Monday , May 20 2019
Breaking News
You are here: Home / Sports / Alab, balik sa tuktok ng ABL  
Alab, balik sa tuktok ng ABL   

Alab, balik sa tuktok ng ABL  

DINAIG muli ng San Miguel-Alab Pilipinas ang karibal nitong Mono Vampire, 110-100 sa overtime upang masolo ulit ang tuktok ng Asean Basketball League kamakalawa ng gabi sa Sta. Rosa Multi-Purpose Sports Complex sa Laguna.

Naiwan sa 45-58 sa gitnang bahagi ng ikatlong kanto, nagpakawala ng matinding 18-3 ratsada ang Alab sa panguguna ni Renaldo Balkman upang maagaw ang manibela, 63-61, papasok sa huling kanto.

Hindi na pinakawalan pa ng Alab ang bentaha nito tungo sa malaking tagumpay na nagtulak ulit sa kanila sa unahan ng ABL standings.

Umangat na kasi sa 8-2 ang baraha ng Alab, bahagyang angat lamang sa segundang Saigon Heat at terserang Formosa Dreamers.

Ngunit higit doon, napanatili ng Alab ang paghahari nito kontra sa Mono Vampire na kanilang tinalo noong nakaraang taon sa best-of-five finals ng 2018 ABL championship.

Iyon ang unang kampeonato ng Alab sa ABL simula nang sumali sa presitihoyosong regional league sa Asya.

Umiskor nang 38 puntos, 10 sa overtime, ang reinging Defensive Player of the Year na si Balkman para sa Alab na nakakuha rin ng produksiyon sa 2-time MVP na si Ray Parks, Ethan Alvano at isa pang import na si PJ Ramos.

Susunod na makakalaban ng Alab ang Malaysia sa Biyernes sa Sta. Rosa pa rin.

Samantala, nanguna para sa Mono sina Jason Brickman gayondin ang dating PBA imports na sina Mike Singletary at Malcolm White.

Bumagsak sa 2-9 ang baraha ng Mono na lalong lumalabo ang tsansang makabalik sa Finals ngayong taon.

ni John Bryan Ulanday

About John Bryan Ulanday

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

Scroll To Top