang makatawid mula at patungong simbahan ng Quiapo.

Kung tutuusin ay hindi na kailangan pang may magreklamo para iwasto ang anomang bagay na mali o posibleng may paglabag sa batas, tulad sa ginawang pagsasapribado sa Lacson underpass na isang pampublikong tawiran.

Kultura na kasi ni Erap ang pagbaluktot sa batas para ihanap ng katuwiran ang mga bagay na mali, basta’t pagkakaperahan ay ginagawa ang pagbalewala sa sentido komun.

Ang pampublikong Lacson underpass na animo’y pribadong ari-arian ni Erap na ikinontrata nang 25-taon sa kompanyang Whitescope Property and Development Corp., at tinawag na Victory Lacson Underpass.

Kung ‘di tayo nagkakamali, kamakailan ay nabanggit ng papasok na alkalde ang pagrekisa sa mga kuwestiyonable at kontrobersiyal na kontratang pinasok ng salaulang administrasyon ni Erap, kasama nga riyan ang Lacson under­pass.

Kapag nagkatotoo ‘yan, masasabing si Mayor Isko at ang kanyang administrasyon ay binabagtas ang landas tungo sa pagbabago.

Sa mga susunod nating kolum ay ating iisa-isahin ang mahahalagang ari-arian ng lungsod na kung ‘di man pinalabas na ibinenta ay ikinontrata sa mga negosyante na suspetsang “dummy” ni Erap.

Abangan!

PCOO EXECS TAGILID MAKASUHAN NG COA

HINDI pa naipapaliwanag ng mga opisyal sa Presidential Communications Operating Office (PCOO) ang P778.893 pondo na nagasta sa 2017 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit na idinaos sa bansa.

Kasama sa maanomalyang pondo na ginamit ng PCOO ang pondo na nagkakahalaga ng P38.8 milyones, ayon sa Commission on Audit (COA).

Ayon sa 2018 audit report, patuloy ang pagbalewala ng PCOO na pangalanan ang mga opisyal na sangkot sa pagkakawaldas ng pondo na inirekomenda ng COA na sampahan ng kasong kriminal.

Sabi ng COA, walang maipakitang hakbang si PCOO Secretary Martin Andanar matapos ipag-utos ang imbestigasyon noong March 15 at April 4, 2018 sa maanomalyang pondo.

Partikular na tinukoy sa 2017 audit report ang P38,807,125.40 na ginamit ng PCOO sa rental o upa ng IT equipment, mga sasakyan, pagbili ng goods at bayad sa serbisyo na ginamit sa ASEAN summit, na ayon sa COA ay paglabag sa Republic Act 9184 na kilala sa tawag na Government Procurement Reform Act.

Sinabi ng COA na biniyak-biyak ng PCOO ang mga kontrata sa pagbili ng goods at bayad sa mga serbisyo na umaabot sa P27.503 milyones at sa ibinayad na upa sa mga sasakyan na P7.264 para makaiwas na idaan sa subasta ang limitasyon sa paggasta sa ilalim ng procurement rules.

Ayon sa COA, nakatipid sana ng P964,872 ang gobyerno kung ang PCOO ay bumili ng mga bagong IT equipment sa halagang P3,074,268 kaysa umupa na binayaran sa halagang P4,039,140.

Natuklasan din ng COA ang P3 milyones cash at travel advances na sinandok sa pondo ng ASEAN ay hindi rin naipapaliwanag ng PCOO hanggang ngayon.

Sino-sino ang mga opisyal ang tinutukoy ng COA na hindi mapangalanan ng PCOO bukod kay Andanar?

Isa lamang ang ibig sabihin niyan, sadyang may pinagtatakpan kaya’t hindi mapangalanan ang mga mandurugas na nakinabang para hindi kumanta at magturo.

‘Di ba sabi ni beloved Pres. Rodrigo “Digong” Duterte galit siya sa mga corrupt?

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top