Tuesday , June 18 2019
Breaking News
You are here: Home / Opinion / Paligsahan sa ‘fake surveys’

Paligsahan sa ‘fake surveys’

NAAADIK sa mga bogus na survey ang dalawang kandidatong alkalde  na sina Mayor Joseph “Erap” Estrada at talunang 2016 senatorial candidate Francisco Domagoso (a.k.a. Isko Moreno).

Ibinabandera pa ng kanilang kampo ang mga pekeng resulta ng survey sa mga peryo­diko para kumalat at magmukhang totoo ang dating sa publiko, lalo sa mga mga botanteng Manileño.

Ang mga survey din ay karaniwan nang ginagamit ng mga bugok na politiko para huthotan ng pondo ang mapeperang negosyante na kanilang makikikilan ng salapi.

Kaya naman mistulang adik na gumon sa pagpapalathala ng mga pekeng survey sa mga pahayagan.

Kamakailan, si G. Ricardo M. Pilares III, VP-Legal/Compliance Officer ng Metro Pacific Investments Corporation, ay lumiham sa isang pahayagan para pasinungalingan ang napal­athalang survey na isinagawa umano ng Probe Data Processing and Research Services.

Sa napalathalang liham sa pahayagan, sabi ni G. Pilares:

“We write in relation to the news article entitled “Estrada on top of PDPRS poll for Manila mayor” published on your website and print on March 27, 2019.

The story claims that a certain organization called Probe Data Processing and Research Services is ‘a data and research company under the Metro Pacific umbrella.’

Please be informed that Metro Pacific Investments Corporation does not own any company or organization with the name Probe Data Processing and Research Services.”

Wala na nga silang survey na isinagawa ay nakaladkad pa sa politika ang naturang komp­anya.

Puwede na pala ngayon ang sabi daw ni ganito at ni gano’n sa mga peryodiko na ang layon ay linlangin ang publiko?

Maliwanag na ang mga pahayagan na naglabas ng survey result ay hindi nagberipika sa nabanggit na kompanya at nagbase lamang sa press release (PR) na ‘padala’ ng kampo ni Erap.

At ang katunayang hindi nga nagberipika ang mga pahayagan na naglabas ng pekeng survey ay kung bakit kasama ang pangalan ni dating mayor Lito Atienza, Jr. na hindi naman kumakandidatong alkalde sa Maynila.

‘Buti na lang, mabait ang mga patnugutan at hindi kinastigo ang kanilang mga reporter sa isinumiteng fake news kahit makasisira sa kredibilidad ng pahayagan.

Kaya hindi nakapagtatakang manguna si Erap at bise niyang si Amado Bagatsing dahil peke pala ang napalathalang survey.

Ayaw naman patalbog ni Mang Isko sa paghahasik at pagpapalathala ng mga pekeng survey sa media.

Una nang pinasinungalingan ng dalawang nangungunang survey organizations – Social Weather Station (SWS) at Pulse Asia – ang mga survey na inilabas ni Isko.

Pinabulaanan ng Social Weather Station (SWS) ang ipinangalandakang survey ng kampo ni Isko.

Ayon sa SWS, hindi totoo na sa pagitan ng December 21-26, 2018 ay nanguna si Isko sa kanilang.

Katunayan, kailanman ay hindi pa nagsagawa ng survey ang SWS tuwing araw ng Pasko.

Galit na pinabulaanan din ni Marie Tabunda, executive director ng Pulse Asia, sa radio interviews, na may isinagawa silang survey sa Maynila, pagitan ng Feb 1-7 ngayong taon.

Nitong nakaraang Marso, muling naglabas ng survey ang kampo ni Isko na napalathala sa ilang pahayagan.

Nangunguna raw si Isko sa survey ng PUBLiCUS Asia, Inc., sa pagitan ng March 16-17, 2019.

Pero ating napag-alaman na ang Publicus ay naglalako ng serbisyo sa kampanya ng mga politiko at hindi survey organization na tulad ng SWS at Pulse Asia.

Balita natin, Publicus ang ginamit na PR nina Chiz Escudero at Isko na kapwa natalo sa pagtakbo bilang bise presidente at senador, ayon sa pagkakasunod, noong 2016 presidential elections sa tiket ni Sen. Grace Poe.

Sabi nga sa wikang Latin, ”Falsus in uno, falsus in omnibus” na ang ibig sabihin sa English ay “false in one thing, false in everything.”

Sa Tagalog, ang sinungaling daw ay kapatid ng magnanakaw.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top