Sunday , April 21 2019
Breaking News
You are here: Home / Opinion / ‘Di mapagkakatiwalaan at masamang huwaran ng mga kabataan si Isko

‘Di mapagkakatiwalaan at masamang huwaran ng mga kabataan si Isko

SI dating vice mayor at talunang 2016 senatorial candidate Francisco Domagoso (a.k.a. Isko Moreno) ang saktong ehemplo na tinutukoy ni Gat Jose Rizal na hindi dapat pamarisan ng mga kabataan.

Masyadong nag-apura si Mang Isko, nali­mutan niya ang mata­linong payo ng Pambansang Bayani na nagsabing, “Ang lumalakad ng matulin, kung matinik ay malalim.”

Binalewala rin ni Isko ang payo ni Rizal na, “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay ‘di makararating sa paroroonan.”

Kung nakinig lang sana siya sa mga payo ni Rizal ay matagal nang naabot ni Mang Isko ang kanyang pangarap, ‘di tulad ngayon na tsamba ang tanging tsansa na manalo sa pagtakbong alkalde ng Maynila.

Walang duda, sa kanya sana nakatakdang isalin ni dating Mayor Alfredo “Dirty Harry” Lim ang trono bilang susunod na alkalde ng lungsod.

Sayang, hindi natuloy ang plano ni Lim na si Isko ang susunod sa kanya noong 2016 kung natapos ang sana’y huling termino ng kanilang tambalan noong 2013.

Pagkatapos ng 2010 elections at muli silang mahalal ni Lim para sa ikalawang termino, ang tunay na kulay at masamang pagkatao ni Isko ay nagsimula nang lumitaw.

Unti-unting nabuko ni Lim ang maitim na balakin at masamang layunin ni Isko laban sa mga mamamayan ng Maynila.

Sumabog ang malaking anomalya sa opisina ni Isko at ng Konseho na kanyang pinamu­mu­nuan.

Nabuko ang “ghost employees” scam na nagsasangkot kay Isko sa report na inilabas ng Commission on Audit (COA) noong 2012.

Nadiskubre ng COA na umaabot sa mahigit P700-M ang nawaldas sa kaban ng lungsod dahil mahigit 600 multong empleyado habang si Isko ang vice mayor at presiding officer ng Konseho sa Maynila.

Ayon sa COA, P84 milyones kada taon ang halagang naibubulsa para sa 623 suspected “ghost” employees na nasa payroll ng office of the vice mayor.

Taong 2012 din, si Isko ay sinampahan ng kasong plunder o pandarambong sa Ombudsman dahil paulit-ulit at tuloy-tuloy na ginagawa ang anomalya sa loob ng mahabang panahon.

Ipinagtaka ng social justice advocate na si Atty. Vladimir Cabigao ang pananahimik ng kaso kaya’t noong 2016 ay naghain siya ng motion at hiniling kay noo’y Ombudswoman Conchita Carpio-Morales na resolbahin ang administrative, dishonesty, misconduct in office at fraud against the public treasury laban kay Isko.

Nabisto rin ng COA ang kuwestiyonableng P7.3-milyones na umano’y ipinambili ng bigas na ipinamudmod ni Isko sa mga biktima ng sunog sa isang barangay sa Maynila.

Pero lumabas na walang sunog na naganap sa lugar, ayon mismo sa Bureau of Fire, at sinabi ng mga residente ng barangay na ni isang takal ay wala silang natanggap na bigas.

Ilang barangay officials din ang nagsampa ng kaso laban  kay Isko tungkol sa RPT share scam sa Maynila.

Taong 2011, sa pangunguna ni Isko, ipinasa ng Konseho ang maanomalyang City Ordinance No. 8229 na ipinupuwera ang kompanyang Smart sa pagbabayad ng buwis sa Maynila.

Ang ordinansa na ipinasa ng Konseho ay hindi pinirmahan ni Lim dahil bukod sa dis­criminatory at disadvantageous sa interes at kapakanan ng mga mamamayan ng lungsod.

Lubhang ikinagalit ni Isko at ng Konseho ang paggamit ni Lim ng veto power laban sa ipinasa nilang ordinansa.

Kung nilagdaan ni Lim ang Ordinansa, mahigit P100 milyones ang mawawala sa nakokolektang buwis ng lungsod na ibinabayad ng Smart kada taon.

Suspetsa ng marami, nagkaroon ng ‘cash-sunduan’ na imbes P100 milyones kada taon ay magbibigay ng lang ang kompanya ng “under the table” na P50 milyones na hindi sa kaban ng lungsod, kung ‘di sa bulsa ng may bulsa papasok.

Kaya naman gumagamit na lang ng mga pekeng survey ang kampo ni Isko na sinusundan ng fund raising dito at fund raising doon para makapanloko.

Tanga, gago at estupido na lang ang manini­wala kay Isko!

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09166240313. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG
ni Percy Lapid

About Percy Lapid

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top