Wednesday , June 19 2019
Breaking News
You are here: Home / Sports / Ready Set Go nagpakitang gilas
Ready Set Go nagpakitang gilas

Ready Set Go nagpakitang gilas

NAKAISKOR na ng panalo ang kabayong si Play It Safe na sinakyan ni Toper Garganta matapos mabigyan ng magandang go signal sa pambungad na takbuhan nung Biyernes sa karerahan ng San Lazaro. Magaan silang nakaremate sa pinakapaborito niyang daanan sa may tabing balya at siyempre sa tulong na rin nung kakampi niya na si Princess Tin sa gawing tres oktabos (600 meters). Pumangalawa sa kanila ang rumemateng si Can’t Rule Out ni Pabs Cabalejo at pumangatlo ang nakasabayan na si Irene’s Dreams ni Jesse Guce.

Nakapagtala na rin ng panalo ang maliit na mananakbo na si Plus matapos na maparemate ni Jerico Serrano pagsungaw sa rektahan upang lagpasan at talunin ang kakuwadra nilang si Court Of Justice ni John Alvin Guce, naroon din sa eksena sa huling 100 metro ng takbuhan ang isa nilang kalaban na si Captain Of The Sea ni Martin Cangas. Maraming klasmeyts natin ang nakapuna sa alanganin na pananakay na nagawa ni Yson Bautista kay Ten Ten Fort.   Kaya kinakailangan na marebisa sa rebyu.

Tila wala namang iba na tumakbo sa pangatlong karera kaya naging pabor na pabor sa nanalong si Ungkaw na pinatnubayan ni Sadam Pilapil ang laban, tanging iisa lamang ang nakasunod all the way subalit maraming karerista ang nakapagsabi na mukhang ayaw din na manalo? Anyway, kasama talaga sa usaping karera ang ganyang mga napupuna at nararamdaman sa panood habang nagtatakbuhan. Iyon nga lang sana ay nakapanood rin ng mabuti ang nasa itaas ng mga miyembro ng MJCI Board Of Stewards? Upang sa gayon ay nasa proteksiyon naman ang mga nangangarera.

Sa ikaapat na takbuhan ay nakabulaga ang rumemateng si Boni Avenue ni Kelvin Abobo sa huling diretsahan matapos na maunahan nila sa magandang puwesto sa pagremate ang bumulusok din na si Fire Council ni Jomer Estorque, malapit din na dumating na tersero ang katandem nung una na si San Rafael ni Claro Pare Jr. na bumandera sa laban. Malaking kuwestiyon naman ang klase ng mga pananakay na nagawa dun sa unang tatlo hanggang ikaapat na paborito sa bentahan na animo’y mga totoo ayon sa mga beteranong kalsmeyts natin na intindido sa galawan sa pananakay. Mayroon peke na kunwa sumabay at nagkaroon din ng itago mo ko sabay angat para maantala? Haaay naku, mahuhusay lang talagang magbalanse sa ibabaw.

Nagpakitang gilas at nagpakilala na ang bagong mananakbo ni Ginoong Nap Magno na si Ready Set Go na ginabayan ni Jesse Guce na nagpakita rin kung gaano talaga kahusay ang pagiging isang Class-A rider kapag bumibo at umayuda ng husto bilang professional jockey. Tumapos lang naman kasi ng tiyempong 1:21.0 (07-24-24′-25) para sa distansiyang 1,300 meters na marami pang maibubuga habang paparating sa meta.

A penultimate race ay nakasungkit muli ng isa pang panalo si John Alvin Guce sa kabayong si Only One na bumanderang tapos sa laban, pumorkas sa kanila si Apo Moon ni Alan Pare na lumubog na sa takilya bilang pamorkas. At sa pinakahuling takbuhan ay easy winner lang naman ang ginawa ni Mark Alvarez kay Universe na nakatagpo ng magaan na grupong nalabanan. Nabatak sa takbuhang iyan ang pumangalawang si Diamond’s Best ni Jonjon Camañero Jr. Iyong isa nilang nakalaban na si Sunny Side ay walang nakuhang puwesto sa datingan dahil hindi nila naagaw kaagad na makalapit sa may tabing balya.

REKTA
ni Fred Magno

About Fred Magno

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top