Tuesday , May 21 2019
Breaking News
You are here: Home / News / Magnitude 6.1 yumanig sa Luzon… 5 patay sa lindol (Porac nasalanta)

Magnitude 6.1 yumanig sa Luzon… 5 patay sa lindol (Porac nasalanta)

LIMA katao ang binawian ng buhay habang 20 ang sugatan matapos yanigin ng malakas na lindol ang Luzon kabilang ang lalawigan ng Pampanga nitong Lunes nang hapon.

Sinabi ni Gob. Lilia Pineda ng Pampanga, dalawang matanda ang binawian ng buhay sa bayan ng Lubao at tatlo pa ang nasawi sa gumu­hong gusali a bayan ng Porac.

Dagdag ni Gob. Pine­da, dinala sa pinaka­malapit na pagamitan ang 20 kataong nailigtas ng rescue team habang sinusubukan pa rin sagipin ang mga naipit sa loob ng gumuhong gusali.

Samantala, kanselado ang lahat ng flight sa Clark International Air­port at isasara sa loob nang 24 oras upang mataya ang pinsalang dulot ng lindol sa pali­paran at matiyak ang seguridad ng paggamit nito.

Napinsala rin ng lindol ang isang bahagi ng megadike sa Pampanga na nasa boundary ng lungsod ng San Fernando at mga bayan ng Bacolor, Porac, at Sta. Rita.

Itinuturing ang mega­dike na may habang 57 kilometro ang pinaka­malakas na depensa ng lalawigan laban sa lahar.

Naitala rin ang pinsa­lang naidulot ng lindol sa simbahan ng Parokya ng Sta. Catalina de Alexan­dria sa bayan ng Porac nang gumuho ang kampa­naryo nito.

Bukod dito, nasira rin ang krusipiho sa kampa­naryo ng simbahan ng San Agustin sa bayan ng Lubao na pinaka­matan­dang simbahang itinayo ng mga paring Augus­tinians sa lalawigan ng Pampanga.

Inilipat ang mga pasyente mula sa isang pribadong ospital sa lungsod ng San Fernando, Pampanga upang mati­yak ang kanilang kaligta­san.

Pinatay din ang elek­trisidad sa buong siyudad ng San Fernando bilang preemptive measure.

Nawalan ng kuryente sa Balanga City, Mari­veles, Orani at Morong sa Bataan.

Samantala, nakipag-ugnayan ang Bataan Provincial Disaster Risk Reduction and Manag­ement sa iba pang ahen­siya ng gobyerno upang maapula ang sunog sa Bataan Refinery Center sa bayan ng Limay.

Napinsala ang wel­come arch na naghihi­walay sa mga lalawigan ng Bataan at Pampanga dahil sa pagyanig.

Magnitude 6.1 yumanig sa Luzon

NIYANIG ng 6.1 mag­nitude lindol na tectonic origin ang iba’t ibang bahagi ng Luzon, na ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ay nasa Castillejos, Zambales ang epicenter nitong Lunes nang hapon.

Unang naitala ng Phivolcs ang lindol na may magnitude 5.7 at kalaunan ay naitala sa 6.3 ng United States Geo­logical Survey.

Naramdaman ang iba-ibang lakas ng lindol sa iba’t ibang bahagi ng Luzon na tumagal nang 30 segundo at may depth of focus na 21 kilometro.

Kabilang sa naka­ranas ng Intensity V ang Quezon City, Valen­zuela, at Manila sa Metro Manila; San Felipe sa Zambales; Malolos at Obando sa Bulacan’ Lipa sa Batangas; Abucay sa Bataan; at Magalang sa Pampanga.

Intensity IV naman sa Caloocan, Marikina, Pasig, Makati, at Las Piñas sa Metro Manila; Meycauayan at San Jose del Monte sa Bulacan; Floridablanca sa Pampanga; Villasis sa Pangasinan; Tagaytay City sa Cavite; at Baguio City sa Benguet.

Pagynaig na Intensity III sa Muntinlupa City; Dasmariñas, Indang, at General Trias sa Cavite; Lucban sa Quezon; Cabanatuan, Palayan, Gapan, Santo Domingo, at Talavera sa Nueva Ecija.

At Intensity II ang naramdaman sa Baler, Aurora.

Ayon kay DOST Undersecretary Renato Solidum, walang mala­lang pinsala ang inaa­sahan sa mga nabanggit na lugar at posible pa rin magdulot ng mga after­shock ang lindol kahit hindi ito itinuturing na major earthquake.

Samantala, patuloy ang panawagan ng Philip­pine National Police (PNP) sa publiko na manatiling kalmado at mahinahon.

HATAW News Team

About hataw tabloid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top