Thursday , May 23 2019
Breaking News
You are here: Home / Bulabugin / Sino man ang magwagi… Sana’y manumbalik ang ‘ningning’ ng Maynila
Sino man ang magwagi… Sana’y manumbalik ang ‘ningning’ ng Maynila

Sino man ang magwagi… Sana’y manumbalik ang ‘ningning’ ng Maynila

MAHAL ko ang Maynila dahil bahagi ito ng aking kabataan at pagkatao.

Ang Maynila para sa akin ay paraiso ng kamusmusan. Dito ko unang naranasan ang masasayang sandali sa aking buhay.

Hindi ko malilimutan ang Binondo na madalas naming pinupuntahan at kinakainan kapag may mahahalagang okasyon sa pamilya.

Isang bagay ang ikinalulungkot natin at ng maraming Manileño, sa mga nagdaang panahon ay hindi napanatili ang ganda ng Maynila. Maraming mga makasaysayang lugar, gusali at institusyon ang tuluyan nang nalimot at hindi na naibahagi sa bagong henerasyon.

Kung dati’y Maynila ang pangunahing lungsod sa buong bansa at sinabing bintana ng Filipinas sa buong mundo ngayon ay dinaig na ng maraming lungsod sa Metro Manila.

Sabi nga, tuluyan nang napag-iwanan ang Maynila.

Pana-panahon ay nagkakaroon ng bagong hilatsa ang Maynila depende sa pamumuno ng lokal na pamahalaan pero kapag nababago ang mga namumuno, nababago rin ang ‘konsepto ng pag-unlad.’

Hindi nakaligtas ang Maynila sa mapanalantang pamomolitika dahil may mga panahong nangibabaw ang interes ng bulsa kaysa kagalingan ng lungsod at ng mamamayan.

Maging ang mabubuting gawa at programa kapag nagbago ang lider ay sinasaliwa.

Kaya hindi tayo nagtataka kung bakit mayroong ayaw umalis, mayroong nagbabalik, at mayroong naggigiit na parang hinog sa pilit.

Marami sa kanila ay atin nang nakadaupang palad. Ilan sa kanila ay kaibigan habang ang ilan ay maituturing na katunggali sa ilang isyung hindi pinagkakasunduan.

Gayonman, iginagalang natin ang boses ng mamamayan.

Sa Lunes, 13 Mayo, ang Maynila ay muling magpapasya at pipili — nariyan ang beteranong lingkod ng bayan, namuno sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, naging mambabatas at naging alkalde na si dating Mayor Alfredo Lim.

Kay Mayor Lim din unang nakilala ang maigting na kampanya kontra droga.

Ang incumbent na Manila mayor — ilang dekadang naging mayor ng San Juan, naging mambabatas, naging bise presidente, naging presidente, hanggang magpasyang pagpugarin ang ‘agila’ sa Maynila — Mayor Joseph “Erap” Estrada.

Bukas na libro naman sa lahat na siya’y nakasuhan ng plunder, na-house arrest at nabigyan ng amnesty. Anim na taon na siyang namumuno sa Maynila.

Ang dating bise alkalde na si Isko Moreno, nagtangkang mag-senador ngunit nabigo at ngayon ay nagbabalik para sungkitin ang pinakamataas na posisyon sa Maynila.

Sa Lunes, nakaatang sa balikat ng mga Manileño ang kinabukasan ng buong lungsod.

Siyempre, magdedesisyon sila batay sa kanilang karanasan…

Sa anong panahon o administrasyon gumaan ang kanilang buhay, nabigyan ng libreng edukasyon, libreng serbisyong medikal, naging malinis ang lungsod at nabigyan ng pagpapa­halaga ang kultura at kasaysayan.

Sino ang naging epektibong lider — si Mayor Alfredo Lim, si Mayor Erap Estrada o ang aktor na dating bise alkalde na si Isko Moreno?

Ihahataw ng Manileño ang kanilang desisyon sa Lunes, abangan!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected] Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://www.hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top