Friday , July 19 2019
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Congratulations winners better luck next time losers
Congratulations winners better luck next time losers

Congratulations winners better luck next time losers

AS USUAL nakaraos na naman ang sambayanan sa isang eleksiyon — midterm elections.

Bagama’t maraming nairita sa tila hindi kahandaan ng Commission on Elections (Comelec) at maraming vote counting machines (VCMs) ang pumalya, natapos din ang eleksiyon.

Ang bilangan na nasusundan natin sa broadcast media ay hindi pa official result — ‘yan ay partial unofficial result pa lamang.

Pero kagabi, marami na ang nagdiwang sa panalo ni Francis Zamora sa San Juan bilang bagong alkalde at simbolikong pagwawagi laban sa isang dinastiya na ilang panahong namayagpag sa nasabing lungsod.

Pero nakatutuwa pa rin ang sagot ni mayor-elect Francis, isang araw lang ang eleksiyon, ang kasunod nito ay rekonsilasyon at paglilingkod sa mamamayan.

Oo nga naman, lalo’t alam naman ng lahat na ang mga pamilyang Zamora at Estrada ay magkakaibigan.

Sa Maynila, angat na rin sa bilangan si Isko Moreno. Sa Caloocan City, wagi ang unopposed na si Mayor Oca Malapitan. Mukhang nag­diri­wang na rin ang kampo ni Mayor Abby sa Makati.

Mainit na pinag-uusapan rin ngayon ang labanang Joy B. vs Bingbong, lalo ang Vico vs Eusebio.

Ang binata ni Vic Sotto ang inaasahang magpapatumba sa mga Eusebio.

Sa Pasay City, nangunguna na rin si dating Rep. Emi Calixto-Rubiano bilang alkalde habang ang utol niyang dating yorme na si Tony Calixto, ay nangunguna sa congressional race.

Sabi nga, sa mga susunod na araw ay opisyal nang maipoproklama ang mga opisyal na halal ng bayan.

Sa senatorial race, marami ang nagdarasal na sanay maging number one si reelectionist Grace Poe dahil sa kasalukuyan ay nagunguna ang hanep ang buhay na si Cynthia Villar.             

Pansamantala, mag-aabang pa tayo sa opisyal na canvassing.

Sa mga nangunguna na sa bilangan, congratulations sa inyong lahat…

Sa mga nabigo… better luck next time!    

 

PEKENG OEC
BABANTAYAN
NG BI

 MARIING ipinag-utos ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente sa lupon ng Immigration Officers sa lahat ng paliparan ang ibayong babala tungkol sa pakiki­pagsabwatan sa ilang sindikato na gumagawa ng pekeng Overseas Employment Contracts (OEC) at iba pang dokumento sa pagpapaalis ng overseas Filipino workers (OFWs).

Ito ay matapos makatanggap ng report ang pinuno ng ahensiya na isa na namang babaeng OFW ang pinigilang umalis ng bansa matapos magpakita ng pekeng OEC ganoon din ang clearance galing sa Philippine Overseas Employment Authority (POEA).

Ang nasabing Pinay ay nakatakdang umalis patungong Dammam, Saudi Arabia sakay ng Philippine Airlines. Agad hinarang ang naturang pasahero ng mga miyembro ng BI-Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) sa NAIA Terminal 1.

Ayon kay Morente, mahirap nang makalusot ngayon ang ganitong klaseng modus dahil sa database ng ahensiya ay puwede nang ma-verify ang authenticity ng dokumento dahil naka-link na mismo sa opisina ng POEA.

Iniulat na noon lang nakaraang Semana Santa, 14 ang napigilang umalis sa airport matapos madiskubre na puro peke ang dala-dalang OEC at POEA clearances ng ilang OFWs.

Sinabi ng Commissioner na hindi basta titigil ang mga sindikato na pagsamantalahan ang kahinaan ng mga kababayan nating Filipino. Magpapatuloy ang ganitong modus hangga’t may nalilinlang sila.

“Walang manloloko kung walang magpa­paloko!” dagdag pa ni Commissioner Morente.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected] Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://www.hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top