Saturday , April 20 2019
Breaking News
You are here: Home / Bulabugin / Kalbaryo ng bayan ang TRAIN Law ni Sonny Angara
Kalbaryo ng bayan ang TRAIN Law ni Sonny Angara

Kalbaryo ng bayan ang TRAIN Law ni Sonny Angara

SA pagtakbo muli ni Senator Sonny Angara sa Senado, hindi dapat kalimutan na isa siya sa may-akda ng Tax Reform for Acceleration (TRAIN), na nagdudulot ng pahirap sa bayan.

Lahat ay apektado ng masamang dulot ng TRAIN law at bilang nagpapakilala sa mga botante, dapat akuin ni Angara na kabilang siya sa may utak ng kontrobersiyal na batas na dahilan kung bakit hindi mapigilan ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Kung babalikan natin, si Angara ang nagtrabaho para matiyak na maipasa ang TRAIN Law sa 17th Congress.

Naipasa ang kontrobersiyal na batas noong 2017 at sinimulang ipatupad noong Enero 2018.

Sa ilalim ng batas, pinatawan ng karagdagang buwis ang mga inuming may asukal at produktong petrolyo. 

Pinatawan ng excise tax na P2.50 ang lahat ng oil products noong 2018 at karagdagang P2 ngayong 2019.

Ang resulta, sunod-sunod at hindi mapigilan ang pagtaas ng presyo ng langis.

May palusot pa si Angara, na hindi ang TRAIN ang nagpapataas ng presyo ng produktong petrolyo kundi ang dikta ng world market.

Minamaliit ni Angara ang kakayahang mag-isip ng mga Pinoy.

Matagal nang batid ng mga tao na ang world market ang nagdidikta ng presyo ng langis.

Pero dahil sa TRAIN law, mas tumataas pa ang presyo ng mga bilihin. 

Magkano na ba ang itinaas ng langis dahil sa TRAIN Law? Umabot na ng P8 hanggang P10 kada litro.

Tama bang gantimpalaan pa si Angara ng reelection sa kabila ng kanyang pagiging utak ng TRAIN law?

‘Wag nating kalimutan ang bangungot na dulot ng TRAIN Law ni Angara.

 

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected] Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://www.hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top